Huwebes, Disyembre 21, 2017

Happy anniv!

Sabi ng mama ko kanina, ang sikreto ng mahabang pag-iibigan nila ni papa ay dalawa.
1. Loving always - Mag-ibigan sa lahat ng pagkakataon, sa lahat ng panahon. At kung may mga bagay na di inaasahan, o labas sakanilang pang-unawa, dito papasok ang ikalawa.
2. Love them anyways - Applicable daw ito lalo saming mga anak nya. Example. Hindi ako nagsaing, Papagalitan nya ko but still she loves me anyway.
Madami pang mga pangaral, madaming payo, hindi ko na isusulat dito pero hindi ibig sabihin na nakalimutan ko.
Alam ko late na ko sa pagbati at medyo tipsy nanaman ako, Alam ko namang you will love me anyway. HEHEHE.
Happy 30th anniv sa inyo. Salamat sa enduring love. 

Linggo, Disyembre 10, 2017

Ang pagbabalik.

Ilang araw ka ng nakatambay sa isip ko, siguro namimiss kita. Pero gaya nga nga sabi ni essa, ‘Nami-miss kita, pero hindi ko nanaisin na bumalik ka pa”
Mahirap ng itanggi to. Namimiss nga kita.
Sa totoo lang, tatlong taon na ang nakalipas, pero hanggang ngayon iniistalk parin kita sa twitter at IG mo.
Kapag bumabyahe ako papunta’t pauwi galing cubao, umaasa parin akong makasabay ka. Nung nakaraan sinadja ko pang bumaba ng Sandigan.
Hinahanap parin kita sa National Bookstore sa Farmers, sa DQ sa Gateway, sa Padis, sa Expo, pero kahit anino mo wala.
Naririnig ko nanaman ang boses mo sa kiss me slowly ng parachute at sa mga kanta ng faber drive.
Ewan ko ba, epekto parin ba to ng engkanto sa Amuyao? Kung bakit ba kasi hindi na lang ang alaala mo yung nailagaw.


Tumatambay ka nanaman sa isip ko, mukhang mapapatambay nanaman ako dito sa blogger ko.

Biyernes, Agosto 18, 2017

Life Hacks

Delikado na sa Pinas ngayon kaya eto ang ilang mga tips para iwas sa tokhang.
  1. Dapat mukha kang teen-ager. Nabalitaan naman siguro natin si Kian. Madaming mga netizen ang sumigaw ng foul sa kanyang pagkamatay, inosente kasi sya. Yung ibang nababalitang namatay mga inosente din isila pero hindi ganung pansinin, hindi kasi teen-ager. Saka tiyak na may ilang ngayon ang mga pulis na dumali ng teen-ager medyo mainit pa kasi ang isyu.
  2. Maging babae. Kung hindi kayang maging babae magpakababae. Sa itsura, sa pananamit, sa pagkilos etc. Parang nung Martial Law lang, para hindi patayin yung mga binatilyo, pinagbibistida ng kanilang mga nanay. Saka wala pa ata akong nakitang picture ng babaeng patay dahil sa tokhang. (Pwedeng nagkamali lang ako so 50% lang ang survival rate neto)
  3. Sa kahit anong sitwasyon, wag manlalaban. Kung nagtitinga ka nung inabutan ng pulis, ibaba ng marahan ang toothpick, dahan-dahang itaas ang dalawang kamay, sumuko ng maayos. Kapag binigyan ng baril, iputok ito sa iyong paa o hita, or iputok mo na lang sa ulo ganun din naman totodasin karin nila.
  4. At syempre ang pinaka safe, Maging Pulis. Si Papa Digong na ang bahala sayo wag ka lang magdadrugs.
Sa totoo lang hindi na talaga ligtas ang kahit sino sa atin ngayon. Kung ikaw ay nasa maling oras at maling lugar todas ka at wala silang paki sayo kung nadamay ka lang. (lalo kung hindi ka teen-ager) Di rin sapat ang dasal-dasal lang, kaya ang pinakamagandang gawin eh kumuha na agad ng life insurance.

Martes, Hunyo 27, 2017

Mga takot ko sa gabi



I.
Dis-oras na ng gabi't kakatapos lang mag-inuman. Hinatid na ko ng mga kasama ko sa sakayan. Pagtingin ko sa cellphone ko, may anim na teks at walong tawag si mama.

II.
Pano kung iwan nya ko bago pa maging kami?

III.
Pagkatapos nitong kontrata, ano na?

IV.
Nung nakaraang gabi nanaginip ako, palakad-lakad sa lugar na di ko alam kung saan. Kahit saan ako dumaan bumabalik lang ako sa aking pinagsimulan. Alam kong panaginip lang yun. Pagkagising ko tumingin ako sa kalendaryo, madadag-dagan nanaman ang edad ko, hanggang ngayon di ko parin alam ang gagawin ko.

Linggo, Mayo 21, 2017

Hindi ko mapigilan ang ngiti ko sa tuwing naaalala ko yung mga pinag-gagawa natin.

Tatatambay tayo sa linear park, uubos ng ilang stick ng yosi tapos magkahawak kamay na papasok sa klase.

Kakain ng mga ihaw-ihaw sa kahabaan ng teresa tapos makikipag patintero sa mga jeep sa stop and shop.

Lalakad papuntang farmers at mag-aabang sa paborito nating bus, yung kellen. Maghihintay tayo hanggang alas-diyes maka tyempo lang ng may mauupuan. Pag nakasakay na, isasandal mo ang pagod mong katawan sa akin at matutulog.

Natutuwa talaga ako pag naaalala ko yang mga yan nung bumabyahe pa ko papasok.

Pero simula nung umalis ka at di na bumalik, naging masakit na ang mga alaala.

Sabado, Mayo 20, 2017

Bakit hihintayin ang di naman nag paalam?

Tatlong taon na ang nakakaraan. Linggo sa Luneta, 6:19 ng hapon.
Kulay kahel ang langit.
Sa may chess plaza. Madaming lamesa na may ukit ng chess board pero sa apat lang ang ginagamit. Mas madami ang mga miron kesa sa mga naglalaro.
Sa upuan sa gilid ay may mga nagdedebate tungkol sa kinahantungan ni Bobby Fischer. Kung nabaliw daw ba sya sa dahil sa sobrang galing o talagang nabaliw lang. Paos at inuubo-ubo na yung dalawang nagdedebate, sa palagay ko'y kanina pa nila ito pinagtatalunan, ubos na ang laman ng mineral water sa tabi nila at nagkalat din ang mga basyo ng sigarilyo sa lapag.
Sa di kalayuan ay makikita ang mga turista, mag jowa, at magkakapamilya na namamasyal sa may Luneta. Meron ding mga nagtitinda ng kung anu-ano at nag aalok na kukuhanan ka ng litrato sa halagang isang daang piso.
Maingay ang paligid dahil sa mga miron, mga naglalaro at nagdedebate. Maririnig din ang mga busina ng sasakyan sa di kalayuan pero dinig ko parin ang tibok ng kabado kong puso.
Ako: Magiging okay pa ba tayo?
Siya: Hindi ko alam,
Ako: Hihintayin kita.
Hindi sya sumagot. Bumitaw sya sa pagkakahawak ko sakanya at naglakad papalayo habang naiwan akong nakaupo at tinitignan ng mga miron.

Linggo, Pebrero 26, 2017

When in bolinao

Kahapon nasa Bolinao ako. Naalala kita. Naalala ko yung mga napagkwentuhan natin nung minsang lasing tayo sa beer sa Cubao Ex. Sabi mo ibili kita ng two piece at papayag kang ihiga kita sa puting buhanginan ng Batangas, Pangasinan, at kung may budget ay sa Bora. Sabi mo sisimulan mo na ang pagda-diet para naman maging kaaya-aya kang tignan sa two piece na bibilhin ko. 

Ang tutoo'y kaya mo lang sinabi yun nung araw na yun ay alam mong wala akong perang pambili ng two piece mo at ayokong magpunta sa mga beach. Mas gusto kong umakyat sa bundok at maputikan kesa gumawa ng mga kastilyong buhangin at mag tampisaw sa dagat.

Pero alam mo, kahapon habang naglalakad ako sa dalampasigan na may hawak na beer, sabi ko masaya din pala sa beach. Hindi ko nga lang alam kung dahil ba yun sa tunog ng hampas ng alon, kapayapaan ng gabi, ng malamig na malamig na beer na nasa kamay ko o ng alaala na nagsasabing papayag kang ihiga kita sa puting buhanginan ng Batangas, Pangasinan o pag may budget ay sa bora.

Martes, Enero 10, 2017

Sirang body clock

Sa hindi malamang dahilan, ginigising parin sya ng kusa ng kanyang katawan sa tuwing sasapit ang alas-tres ng umaga. Sisilip sya sa bukas na pinto ng kanyang kwarto upang tignan kung may nakatingin sakanya. Ganun daw kasi yun, magigising kang bigla kapag may nakatingin sayo. Matatakot sya ng panandalian at muling hihiga. Lilipat sa kabilang pwesto. Magbabaliktad ng unan, hahatakin ang kanyang kumot pataas upang bigyan ng hangin ang kanyang isang paa. Hindi parin sya makatulog sa kakaisip kung bakit sya nagigising ng kusa. Marahil dahil natutulog sya tuwing lunch break sa kanilang opisina, o maaga syang nakatulog nung gabi. Hindi naman sya gutom at hindi rin naman malamok ang kanyang maliit na kwarto. Sa ganitong oras dumarating ang mga kakaibang ingay. Naririnig nya ang pintig ng kanyang puso sa unan, rinig na rinig nya ang pagtakbo ng oras, parang rumaragasang jeepney ang tunog ng kanyang electricfan na syang tumatangay sa kanyang isip papunta sa lugar na hindi kayang puntahan ng kanyang katawan sa ngayon. Dadako ito sa mga mall, sa terminal at sa iba pang lugar kung saan marami syang alaalang masaya. Lilipat sya muli ng pwesto. Sasandal sa may malamig na pader habang may kayakap na unan. Aasa na sana'y dalawin sya ng antok imbes ng mga alaala ng nakaraan.

Sabado, Disyembre 17, 2016

SMP

Dumating na ang tag-lamig. Ibang klase ang simoy ng hangin na naghahatid ng mga alaalang pilit mang kalimutan eh parang mga video na nagpa-flashback sa aking isip.

Magpapasko na pala. Mahigit apat na tatlong taon na ang nakalipas. Ganito rin ang panahon, malamig. Nung akala ko eh hindi ako marunong masaktan.

Martes, Oktubre 18, 2016

Kwentong lasing

Tatlong taon na halos ang nakalipas heto parin sila sa mga tanong na ‘ano ba kasing nangyari sa inyo?’
Umiikot na ang kisame. Punit na ang mga itsura ng mga kainuman ko. Hindi ko na maalalang nagsindi ako ng yosi, naiwan ko na itong nauupos sa may ashtray, tingin ba nila naaalala ko ba yung nangyare tatlong taon na halos ang nakakalipas? Pero hindi ko sila pwedeng biguin. Kilala ako bilang bangka sa kahit sang inuman kaya binigyan ko sila ng isang kwento.
Paano mo malalamang mahal mo sya?
May tatlong magkakaibigang pawang mga lasing ang nakaupo at nagpapalipas ng kanilang tama sa silong ng mangga. Dahil nga pawang mga lasing, kung anu-ano ang kanilang mga napag-uusapan. EJK, Trapik sa EDSA, Sex video ni Delima at kung gano kagaling si Presidente DU30. Tumagal ang usapan sa nahuling nabanggit at napagpasyahan nilang kahit gano nga kagaling ang nasabing Presidente ay kupal parin sya, kaya nag-usap na lang sila tungkol sa pag-ibig.
Ang dalawa sa tatlong magkakaibigan ay pawang mga walang jowa kung kaya’t tinanong nila ang kanilang kaibigan, ‘pano mo malalaman kung mahal mo ang isang tao’
Nag-isip ng malalim ang tinanong. Inisip nya ang mga ginawa nya para sa kanyang nobya,(na nang-iwan din sakanya) sa tagal ay halos makatulog na ang dalawa nyang kasama. Bago pa man tuluyang makatulog ang dalawa, sya ay nag wika, “hindi ko alam. Ang alam ko lang nun ay mahal ko ang sarili ko kaya ayaw ko syang mawala at di naglaon ay minahal ko na sya kaya pinabayaan ko na syang umalis”
Hindi nabilib sa kwento ko yung mga kasama ko kaya natulog na lang sila.

Huwebes, Setyembre 15, 2016

Kung bakit hindi na kita sinuyo

Paubos na yung isang bucket natin nung nagsimula kang bumangka. Mahilo-hilo na din ako nun. Ang layo kasi ng pinanggalingan ko tapos sinundo pa kita sa technohub bago tayo tumuloy sa expo.
Hilong-hilo ako sa paulit-ulit mong pagbabanggit na bias ang media. Napanay puna sila sa kasalukuyang pangulo dahil nabayaran sila.
Sumakit ang ulo ko sa mga paratang mo na bayaran yung mga taong ayaw magpalibing kay Marcos sa libingan ng mga bayani. SInabi mo pa na katulad ko ay dapat ding mag-move on na ang mga taong yun dahil sobrang tagal na ng pangyayaring yun. Idinugtong mo pa na mapagpatawad ang Diyos sa kahit sino man, kaya dapat ding patawarin na si Marcos sa mga nagawa nya noon.
Sukang-suka ako nung narinig ko ang mga sumunod mong sinabi. Ang mga komento mo sa mga kritiko ng pangulo. "DILAWAN!. King inang mga yan, nagsisimula na sila sa PLAN B nila. Tignan mo ngayon may "testigo kuno" pa si De Lima." Ang saloobin mo tungkol sa extajudicial killings, "Ano naman kung madaming mamatay eh adik naman yun? dapat lang sakanila yun kesa madaming masirang buhay dahil sakanila"
Inaya talaga kita ngayon dahil espesyal ang araw na to para sakin. Balak ko sanang muling makipagbalikan sayo, kasi aminin ko, hanggang ngayon mahal parin talaga kita. Pero nung narinig ko yung mga sinabi mo, King ina wag na lang.
Inubos ko ang laman ng bote ko, at kung pwede lang talagang ipalo ko sayo yun, ipinalo ko na.

Linggo, Hunyo 5, 2016

Lokohan

Pinagmamasdan kita habang nakaupo ka sa madungis kong kama. Nakasandal ka sa pader at nakapatong ang paa mo sa kulay itim na upuan malapit sa kama. Ang haba ng legs mo. Lalong nag mukhang mahaba dahil sa maiksi mong shorts. Sa may kandungan mo nakapatong ang iyong laptop, tumitipa sa keyboard ang kaliwa mong kamay at may hawak namang sigarilyo ang kabila. Tumingin ka sakin nung nakita mo ang blogspot ko.

E:Hindi ka na nagsusulat?
Ako: Hindi na.
E:Bakit?
A:Ewan ko, nawalan lang ako ng gana.
E:Naging tayo lang ganyan na.. pero yung ex mo dati sinusulatan mo, may mga kwento kwento ka pa.

Wala lang talaga akong ganang sumulat, nakakatamad, mas maiging manood na lang ako ng ozzy reviews sa youtube o di kaya’y mag basa ng manga, pero dahil para kang nagtatampo’t nagseselos sige gagawan kita ngayon ng kwento :

Ako: Oo, sinusulatan ko sya dati kahit break na kami, gumagawa pa ko ng kwento nun, tungkol sa aming dalawa. Tapos maaalala ko sya, yung mga date namin sa Circle, SM North, Farmers, yung mga panahong sya pa yung kasama kong magyosi at hindi ikaw, Mga lasing moments namin sa Cubao ex at madami pang iba. Natutuwa akong maalala yun, pagkatapos kong ipost yung mga nagawa ko, sasaya ulit ako. Pakiramdam ko, anjan na ulit sya sa tabi ko.Pero nung naging tayo na, hindi na ko makapagsulat. Ewan ko ba kung bakit. Wala talaga akong gana. Kahit anong subok ko parang lagging pilit. Kaya hindi na ko sumulat. Hindi ko na naman na kasi kailangang gumawa pa ng kwento para sumaya, kasi nanjan ka na.

Pagkatapos nun, ngumiti ka. Niyakap mo ko na parang totoo ang sinabi ko sayo. At niyakap din kita na parang naniniwala akong mahal mo kong talaga.


Miyerkules, Abril 6, 2016

Para kanino ang mga kategorya?

Ano ang pinagkaiba ng totoo sa kasinungalingan? May kabuluhan pa ba ang mga kategorya? Para kanino?
Ito yung mga tanong na naisip ko nung minsang maalala kita. Nung panahong wala pang tayo. Hindi pa kami break ng syota ko at hindi mo pa binabasted yung ka M.U mo.
Nakikita daw nila tayong madalas magkakasama, magkakwentuhan, magkateks, minsan magkahawak kamay at kung anu-ano pa na sya namang tinatanggi ko sa syota ko, at ikaw naman sa ka M.U mo.
Minsan totoo yung kwento tungkol satin, minsan hindi. Pero totoo man o hindi parehas silang nagagalit sa atin. Itanggi man ang katotohanan o panindigan ang kasinungalingan wala rin. Pagkatapos nun parehas tayong nagsawa sa kinakasama natin. Iniwan ko ang syota ko at binasted mo ang ka M.U mo.
Matagal-tagal na din tayong lumalabas, nagde-date ganun. Napakilala na natin ang isa’t isa sa ating mga magulang. Nahahalikan na kita, nahahalikan mo ko. Naikakama na kita, naikakama mo rin ako. Minsang isang gabi tayong magkasama, tinanong mo ko, “ano ba tayo?”
“Hindi ko alam, basta ang alam ko masaya ako pagkasama ka.”
Nalungkot ka sa sinabi ko. Simula nun hindi ka na nagrereply sa teks ko. Hindi ka na rin napapadpad sa expo.

Sabado, Pebrero 6, 2016

Si CJ

Madaming alam tong kaibigan kong to. Palibhasa’y dokumentarista kaya madami na syang nakasalamuha, mahirap, mayaman, politiko, basurero, adik, basag-ulo at kaming mga tarantado sa opisina.

Hilig nyang magsulat, sakatunayan, habang umiinom kami dito ngayon sa Cubao Expo eh nagsusulat sya. Tungkol daw kay Elvin, isang karakter sa kwentong ginagawa nya. Katulad nya’y dokumentarista din si Elvin, mahusay at magaling. Sa palagay ko’y binase nya ang kanyang kwento sa sarili nya.

Nagsimula daw syang sumulat nung na heart-break sya sa long time boyfriend nya hanggang sa nakahiligan na rin nya at napagkakakitaan.

Wala ring arte tong kaibigan kong to. Mapa-fortune o mighty na pulo eh hinihithit basta libre.

Bukod sa pagiging walang arte at magaling sa pagsulat, ayaw na ayaw ni CJ ng iniiwanan sya, dala na rin ng karanasan nya sa boyfriend nya. Kaya nga bago pa kaming mag bill out at maghiwa-hiwalay ay umuwi na sya.


Huwebes, Pebrero 4, 2016

Si Rowell

“Find what you love and let it kill you”

- Leo Tolstoy

Sabi naman ng tropa ko habang nag iinuman kami sa itaas ng Mt. Daraitan, “hanapin mo ang mahal mo at mamatay ka na” ---

Natuto sya ng mga mahahalay na bagay sa murang edad dahil sa dyaryong bulgar, ngayon ay isa syang mahusay na tour guide sa Quezon City. Part time nya ang pagkuha ng letrato sa mga event. Kasalukuyan nyang trip ang pag-akyat at pagkuha ng mga larawan sa itaas ng bundok at pinagbigyan nya akong makainuman sya ngayon dahil bored, tired at broken hearted ang gago.

Siya din yung nagkwento sa akin kung paanong hinalikan ni Imelda si Ninoy at sinabing mahal nya ito bago ipapatay sa mga sundalo sa isang airport. Sabi nya pa, “hindi lahat ng hahalik at magmamahal sayo ay dapat na pagkatiwalaan mo”

Fan din sya ng mga Conspiracy theory. Idol nya si Duterte. Neutral lagi ang stand nya pagdating sa mga usaping pang-relihiyon at galit sya sa manloloko. Isang mabuting kaibigan tong kasama ko. Hilig nyang magpaalam na magluluto sya ng noodles pampatanggal ng amats. Hindi na sya bumalik. Nasa expo nga pala kami.


Cubao Ex
1/20/16

Linggo, Disyembre 20, 2015

Huwebes, Disyembre 10, 2015

Kargada ni koya

Sabi ni Jun Cruz Reyes, mas malakas daw tumawa ang mayaman kumpara sa mahirap. Sa kadahilanang mas confident daw ang mga ito kumpara sa mga mahihirap na walang kimi. Naisip ko to kanina habang nakasakay ako ng pampublikong bus. Meron akong nakatabi na sobra sobrang bumukaka. Palagay ko'y laking laki sya sa kanyang kargada, na kung hindi sya bubukaka ay maiipit ito at baka sakaling ikabaog nya. Dahil dun, hindi ako nagpatalo. ang ginawa ko'y bumukaka din ako. Naintindihan nya ang gusto kong sabihin sakanya. Na hindi lang kargada nya ang malaki, malaki din yung akin.
So ngayon nagkaroon kami ng isang stand off. Ito yung nagpapakitaan kayo ng lakas pero ayaw nyong magsakitan. Nagtutulakan lang kami ng tuhod. Ang unang tuhod na tumiklop ibig sabihin ay maliit ang kargada nya. Palaban tong si kuya. At masasabi kong sanay sya sa mga ganitong laban. Ang ending, Nagtagpo lang ang aming mga tuhod sa gitnang hati ng upuan. Walang nanalo. Hindi napag desisyunan kung kaninong kargada ang mas malaki. Pero dahil sya ang aggresor (yung unang nagtangkang mang ipit para maipakita na malaki ang kargada nya) hindi sya pumayag na tabla ang resulta.
Kinuwentuhan nya ako ngayon tungkol sa kanyang kargada. Parte parin ito ng stand off, katulad ng mga high school student na kapag walang titser eh nagbibilog bilog at nagpapakitaan ng kargada, kapag naman college at medyo may edad na, sa kwentuhan na ito dinadaan.
Eto ang sabi nya:
koya: Toy, lam mo ba, yung huling chicks na nakakita neto eh umayaw.
Ako: Oh, bakit daw?
koya: Ang laki daw kasi masyado, sa kabayo ko na lang ipasok.
(Para sa mga nagpapavirgin at hindi pa nakapanood ng animal x human porn, kapag inihalintulad sa kabayo ang kargada mo eh ibig sabihin malaking malaki talaga yun.)
Matapos nyang sabihin yun wala akong nasabi. Hindi naman kasi talaga ako palasalita. Hindi ako yung makwento pagdating sa mga ganyan. Kaya ang ginawa ko, tumayo ako, tinanggal ko yung sinturon ko tapos hinubad ko yung pantalon ko. Malinaw 3 inches. 3 inches nalang sasayad na sa sahig ng bus.
Nung nakita ko syang natameme, sinuot ko na ulit ang pantalon ko tapos umupo. Wala na syang imik. Nilabas ko ang iphone6s ko at nag soundtrip.
Mamaya konti nung nagbabaan na karamihan ng pasahero, kinalabit nya ko. Nagulat ako pagtingin ko sakanya nakalabas yung kargada nya. Balisong. Tang ina.

Lunes, Nobyembre 16, 2015

Anong oras kita kakalimutan?

Lagi akong ganito. Pinagpaliban ang isang bagay kahit gaano pa kaimportante.
Tuwing umaga nag-aalarm ako ng 6:49, oo 6:49, dahil late na ko kapag 6:50 ako nagising. ang kaso’y pagtumunog eh papatayin ko lang at matutulog ulit ako. Pagkagising ko alas otso na, tatamarin na kong pumasok.
Pagdating naman sa opisina’y alanganing umaga at tanghali na. Maaga para sa lunch break at late naman kung sa oras ng pagpasok. Para hindi ako malito ay humihingi ako ng tulong sa kaibigan kong pall mall, kapag nakatatlo na ko at sunog na ang aking labi at baga, sasabihin kong mamaya na lang ako papasok mga ala-una.
Pag-uwian naman hindi ako makaalis agad, dahil nga para akong boss kung pumasok (laging late) nakakahiya namang ako pa ang unang aalis, kaya’t ang mangyayari ay mag-oovertime ako sa opisina, magkakayayaan ng pusoy o inuman.
Nagseset ako lagi ng oras. Hindi ko lang nasusunod. Kapag sinabi kong hanggang alas otso lang ako ng gabi iinom o magpupusoy, wag mo kong paniwalaan, nung huli kong beses na sinabi yun dun na ko nakatulog sa opisina.
Magigising akong hindi pa sikat ang araw sa umaga. Mga alas tres, patay ang Diyos, kaya lalapitan nanaman ako ng multo ng nakaraan. Makikita kong muli sa isip yung itsura nya, mahabang buhok, maputing kutis, walang dugo sa mukha, walang dugo sa mukha. Bubuksan ko ang facebook ko, titingin sa luma naming litrato. 10 seconds lang, tang ina popoy lang ang peg.
Swipe, swipe, swipe, makikita ko ang itsura kong nakangiti kasama sya. Swipe pa, Marso ng taong 2014 okay pa kami. Alas tres beinte na.
Swipe, swipe, swipe, Pasko ng 2013, nag comment sya sa picture ko na nakatag sya, “Masaya ako’t nakilala kita. I love you baby ko” Tingin sa orasan 3:42 na.
Sasabihin ko sa sarili ko na hanggang alas kwatro lang kitang titignan. Pero alam kong hindi ko magagawa yun. Katulad ng sinabi ko nung iwanan mo ko, hindi na kita hahabulin kapag pumatak na ang unang ulan ng Mayo, inextend ko, sa pasukan ng mga estudyante hindi na kita mamahalin, inextend ko, hanggang na extend ng naextend.
Swipe, Swipe, Swipe, mamaya mata na ko na yung sina-swipe ko. Papatak nanaman ang luha, nagdudugo nanaman ang mga sugat ng nakaraan. Tumitalaok na ang manok saka pa lang ako matutulog. Bubulong sa sarili, bukas babangon ako ng 6:49, kakalimutan na kita.
ayyyy. next time na lang pala.

Miyerkules, Nobyembre 4, 2015

Nung High School ako

Maghihintay lang ako kapag cleaners yung tropa ko.
Aasa lang ako tuwing may bagyo, na sana walang pasok kinabukasan.
Mapupuyat lang ako sa kakaisip ng tungkol sa mga assignments hindi sa kung anu-anong bagay
Iiyak lang ako kapag napagalitan ng magulang.
Ang iniisip ko lang sa pag uwi eh kung anong idadahilan ko sa nanay ko, hindi ko iniisip kung nakauwi ka na ba.
Kapag bagsak lang ako sa subject ko ako nalulungkot, hindi kagaya ngayon, di mo lang ako mateks sira na araw ko.
Noon madali lang sumaya, manalo lang sa dota okay na. Ngayon kahit sahod na, baliwala kung hindi kita nakita.

Biyernes, Oktubre 30, 2015

10/24/2015

Masyadong malungkot ang oktubre ko kaya inisip na lang kita.
Ikaw at ang yong kulot na buhok.
Ikaw at ang yong manipis na kilay.
Ikaw at ang yong may brace na ngipin.
Ikaw at ang yong payat na hita.
Inisip kita habang nagbabasa ako ng mga sinulat ni Essa, ang sabi nya’y hindi nauubos ang kalungkutan, nasa upos ito ng sigarilyo, sa mga bote ng alak na walang laman, nasa hangin, kahit saan nandun ang kalungkutan.
Inisip kita habang pinapakinggan ko ang bago kong paboritong kanta, eroplanong papel.
Inisip kita habang nakatulala ako sa bintana ng Kellen sa kahabaan ng Commonwealth.
Iniisip kita habang nasa trabaho ako kapag hindi ko kinukupal yung boss ko. Kamusta ka kaya? Masaya ka ba ngayong oktobre? Naalala mo kayang tatlong taon na sana tayo?
Inisip ko na lang na masaya ka ngayon, dahil lagi mo ngang sinasabi, walang dahilan para maging malungkot ka.
Inisip ko yung noon, yung ngayon, inisip kita, tang inang oktobre to. Malungkot talaga.