Biyernes, Oktubre 29, 2021

 Akala mo ata nung sinabi kong 'pero pag talagang nagpasama ka nun, sasamahan kita hanggang sa buwan, charot' ay nagbibiro ako. May mga bagay lang na mahirap sabihin kapag sa chat lang.

Pero nung gabing yun, kung talagang inaya mo kong samahan ka sa kung saan ka man pupunta ay talagang sasamahan kita. Kahit saan pa yan na gusto mong puntahan. Sasamahan kitang maglakad mula Pecson hanggang Savanno kahit tirik ang araw, tanghali ka lang kasi pwedeng lumabas at bawal abutin ng hapon. Sasamahan kita sa iyong pag-iisa. Hindi kita kakausapin, hindi kita kukulitin, hindi ako gaanong didikit sayo dahil sabi mo nga hindi ka sanay sa mga tao. Sasamahan kita hanggang gusto mo akong samahan ka. 

Sa ngayon hahayaan muna kitang mag-isa sa mga gusto mong puntahan. Next time wala ng charot charot. Sasamahan talaga kita. 

Linggo, Agosto 8, 2021

 Naaalala ko dati pupunta ko dito para magsulat kapag nalulungkot ako. Ngayong madaling araw nagsusulat ako kasi natatakot ako sa mga naiisip ko. Napapagod na ko sa buhay ngayon. Sobrang hirap. Di basta-basta mapupuntahan yung mga gusto mong puntahan, di mo basta-basta pwedeng makasama yung mga gusto mong makasama. Araw-araw kada lalabas ako lagi akong takot na baka pag-uwi ko may nadampot na kong sakit sa kung saan tapos mahawaan ko pamilya ko. Hindi maalis yung ganung takot kahit ako nag-iingat sa araw-araw. 

Nakakapagod yung ganung iniisip araw-araw. Ito yung mga klase ng pagod na di kaya ng basta pahinga lang. 

Sabado, Setyembre 5, 2020

Isa nanamang taon ng pag-alala sayo

 Ang di pagsulat ng kahit anong tungkol sayo ang isa sa mga magandang birthday gift ko sa sarili ko. 

May mga ilang taon din tayong magkasamang nag diwang ng aking kaarawan kung kaya't lagi kita naaalala tuwing sasapit ang aking kaarawan. Hirap akong kalimutan ang mga bagay na nakapag pasaya sa akin, kaya siguro nung mga nakaraang kaarawan ko ay lagi ka paring kasama sa mga naaalala ko. 

Totoo talaga yung nabasa ko sa post ng kaibigan ko "maiksi ang pag-ibig at napaka tagal ng paglimot". Ang totoo'y baka nag sulat ulit ako ngayong kaarawan ko eh dahil naalala kita? Hindi ko na din alam. Pero sa kinatagal tagal kong di nagsulat ng kahit ano, mapatungkol sayo o sa ibang kalungkutan ko, isa parin to sa magandang regalo ko para sa sarili ko ngayong araw na to. 

Miyerkules, Enero 1, 2020

Okay ka lang


Di na kita nakikita sa mga panaginip ko. Wala na rin yung amoy ng shampoo mo sa unan ko.

Hindi na kita hinahanap sa cubao expo o sa circle na madalas nating tinatambayan nung college tayo. Hindi na rin ako nagbabakasakaling makasalubong kita sa sakayan ng bus sa may technohub.

Di na ko ganong naglalasing tuwing sasapit yung mga araw na importante satin dati katulad ng anibersaryo at kaarawan.

Okay na ba ko neto?

Pero bumibili parin ako ng extrang Marlboro black sa tuwing balak kong tumambay at mag yosi lang sa expo. 

Nagigising parin ako ng kusa kapag binanggit ng konduktor sa bus yung lugar ba binababaan mo dati. Palinga linga parin ako sa labas ng bintana na parang may hinahanap na hindi naman alam kung ano yun.

At di ko parin maalis ang sangkaterbang unan sa kama ko masabi lang na di ako nag iisa.

Okay na ba talaga ko? Sana maging okay na ko

Miyerkules, Oktubre 30, 2019

Naglaho syang parang usok ng kanyang marlboro lights. Hindi nakikita pero alam mong nanjan at patuloy paring pinatay ang yong kaloob-looban

Huwebes, Hulyo 4, 2019

Namimiss kita, pero...

Tinanong ako ng kainuman ko kagabi kung anong hihilingin ko kung sakaling may lumabas ngang genie pagkiniskis nya yung takureng lalagyanan namin ng chaser.
Naisip agad kita nun. Siguro dahil July na ngayon at madami tayong masayang ala-ala sa buwan na ito. O pwedeng namiss lang kita at ang iyong kwarto dahil tag-ulan? Ewan ko hindi ko alam.
Siguro nga namiss kita at ang mga masasaya nating ala-ala pero hindi ko hihilingin na bumalik yun. Kung sakali mang may lumabas nga na genie sa takureng lalagyanan namin ng chaser hihilingin kong sana magkatubig na. Para hindi sa takure ilalagay ang chaser at hindi sa hiniwang bote ilalagay ang inumin.

Huwebes, Mayo 23, 2019

Mga masakit na ala-ala tuwing May 24









Sa araw na to, mas natandaan ko pang pinagluto kita ng spaghetti at nagyosi tayo sa ikatlong palapag ng dorm namin kesa sa nangyaring gyera sa marawi nung nagdaang taon. Ganun ka naging kaimportante sakin.
Sampung araw bago mawasak ang Marawi tiyak kong masaya at kontentong naninirahan ang mga tao doon, walang kamalay-malay sa delubyong sasapitin at pagdudusahan nila hanggang sa susunod pang mga taon. Katulad din na masaya pa kong nag-iinom noon, limang taon na ata ang nakakalipas nang sabihin mong ayaw mo na.
Pero katulad ko, sigurado akong magiging maayos din ang kalagayan ng mga tao sa Marawi. Maaayos ang mga nasira, makakabangon ang mga natumba. Hindi man maibabalik ang mga nawala, patuloy silang mabubuhay. Sasaya at liligaya.
Darating man muli ang buwan ng Mayo kasama ng mga ala-ala nung nagdaang taon, sigurado ako, kagaya ko, patuloy silang mabubuhay at magiging masaya sa kabila ng mapapait at masakit na ala-ala