Linggo, Disyembre 20, 2015

Huwebes, Disyembre 10, 2015

Kargada ni koya

Sabi ni Jun Cruz Reyes, mas malakas daw tumawa ang mayaman kumpara sa mahirap. Sa kadahilanang mas confident daw ang mga ito kumpara sa mga mahihirap na walang kimi. Naisip ko to kanina habang nakasakay ako ng pampublikong bus. Meron akong nakatabi na sobra sobrang bumukaka. Palagay ko'y laking laki sya sa kanyang kargada, na kung hindi sya bubukaka ay maiipit ito at baka sakaling ikabaog nya. Dahil dun, hindi ako nagpatalo. ang ginawa ko'y bumukaka din ako. Naintindihan nya ang gusto kong sabihin sakanya. Na hindi lang kargada nya ang malaki, malaki din yung akin.
So ngayon nagkaroon kami ng isang stand off. Ito yung nagpapakitaan kayo ng lakas pero ayaw nyong magsakitan. Nagtutulakan lang kami ng tuhod. Ang unang tuhod na tumiklop ibig sabihin ay maliit ang kargada nya. Palaban tong si kuya. At masasabi kong sanay sya sa mga ganitong laban. Ang ending, Nagtagpo lang ang aming mga tuhod sa gitnang hati ng upuan. Walang nanalo. Hindi napag desisyunan kung kaninong kargada ang mas malaki. Pero dahil sya ang aggresor (yung unang nagtangkang mang ipit para maipakita na malaki ang kargada nya) hindi sya pumayag na tabla ang resulta.
Kinuwentuhan nya ako ngayon tungkol sa kanyang kargada. Parte parin ito ng stand off, katulad ng mga high school student na kapag walang titser eh nagbibilog bilog at nagpapakitaan ng kargada, kapag naman college at medyo may edad na, sa kwentuhan na ito dinadaan.
Eto ang sabi nya:
koya: Toy, lam mo ba, yung huling chicks na nakakita neto eh umayaw.
Ako: Oh, bakit daw?
koya: Ang laki daw kasi masyado, sa kabayo ko na lang ipasok.
(Para sa mga nagpapavirgin at hindi pa nakapanood ng animal x human porn, kapag inihalintulad sa kabayo ang kargada mo eh ibig sabihin malaking malaki talaga yun.)
Matapos nyang sabihin yun wala akong nasabi. Hindi naman kasi talaga ako palasalita. Hindi ako yung makwento pagdating sa mga ganyan. Kaya ang ginawa ko, tumayo ako, tinanggal ko yung sinturon ko tapos hinubad ko yung pantalon ko. Malinaw 3 inches. 3 inches nalang sasayad na sa sahig ng bus.
Nung nakita ko syang natameme, sinuot ko na ulit ang pantalon ko tapos umupo. Wala na syang imik. Nilabas ko ang iphone6s ko at nag soundtrip.
Mamaya konti nung nagbabaan na karamihan ng pasahero, kinalabit nya ko. Nagulat ako pagtingin ko sakanya nakalabas yung kargada nya. Balisong. Tang ina.

Lunes, Nobyembre 16, 2015

Anong oras kita kakalimutan?

Lagi akong ganito. Pinagpaliban ang isang bagay kahit gaano pa kaimportante.
Tuwing umaga nag-aalarm ako ng 6:49, oo 6:49, dahil late na ko kapag 6:50 ako nagising. ang kaso’y pagtumunog eh papatayin ko lang at matutulog ulit ako. Pagkagising ko alas otso na, tatamarin na kong pumasok.
Pagdating naman sa opisina’y alanganing umaga at tanghali na. Maaga para sa lunch break at late naman kung sa oras ng pagpasok. Para hindi ako malito ay humihingi ako ng tulong sa kaibigan kong pall mall, kapag nakatatlo na ko at sunog na ang aking labi at baga, sasabihin kong mamaya na lang ako papasok mga ala-una.
Pag-uwian naman hindi ako makaalis agad, dahil nga para akong boss kung pumasok (laging late) nakakahiya namang ako pa ang unang aalis, kaya’t ang mangyayari ay mag-oovertime ako sa opisina, magkakayayaan ng pusoy o inuman.
Nagseset ako lagi ng oras. Hindi ko lang nasusunod. Kapag sinabi kong hanggang alas otso lang ako ng gabi iinom o magpupusoy, wag mo kong paniwalaan, nung huli kong beses na sinabi yun dun na ko nakatulog sa opisina.
Magigising akong hindi pa sikat ang araw sa umaga. Mga alas tres, patay ang Diyos, kaya lalapitan nanaman ako ng multo ng nakaraan. Makikita kong muli sa isip yung itsura nya, mahabang buhok, maputing kutis, walang dugo sa mukha, walang dugo sa mukha. Bubuksan ko ang facebook ko, titingin sa luma naming litrato. 10 seconds lang, tang ina popoy lang ang peg.
Swipe, swipe, swipe, makikita ko ang itsura kong nakangiti kasama sya. Swipe pa, Marso ng taong 2014 okay pa kami. Alas tres beinte na.
Swipe, swipe, swipe, Pasko ng 2013, nag comment sya sa picture ko na nakatag sya, “Masaya ako’t nakilala kita. I love you baby ko” Tingin sa orasan 3:42 na.
Sasabihin ko sa sarili ko na hanggang alas kwatro lang kitang titignan. Pero alam kong hindi ko magagawa yun. Katulad ng sinabi ko nung iwanan mo ko, hindi na kita hahabulin kapag pumatak na ang unang ulan ng Mayo, inextend ko, sa pasukan ng mga estudyante hindi na kita mamahalin, inextend ko, hanggang na extend ng naextend.
Swipe, Swipe, Swipe, mamaya mata na ko na yung sina-swipe ko. Papatak nanaman ang luha, nagdudugo nanaman ang mga sugat ng nakaraan. Tumitalaok na ang manok saka pa lang ako matutulog. Bubulong sa sarili, bukas babangon ako ng 6:49, kakalimutan na kita.
ayyyy. next time na lang pala.

Miyerkules, Nobyembre 4, 2015

Nung High School ako

Maghihintay lang ako kapag cleaners yung tropa ko.
Aasa lang ako tuwing may bagyo, na sana walang pasok kinabukasan.
Mapupuyat lang ako sa kakaisip ng tungkol sa mga assignments hindi sa kung anu-anong bagay
Iiyak lang ako kapag napagalitan ng magulang.
Ang iniisip ko lang sa pag uwi eh kung anong idadahilan ko sa nanay ko, hindi ko iniisip kung nakauwi ka na ba.
Kapag bagsak lang ako sa subject ko ako nalulungkot, hindi kagaya ngayon, di mo lang ako mateks sira na araw ko.
Noon madali lang sumaya, manalo lang sa dota okay na. Ngayon kahit sahod na, baliwala kung hindi kita nakita.

Biyernes, Oktubre 30, 2015

10/24/2015

Masyadong malungkot ang oktubre ko kaya inisip na lang kita.
Ikaw at ang yong kulot na buhok.
Ikaw at ang yong manipis na kilay.
Ikaw at ang yong may brace na ngipin.
Ikaw at ang yong payat na hita.
Inisip kita habang nagbabasa ako ng mga sinulat ni Essa, ang sabi nya’y hindi nauubos ang kalungkutan, nasa upos ito ng sigarilyo, sa mga bote ng alak na walang laman, nasa hangin, kahit saan nandun ang kalungkutan.
Inisip kita habang pinapakinggan ko ang bago kong paboritong kanta, eroplanong papel.
Inisip kita habang nakatulala ako sa bintana ng Kellen sa kahabaan ng Commonwealth.
Iniisip kita habang nasa trabaho ako kapag hindi ko kinukupal yung boss ko. Kamusta ka kaya? Masaya ka ba ngayong oktobre? Naalala mo kayang tatlong taon na sana tayo?
Inisip ko na lang na masaya ka ngayon, dahil lagi mo ngang sinasabi, walang dahilan para maging malungkot ka.
Inisip ko yung noon, yung ngayon, inisip kita, tang inang oktobre to. Malungkot talaga.

Sabado, Oktubre 24, 2015

Naisip kong sa huling sandali ng iyong buhay ay nakangiti ka.
Tineks mo sila at nung hindi sila nagreply ay tinapon mo ang yung cellphone sa lapag kasabay ng buntong hininga. Pagkatapos nun ay ngumiti ka ng mapait.
Sa sandali ng yong pag iisa ay nakita mo ang kamatayan. Niyakap mo sya't nagpasalamat dahil hindi ka nya pinabayaang mag isa.
Isinuot mo ang tali sa iyong leeg, tumingin muli sa cellphone, wala paring tugon, nag wika ng dasal pagkatapos nun ay nilamin ng dilim ang buong pateros.

10/23/14

Tinangka mong burahin lahat ng yong bakas. Lumabas ka ng bahay para magbayad ng utang.
Pag uwi mo sa inyong bahay nakita mo ang mahal mong ina na naglalaba. Tinulungan mo sya hanggang sa pagsasampay. 'Nakatulong na ko sa kapwa, okay na po siguro to di ba?' Sabi mo sa hindi nakikitang kausap.
Pumasok ka ng bahay. Nagpalit ng password. Nagbura ng history sa google. Nagpunta ka sa kwarto at nagpatugtog ng malakas. Sigurado kang nabura mo lahat ng yong bakas.
Pero nagkamali ka. Ikalawang taon na pero tanging kandila parin ang nagbibigay ng liwanag sa isang bahay sa pateros.

Huwebes, Oktubre 8, 2015

10/05/15

Hindi ko alam kung bakit kita kasama dito. Sigurado akong iniwan ko na ang lahat ng hibla ng alaala mo nung huling naglasing ako sa Expo.
Tahimik akong nakaupo nang mapinsin mo ako. Lumapit ka at nagtanong ng ‘kamusta?’ gulat ako at walang maisagot.
Umupo ka sa tabi ko at nagkuwento. Hindi ko maalala kung ano. Masyado akong gulat, nag iislow-mo ang lahat, nakatingin lang ako sayo habang nagsasalita ka. Paminsan-minsa’y naghahawi ng buhok mong hinahangin. Gustong-gusto ko talagang tinitignan kung pano mo yun iniipit sa likod ng iyong tenga, may kaunting hibla ng buhok na kakawala na syang lalong nagpapaganda sayo.
Nagsindi ka ng yosi at nagtuloy sa pagkukwento. Tulala parin ako sayo. Hindi ko namalayang tapos ka na pala sa mga sinasabi mo.
‘Sasama ka ba?’ Tanong mo sa akin. Hindi ako nakasagot. Tumayo ka, naglakad papunta sa gilid ng buruwisan falls. Tumayo ako at sumunod sayo.
‘Saan tayo pupunta?’
‘Magtiwala ka lang’ sabay hawak sa kamay ko, nang makutuban mong hindi ako sasama sinabi mo..
‘Huwag kang matakot’
Bumitiw ka sakin at nagpakatihulog, sumunod ako. Ngumiti ka.
Nagpakatihulog tayong dalawa.
Nahulog ako sakanya, nahulog ka sa iba.
Nagising akong nakangiti. Ito na ang aking paglaya

Lunes, Oktubre 5, 2015

Para sayo, eto ka ../..

Ilang beses ko bang uulit-ulitin sayo? History Major ako.

Wala akong pakialam sa pagkumplikado mo ng mga bagay-bagay -- sa pagluluto ng adobo, pag gawa ng pastillas, paglalakad, pagkahulog ng kung anu-anong mga bagay.

Kaya nga hindi physics ang kinuha kong kurso eh, kasi ayoko ng mga ganyang komplikadong bagay.

Simple lang para sa akin ang mundo, ayaw kong tignan pa ito sa mas mahirap na paraan. Kaya siguro ayaw ko din sayo.

Huwebes, Setyembre 24, 2015

Paglasing dun ka lang malambing

Lumiwanag ang madilim na gabi pagkabukas ng San mig Lights. Mga ilang bote lang ay nawala na ang lamig na bumabalot sa paligid, ilang at awkwardness. 

Pagkatapos ng unang bucket ay nakasandal ka na sa balikat ko habang nilalaro-laro ko ang buhok mo.

Natapos ang inuman. Magkahawak ang ating kamay papuntang sakayan. Hinatid kita sa inyo. Kinabukasan nung nagkasalubong tayo inisnab mo ulit ako. 

Lunes, Setyembre 14, 2015

091115

Ang tutoo'y wala akong paki kung tama o mali ang ginagawa ko.

Magkasama kami maghapon. Magkateks kami magdamag. Kung mapapadpad kami sa lugar na walang nakakakilala saming dalawa'y naghahawakan kami ng kamay. Kung may pagkakataon ay nagnanakaw din kami ng halik, sa pisngi, sa labi, sa noo, kahit saan basta may pagkakataon.

Sinasabi naman nya saking wala kaming patutunguhan kasi may boyfriend sya. Wala akong paki dun. Ni hindi ko naisip na umiwas. Basta masaya ako, at masaya sya.

Hanggang sa isang araw sinabi nyang mahal na nya ako. Naisip kong kailangan na naming itigil to. Hindi dahil hindi ko sya mahal, yung huli kasing nagsabi sakin ng 'mahal kita', iniwan akong mag isa. Damn.

Lunes, Agosto 24, 2015

Walang pinagbago

May starmall na sa labasan. May tinatayo na ring SM sa may tungko.

Trapik na sa may Pleasant. Wala na yung quadrangle dun sa dati naming school, napalitan na ng covered court.


May mga bagong tambay na rin sa may duhat, karamihan dun hindi ko kilala. 

Kanina nakita ko si Tomas, yung bunsong kapatid ng kababata ko, mas matangkad na sya sakin. 

Wala na yung mga TBS, SF, TST, napalitan na ng magkakaclan sa COC.

Madami ng nagbago sa lugar at sa mga tao dito samin. Ako na lang ata ang walang pinagbago.

Mukha parin akong bata, maliit, at eto.. 

Hanggang ngayon, mahal ka parin.

Lunes, Agosto 17, 2015

Tara sa batibot

Hindi ko matandaan kung saan ko narinig tong banat na to, pero sobrang natawa ako dito kaya tinesting ko sayo baka sakaling kiligin ka.

Ako: Dapat dun tayo sa batibot eh.

Sya: Bakit?

Ako: Kasi dun sa batibot "tayo na, tayo na"

Tumawa ka lang, tapos hinawakan mo yung kamay ko.

Kinilig ako

Miyerkules, Agosto 12, 2015

Palaging ganito.

Laging ganito. Naaalala kita.

Tuwing ako'y umiinom, tuwing nagbabasa, o kaya'y nasa trabaho.

Lagi kitang nakikita sa mga lugar na ating napuntahan.

Sa Farmers, Cubao Ex, at sa Circle.

Tang ina. Namimiss kita.

Lagi akong ganito. Minsan natatawa na lang ako sa sarili ko.

Paulit-ulit kitang naiisip, paulit-ulit kong binubulong ang pangalan mo, kahit na..

hindi na kita mahal.

Martes, Hulyo 28, 2015

Sabi ng isa kong kaibigan:

"Walang bagay ang makakaligtas sa pagkalimot. Sa bandang huli, walang matitira sa atin. Kahit ang iyong mga ala-ala na minsang iniingatan"

Huwebes, Hulyo 23, 2015

Ilang bagay na nalaman ko pagkauwi ko galing Malolos

Hindi ko inaasahang babalikan ko muli tong munti kong espasyo. Shet. Akala ko'y tapos na ko sa paglayo't pagtakas pero hindi pa pala.

Malamig kagabi. Ang lakas maka-emo ng panahon. Wala namang pang inom at pambili ng yosi dahil sa baba ng sahod. Sa mga ganitong pagkakataon pagsusulat ang takbuhan ko.

Nung nakaraang araw ay galing ako ng  malolos para sa isang event. Pumunta ako dun para magcoach ng mga bata at mag-enjoy pero hindi ganun ang nangyari. Binastos ako ng guwardiya at ibang mga magulang. Tang ina. Ngayon lang ako nakaranas ng ganito.

Sa mga pangyayaring yun naalala kita. Naalala ko kung pano ko binigay ang lahat sayo at sa bandang huli eh ako tong naging masama sa paningin ng iba. Tang ina talaga. Galit na galit ako. Pero katulad ng dati'y wala akong ginawa kundi iinom ang problema't mag-iiyak pagkatapos ay matulog. Umasang pagkaihi ko bukas ng umaga wala na lahat ng nararamdaman.

Pero wala. Ikalawang araw ko ng nagkikimkim ng sama ng loob dahil sa karanasan ko sa Malolos. Doon ko nalaman ang mga ilang bagay na alam na ng iba pero ngayon ko lang nalaman.

1. Masarap din pala ang Mighty na green.
2. Kahit anong bait mo gagaguhin ka parin ng ibang tao at sa huli ikaw ang magmumukhang masama. Tang ina talaga.

Linggo, Hulyo 12, 2015

I'm officially missing you

Sobrang tahimik sa opisina simula nung umalis ka. Naririnig ko yung kalungkutan. Kung bakit kasi kailangan mo pang magpaalam..

Miyerkules, Hulyo 8, 2015

Break-fast


Isang mainit na kape kasabay ng pag-iisip sakanya at sa desisyon nyang itigil na ang lahat : perpektong agahan lalo't ngayon ay umuulan. (may kasama pang background music ng Front Porch Step)

Martes, Hulyo 7, 2015

Despidida


At sayong pag-alis. Muling pumasok sa aking isip na lahat ng babae ay nang-iiwan. De joke lang.

Iniisip ko kung susulat ako ng tungkol sayo dito sa munti kong mundo, at naisip kong bakit hindi? Eh isa ka sa mga dahilan kung bakit pumapasok ako sa trabaho bukod dun sa kakarampot kong sahod na takot akong mabawasan kapag umaabsent ako.

Ikaw ang gumigising sa akin kapag malapit na kong makatulog dahil sa nakakabagot na meeting.
Ikaw ang nagliligtas sakin sa kapag natatambakan na ko ng trabaho.
Ikaw ang nagbibigay ng lighter sakin kapag nawawala ko o kinukuha ng boss ko yung sa akin.
Ikaw ang naghahatid sakin sa sakayan tuwing nalalasing ako sa inuman.
Ikaw ang nagpapangiti at nagbibigay ng lakas ng loob sa akin kapag gusto ko ng umayaw sa trabaho.

Sa lahat ng yun, salamat. Siguradong hindi kita makakalimutan.