Lunes, Nobyembre 24, 2014

Kung sino ka man, para sayo to

Para sayo. Oo, ikaw na aking unang inibig. Kahit na hindi tayo sigurado kung pag-ibig nga ba talaga yung nararamdaman natin dati o dala lang ng ating kabataan. In kasi sa classroom natin nun kapag may karelasyon. Pero kahit ganun, nakakatuwa yung pinagsamahan natin. Yung matutuwa tayo sa mga pinakasimpleng bagay. yung pagrereview ng sabay. Yung kilig na kilig na sa holding hands. Yung mga pagtatalo natin sa pinakamaliliit na bagay, katulad ng hindi tayo sabay lumabas ng room o kaya hindi tayo magkatable kapag recess. Sa lahat ng yun, salamat.

Eto naman ay para sakanya. Sigurado akong hindi mo to mababasa. Blinock kita sa fb nung brineak kita. Pasensya ka na kung kailangan kitang iwan dati. Hindi dahil sa nagkulang ka, o may gusto akong iba. Maniwala ka't sa hindi, kusang nawala na lang yung pakiramdam. Hindi ko alam kung dahil minadali natin ang lahat. Kung may kinalaman ba yung tatlong araw lang nating pagkakakilala tapos naging tayo na. Pero sa tingin ko wala naman, tumagal tayo ng halos dalawang taon. Saka sabi mo nga, hindi panliligaw yung pinapatagal, yung relasyon. 

Naging napaka unfair ko sayo. Madami akong naging pangako sayo na hindi ko natupad. Mula sa pinakasimple katulad ng pagbibigay ng sulat sayo tuwing special day natin, ipasyal o samahan ka sa gusto mong puntahan, bilhan ka ng sapatos. Naipangako ko din yung forever sayo pero iniwan kita. Akala ko magagawa ko lahat ng yun dahil sa pag-ibig. Pero hindi pala. Sa lahat ng nagawa ko, pasensya na.

At sayo, na nakakita sakin kung paano ako naghirap ng dahil sa break up ko sakanya. Sayo na tumulong saking ngumiti sa bawat araw, magtyagang pumasok. Sumama sa gusto kong puntahan. Sayo na laging nakikinig sa madrama kong buhay. Sayo na umintindi, umunawa at hindi nang iwan sakin. Salamat. 

Dahil sayo nalaman kong kaya ko pang magmahal. Na kaya kong itama ang lahat ng mali kong nagawa dun sa nauna sayo. Dahil sayo nalaman kong kaya ko ulit mangako at tuparin yun. Dahil sayo nalaman kong kaya kong gumising ng sobrang aga para magluto at magsundo sayo. Nalaman ko na kaya kong maglaan ng oras sayo nang hindi ko napapabayaan ang iba. Dahil sayo nalaman kong kaya kong gawin ang akala kong hindi ko kayang gawin. Katulad ng pagkain ng pinya, dinuguan at papaya. 

Dahil sayo nalaman ko na masarap ma-inlove sa isang kaibigan. Dahil sayo nakahanap ako ng iba pang kaibigan kapalit ng mga nawala sakin nung naging tayo. 

Hindi ikaw ang unang pag-ibig ko pero mas madami akong first time na kasama ka. Unang beses kong gumastos ng 150 para sa isang ride na tumagal lang ng sampung minuto. Unang beses ko ding kumain sa mga kainang hindi jolibee o mcdo ang pangalan. First time kong umorder ng mga pagkaing hindi ko mabigkas at hindi ko alam kung saan gawa. Ikaw ang unang-unang babae na kahawak ko ng kamay habang nagdadasal sa lumikha satin. Hindi ikaw ang una kong pag-ibig pero sinabi ko sayo na ikaw na ang huli. Ako ang una mong pinaka-inibig pero hindi ako ang huli. 

kahit ganun ang nangyari, salamat parin. Salamat sa ala-ala. Ala-ala sa buhay kolehiyo, sa byahe, sa mga kaibigan. Salamat sa oras, panahon, pag-uunawa sakin at sa insecurities ko. Salamat sa madaming aral ng buhay. Na ang lahat ay may hangganan (joke) Malaya ka na. No hard feelings sana. saka yung mga naiwang kasunduan at usapan sana gawin mo. 

At para sa susunod na girlfriend ko. Para sayo tong sulat na to. Hindi ko alam kung kelan mo mababasa o marerealize na para sayo to. Hindi pa kita kilala pero sigurado akong pag-inabot ko sayo tong sulat na to eh mahal na mahal na kita. 

Meron akong tatlong hiling sayo, susunod kong girlfriend. Sana huwag ka munang dumating. Ngayong araw na sinulat ko to, kahit na sinabi kong malaya na yung nauna sayo eh may nararamdaman pa ako sakanya. Hindi ko sigurado kung pag-ibig nga yun. At isa pa, wala pa akong trabaho ngayon. Hindi ko kaya ang dami ng problema tiyak kong wala akong maibibigay sayo na oras o materyal na bagay sa ngayon. Hayaan mong ayusin ko muna ang sarili ko para pag naging tayo na ang pro-problemahin mo na lang eh kung pano ka magpipigil ng ngiti at kilig. 

Hanggang dito na lang muna, saka ko na hihingin yung pangatlo kong hiling sayo kapag dumating ka na.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento