Sabado, Pebrero 17, 2018

Mga ingay sa gabi

Ganito sya palagi sa tuwing hindi makatulog. Uupo sa harap ng kanyang laptop at magsusulat tungkol sa dati nyang pag-ibig. Isusulat nya kung paanong kunwaring mahal parin nya ang dating kasintahan sa kabila ng panglolokong ginawa nya dito dati.
Sa kalagitnaan ng kanyang pagsusulat ay bigla syang mapapatigil. Maiisip nyang bakit kailangang ang isulat nya ay tungkol sa dati nyang pag-ibig na niloko nya. Bakit hindi na lang tungkol sa mga napapanahong issue. Kung sa inuman nga’y nagagawa nyang bumangka tungkol dito, bakit hindi nya isulat? Pagkatapos kausapin ang sarili ay buburahin ang naunang isinulat.
Sandali syang manonood ng balita mula sa youtube, papasadahan ang ilang mga facebook page, mula sa may kwento hanggang sa wala, pagkatapos ay magsusulat ng mga feeling cool nyang opinion. Magsusulat. Mabablangko. Buburahin ang sinulat. Sasabihin sa sarili na bakit nya isusulat ang isang bagay na wala naman syang paki. Wala naman daw kasi syang paki ke tumaas ang bilihin, ang gas, ang tuition, maphase out ang jeep. Wag lang pumalo ng sampung piso isang piraso ang Marlboro lights.
Mabuburyo. Babalik sa paghiga. Pipikit kahit di na inaantok. Magbibilang ng tupa. Lolokohin ang sarili na kapag binilang nya ang mga ito ay dadalawin sya ng umalis ng antok. Babaliktarin ang unan baka sakaling nandun lang ang hinahanap. Ang kanyang antok, lumisan nyang pag-ibig, kapahingaan (ng katawan at isip), ang patawad sa sarili. Pero wala.
Mananatili pa syang gising sa mga susunod pang oras. Lalakas ang pitik ng kamay ng orasan at ang tunog ng patak sa may tagas nilang gripo. Ang bawat pihit at ikot ng katawan nya ang gagawa ng extrang tunog. Magrereplay pa sakanyang isipan ang mga kalokohang pinag-gagagawa nya. Mula sa panloloko nya sa mga naging jowa nya na hindi sya kumakain ng matamis para makaiwas sa mga mamahaling tsokolate at ice cream na baka irequest na pagsaluhan nila, hanggang sa malaking halagang kinickback nya sa magulang nya para sa kanyang thesis, at ng mga iba pang alaala na kung maari lang ay hindi na nya maalala.
Pagkatapos ng mahabang kalbaryo ay makakatulog syang parang gising parin ang kanyang diwa. Naririnig parin nya ang kamay ng relo, ang patak ng tubig sa may tagas nilang gripo, ingay ng electricfan, kahol ng aso at ng mga iba pang ingay sa gabi. At kinabukasan ay magigising sya mula sa kanyang mababaw na tulog sa saliw ng ingay ng mga kabahay nya. Gagayak para pumasok sa pinapasukan nyang barat magpasahod pero hayop mag pa OT.
At pagsapit ulit ng gabi, matapos ang mahabang araw na sinimulan nya sa pagbusangot, lolokohin nya ulit ang sarili nya. Magsusulat tungkol sa dati nyang pag-ibig, opinyon nya sa mga bagay-bagay at saka muli buburahin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento