Huwebes, Oktubre 9, 2014

Ikaw at ang gabi

May mga bagay na maganda at pangit sa gabi. Katulad nitong bilog na bilog na buwan. Ang gandang tignan. Maliwanag. Buong-buo. Ganun din yung usok sa hawak kong sigarilyo. Paghinithit at binuga mo at gumawa ka ng hugis bilog, ang kapal. Buong-buo din, matagal mawala sa paningin. Ang gandang tignan. Tignan. Pero hindi mo pwedeng hawakan, masisira. Yung buwan naman, hindi maaabot.

Saka ko makikita yung pangit sa gabi. Titingin ako sa bilog na bilog na buwan. Maliwanag. Nakikita ko tuloy yung kalungkutan sa kalyeng nilalakaran ko. Sumasabay sa akin kahit saan ako magpunta. Hihithitin ko yung yosing nakaipit sa dalawang daliri ko tapos gagawa ako ng hugis bilog. Matutuwa ako sa ganda, pero malulungkot ako dahil hindi ko naman ito mahawakan. Kakawala lang sa pagitan ng mga daliri ko, gaya ng ginawa mo nung minsang hawak kita.

Lahat na lang hindi ko mahawakan. Usok, buwan, kalungkutan. Kung pwede ko lang hawakan ang kahit isa sakanila sasaya na ko. Pag naabot ko ang buwan, ibibigay ko sayo yun. Gaya ng pangako ng mga lalake sa teleserye. Baka sakaling magbago ang isip mo sa paglayo mo sakin. Kung mahahawakan ko lang ang usok, itatago ko yun. Dadalhin sa kahit saan para hindi ko na kailangang manigarilyo dahil dala-dala ko na yung usok na kinaaaliwan ko. Kung mahahawakan ko ang kalungkutan ipapasak ko yun sa unang butas na makikita ko. Sa kanal, sa bitak ng semento o kahit saan pa. Tatapalan ko ng mabigat na bagay para hindi na nya ko masundan sa kahit saan man ako pumunta.

Kaso hindi. Lahat ng bagay na nakakapag pasaya at nakakapag palungkot sa akin ay hindi ko mahawakan. Buwan, usok, kalungkutan, alaala, pati ikaw at ang gabi. 

1 komento:

  1. Ang pwede mong panghawakan... Paniniwala. Pag naiwala ka, matutupad ang kahit anong ninanais mo. :-)

    TumugonBurahin