Ipinapakita ang mga post na may etiketa na walkingtrip. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na walkingtrip. Ipakita ang lahat ng mga post

Biyernes, Oktubre 29, 2021

 Akala mo ata nung sinabi kong 'pero pag talagang nagpasama ka nun, sasamahan kita hanggang sa buwan, charot' ay nagbibiro ako. May mga bagay lang na mahirap sabihin kapag sa chat lang.

Pero nung gabing yun, kung talagang inaya mo kong samahan ka sa kung saan ka man pupunta ay talagang sasamahan kita. Kahit saan pa yan na gusto mong puntahan. Sasamahan kitang maglakad mula Pecson hanggang Savanno kahit tirik ang araw, tanghali ka lang kasi pwedeng lumabas at bawal abutin ng hapon. Sasamahan kita sa iyong pag-iisa. Hindi kita kakausapin, hindi kita kukulitin, hindi ako gaanong didikit sayo dahil sabi mo nga hindi ka sanay sa mga tao. Sasamahan kita hanggang gusto mo akong samahan ka. 

Sa ngayon hahayaan muna kitang mag-isa sa mga gusto mong puntahan. Next time wala ng charot charot. Sasamahan talaga kita. 

Lunes, Pebrero 16, 2015

That thing called kilig

Matagal na kong hindi nakakaramdam ng ganito. Pero kagabi naramdaman ko ulit. Sa sinehan, habang naglalakad papuntang Bookstore, sa byahe, habang humihithit ng sigarilyo pauwi naramdaman ko ulit to. Nagpa-flashback lahat ng nangyari. Paisa-isa. Napapailing na lang ako. Hindi ko kasi alam kung bakit nakangiti ako. Dalawang magkasunod na hithit. Natatawa parin ako. Halos maubo ako. Naalala kong pumila kami sa pa-xeroxan samantalang magbabayad dapat kami sa cashier.  Naalala ko yung ibang eksena sa pelikula. Parang gusto ko biglang kumain sa Shabu Shabu. Parang gusto ko biglang umakyat ng Baguio. Magpunta ng Sagada. Umakyat ng bundok at doon sa tuktok isisigaw kong mahal ko sya. Isa pang hithit. Napailing na lang ako. Nakangiti parin kasi ako. Natatawa ako. Huli ko kasing naramdaman yung ganito kaninang umaga pagkatapos kong umihi sa banyo.

DI kami binigo ng Tadhana yiee

Feb 15.

Sa wakas. Natuloy din kami! Nabalik na sakin yung laptop ko pero hindi ko kaagad naisulat kung gaano ako kasaya sa araw na to. Hindi pa kasi ako sanay sa ganitong pakiramdam. Yung napapangiti na lang bigla kasi naaalala ko yung mga ginawa namin.

Sa totoo lang hindi ko inaasahang matutuloy kami. UAAP nun. Tapos umaga pa lang tineks na nya ko na may sya pagkatapos ng laro. At di hamak naman na mas mahalaga yun kesa sa pagsama saking manood ng that thing called tadhana. Tapos umulan pa nun. Bwiset kako.

Pumunta parin akong SM North. Nagbabakasakaling may himalang dumating, baka mapadaan sya dun at matuloy kami. At ayun nga. Nanalo sila sa game tapos tinext nya ko. Nung nalaman nyang nasa SM North ako, sabi nya tumuloy na daw kami. Ayaw nya siguro akong nag-iisa? Ewan ko.

Nanood nga kami. Maganda yung kwento, pero wala paring sinabi sa one more chance. Naikwento na kasi sakin yung ibang part dun kaya hindi ko rin gaanong natuwa. Mas natutuwa pa ko kapag di sinasadjang nagkakasagian kami ng kamay pagkumukuha ng pop corn o kaya naman pag tinatapik tapik nya ko sa likod kapag naramdaman nyang tagos yung linya sakin.

Pagkatapos nun pumunta kaming National Bookstore. Ngayon na lang ulit ako nakapasok dun na may kasama. Yung kasama ko kasi dating bumili ng notebook, ballpen at libro eh iniwan na ko. Anyways, natutuwa lang ako na may iba na akong maaalala kapag napadpad ako sa National Bookstore.

Habang naglalakad sa UP pinaplano na namin yung sunod naming lakad. Tagaytay! Sa August pa yun pero putcha excited na ko. Kung pwede lang August na kagad bukas. Kaso hindi. Hindi na ko takot magplano ngayon. Hindi na rin ako takot mag-aya. Hindi na ko takot matanggihan. Handa na yata ulit akong masaktan? Ewan ko kung magandang bagay ba to o hindi. Hayaan na lang. Ang mahalaga natutuwa ka sa nangyayari.



Sabado, Pebrero 14, 2015

Binigo ng Tadhana

Feb 14.

Araw ng mga puso. Nakita mo yung post ko na nag-aaya ako ng single at handang makinig ng drama ng buhay ko. Libre ko na ang ticket sa that thing called tadhana may kasama pang pop corn.

Sabi mo bakit hindi kita ayain. Inaya kita. Nagplano tayo. Sabi mo pagkatapos ng laro nyo sa UAAP. Sige sabi ko. Natapos ka mag-aalas singko. Nanalo ang team nyo. Natuwa ako. Pagpunta natin sa SM North, sold out ang ticket.

Binigo tayo ng that thing called tadhana.

Arghhh

Feb 13

Wala na tayong pambili ng ticket. Balak sana nating magkwentuhan na lang sa gilid ng Sunken Garden. Tignan ang mga bituin (kung meron man) at ienjoy ang mga oras na tayo'y magkasama. Kaso may quiz ka bukas.

Tapos ang UP Fair.

Maalat ang ikalawang araw ng UP Fair.


Feb 12.

Bumili ka ng ticket para satin. Umulan ng malakas habang nagtatalon ang crowd sa kanta ng Sandwich.

Tapos ang UP fair.

Huwebes, Pebrero 12, 2015

Feb 11, UP fair. (late post wala kasi yung laptop ko)

2:45 waiting shed sa Abelardo

Kagabi pinilit mong pumasok pero wala kang gana. Pumunta ka na lang ng UP fair para sana maenjoy ang gabi. Nakisama sa mga hindi mo naman gaanong kakilala. Nakitalon, nakisayaw, nakikanta sa kantang hindi mo naman alam.

Kagabi pinilit mong makita sya. Tinext, tinawagan, pinuntahan mo pa. Hindi kayo nagkita. Nasa Phan ka sa tapat ng ferris wheel. Nasa Phan din sya sa tapat ng ferris wheel pero sa dami ng tao hindi kayo nagkita. Sinabutahe kayo ng signal ng cellphone at ng tadhana.

Kagabi pinilit mong pumasok pero hindi mo nagawa. Ayaw mo ng sumagot ng tawag mula sa mga kano kasi may hinihintay kang tawag. Pinilit mong magsaya, tumalon, kumanta sa saliw ng kantang hindi mo naman alam. Ang ending hindi ka natuwa. Wala kang paki kung nakita mo si Ely Buendia, wala ka ring paki nung tumugtog ang Urbandub at Franco. Wala naman kasi yung gusto mong makasama.

Hindi talaga maganda kapag pilit. Bukas naisip mong bumalik. Tutugtog naman ulit ang kamikazee. Kasama pa ang Tanya Markova. Nandoon din yung idol nyang Silent Sanctuary. Mas mag-eenjoy ka bukas sabi mo. Kasi bukas maaga pa lang magkikita na kayo. Para hindi na kayo mapeste ng signal ng cellphnone at nung tadhanang sinasabi mo.

Sana lang matuloy.








Lunes, Pebrero 2, 2015

What to do?

Napaka lamig ng gabi ngayon para sayo. May kung anong gumugulo sa isipan mo pero hindi mo malaman kung ano yun. Siguro ay naiinggit ka sa mga batang naglalaro sa harap mo kasama ang kanilang pamilya. Kelan mo nga ba huling nakausap ang mga kasama mo sa bahay?

Madilim ang gabi. Kulay itim ang langit. Malabo ang mata mo, pero kitang kita mo ang kalungkutan. Naisip mo na sana parang usok  ng sigarilyo lang ang kalungkutan. Saglit na papasok sa katawan mo at mailalabas mo lang agad ng isang hingahan. Makikita mo saglit habang tinatangay ng hangin tapos mawawala din agad. Humithit ka pa ng dalawa bago mo itinapon ang yosing hindi mo pa nauubos. Naisip mo ulit na parang usok nga ng sigarilyo ang kalungkutan. Kahit hindi mo na nakikita ay nandun parin. Nakakapit sa suot mong damit, sa kamay at pati sa hininga mo. Pumapasok sa katawan, nanunuot at pwede mong ikamatay.

Nangalay ka na sa kakaupo kaya nagpasya kang maglakad-lakad. Hindi mo alam ang pangalan ng kalye at kakaunti lang ang ilaw sa daan. Hindi mo rin alam kung saan ka pupunta. Naisip mo ang buhay mo. Saan ka nga ba papunta?

Malaki ang sahod mo kumpara sa iba. May lisensya ka na ring hindi umuwi sa inyo pag ginagabi dahil pang gabi naman talaga ang pasok mo. Madami kang nakilalang tao at mga nalamang kwento. Kung tutuusin okay ka naman. Ang kaso malayo ang pagiging 'okay' sa pagiging masaya. Netong mga nakaraang araw pakiramdam mo ang lungkot lungkot mo. Okay ka sa trabaho, okay ka sa oras, okay ka sa mga kasama mo pero hindi ka masaya. Gusto mong tumigil na pero ayaw mo na ulit maging tambay ng matagal.

Tinitimbang mo ngayon ang mga bagay-bagay. Kung okay ka ng maging okay o kung gusto mong sumaya. Mas masaya ka kung gigising ka ng umaga katulad ng normal na tao. Babyahe sa kahabaan ng Edsa at maiipit sa trapik. Makikipagsiksikan sa mga tao sa bus. Pero okay lang din naman sayo na pumasok ka kung kelan pauwi na ang lahat, mag yosi ng madaling araw. Mas makapal ang usok kapag madaling araw. Sumagot ng problema ng iba gamit ang script na binigay sayo. Kung may eksaktong bigat lang yung mga tinitimbang mo ngayon malamang hindi ka na mahihirapan. Kaso wala.

Kaya inisa-isa mo na lang ang mga bagay na nasa isip mo ngayon. Nagsimula ka sa malaking sahod. Madami ka kamong magagawa sa malaking sahod. Makakabili ka ng chess clock, bagong cellphone, libro at makakapagtravel ka. Hindi mo rin problema ang pang-inom at pang gala. Makakapunta ka ng UP ng umaga. Doon makakapaglakad-lakad ka, muni-muni at maeenjoy mo yung katahimikan at yung ganda ng view gawa ng mga punong hindi mo sigurado ang pangalan. Madadalaw mo din si Roxanne ng walang kahirap-hirap. Hindi ka nya tatanungin kung anong ginagawa mo dun. Nag-isip ka pa ng dahilan kung bakit hindi ka aalis sa trabaho pero wala ka ng maisip. Sinabi mo na lang sa sarili mo na baka doon mo makita ang soul mate mo. Baka isa sya dun sa community sa smoking area o isa sa mga kainglesan mo kapag madaling araw.

Sa kabilang banda naisip mo din na makakabili ka ng chess clock, cellphone, libro at makakapag travel ka din kahit di kalakihan ang sweldo mo. Yun nga lang baka hindi ka na makapunta ng UP. Hindi mo na din makikita si Roxanne. Pero babalik yung buhay mo sa umaga. Magkakaroon ka na ulit ng oras para makipagkwentuhan sa mga kapatid mo at hindi ka na magagalit kapag maingay sila sa umaga.

Ang hirap pala ng ganito. Yung hindi mo alam kung ano ang gusto mo. Marami kang gustong gawin. Marami kang gustong mangyari. Pero lahat ay malilimitan lang sa dalawang posibilidad :

1. Makukuha mo ang gusto mo, magiging masaya ka o malalaman mong hindi naman pala talaga ito ang gusto mo, kaya uusad ka papunta sa iba pang mga plano mo.

2. Hindi mo makukuha ang gusto mo, at sa puntong ito'y mahinahon kang babangon, papagpagin ang sarili, nakangiting lalayo mula sa direksiyong unang pinuntahan. Lilingon saglit, ngingiti, kakaway at didiretso na sa mga susunod na destinasyon.

Sa dalawang posibilidad isa lang ang malinaw. Kelangang humakbang para umusad.

Mahaba pa ang gabi at mo na alam ang gagawin mo. Papasok ka ba o hindi? Pagod ka ng mag-isip. Pagod ka ng maglakad. Gusto mong makita si Roxanne kaso hindi nya sinasagot ang tawag mo kasi busy sya. Pano ka na ngayon nyan? Maiksi ang marlboro lights para sa mahabang magdamag. Konte ang half-pack para sa anim na oras mo pang pagtanga kung sakaling hindi ka papasok. Napakahaba naman ng gabi kung papasok ka at gagawa ka ng bagay na ayaw mo namang gawin. May kalayuan ang expo sa uuwian mo at kulang ang pera mo para sa beer. Bitin ang natitirang limang minutong naiwan sa Combo20 mo kung sakaling may gusto kang pagkwentuhan. Kung ako sayo uuwi na lang ako. Tatakas sa problema. Matutulog. Tapos bukas aasa, na sana sa pag-sikat ng araw may bagong umaga na sa buhay mo.



Papasok ka ba o hindi?


Sabado, Enero 31, 2015

Ayaw kong malaman mo yung mga ilang bagay tungkol sa akin.. katulad ng..


Kasiyahan ko sa sa unang sabadong pagkikita natin. Na halos gabihin tayo sa dami ng kwento. Sa totoo lang ayoko pang umuwe pero kelangan. May inuman ako at malayo pa ang uuwian mo. 

Ayokong malaman mo na araw araw kong nilalakad ang kahabaan ng UP at umaasang makita ka o kahit man lang ang pangalan mo sa inbox ko. Ayoko ding malaman mo na kabisado ko na kung nasaan ang Quezon Hall, Main Library, UP Press, Bell Tower at Abelardo Hall. Na kabisado ko na rin kung kailan lumalabas ang dimple mo, kung paano ka ngumit at tumawa sa mga kwento ko.

Ayokong malaman mong tuwang-tuwa ako sa pagsayaw ng unat na unat na mahaba mong buhok habang ika'y naglalakad. Hindi ko mapigilang ngumiti kapag napapansin ko yun. Ayokong malaman mong tumatak sakin ang kalye ng Apacible at OsmeƱa dahil doon ko napansin ang iyong ganda habang nasisinagan tayo ng papasikat na araw.

Ayokong malaman mong halos ayoko ng maghugas ng kamay dahil sa di sinasadjang pagdampi ng mga daliri mo sa daliri ko habang sabay nating nilalakad yung mga kalyeng hindi ko na nakuha ang pangalan. Dahil tanging pangalan mo lang ang nasa isip ko nung mga oras na yun. Wala na kong paki kung wala pa akong tulog nun at ikaw naman ay halos bagong gising.

Ayokong malaman mo na naghahalo ang kaba at kilig ko sa tatlo hanggang limang minutong pag-uusap natin sa telepono. Pakiramdam ko ang haba na ng oras na yun. Kahit pa halos tatlong oras kong pinag-iisipan kung ano ang sasabihin ko at kung tatawagan ba kita. Masyado ka kasing abala sa mga ginagawa mo at ganun din naman ako. Masyado akong abala sa kakaisip sayo. Kung kamusta ka ba, kumain ka na kaya? At mga iba pang bagay.

Ayokong malaman mo na pagkatapos ng linggo eh atat na atat na akong magsabado. Para kung sakaling pagbigyan ako ng Bathala ng swerte ay muli kitang makita at makakwentuhan ng sabado ng umaga bago ako matulog sa tanghali. 

Ayokong malaman mong isa ka sa dahilan kung bakit ako pumapasok sa trabaho. Dahil malapit lang yun sa lugar kung saan kita makikita. Malaki ang paniniwala ko na: Mas malapit, mas may pag-asa akong makita ka. Hindi traydor ang distansya dahil sukat iyon ng siyensya. Hindi katulad ng paniniwala at pag-asa. Oras lang ang kalaban, hindi ang tadhana.

Ayokong malaman mo ang bagay na to. Hindi ko alam kung bakit. Natatakot siguro ako. Baka pag nalaman mo bigla kang lumayo. Baka mawala ang pag-asa na makita kita sa kahabaan ng UP o ang pangalan mo sa inbox ko. Baka hindi ko na makita ang buhok mong sumasayaw-sayaw habang naglalakad. Baka hindi na maulit ang di sinasadjang pagdampi ng daliri mo sa daliri ko. Baka hindi mo na sagutin ang tawag ko. Baka mawala na ang masasayang gunita ng sabado ng umaga ko bago ako matulog.

Mas mabuti pang ganito. Yung pasikreto kitang gusto.

Martes, Oktubre 28, 2014

Incomplete

Parang yung matagal mo ng suot na relo na naiwala mo, pakiramdam mo nandun parin sa kamay mo pero alam mong wala. Nag-iiwan ng kung anong pakiramdam na hindi maipaliwanag. Basta alam mo lang parang may kulang sayo. 

Sa una nakakatatanga. Tatanungin ka ng kasama mo kung anong oras na, itataas mo ng bahagya ang kaliwa mong kamay para tignan kung anong oras na. Pero wala nga pala dun yung relo mo. 

Mahirap talagang kalimutan ang isang bagay kung nasanay kang meron ka nun. Siguro kasama mo yun sa everyday routine mo kaya nung nawala eh ginagawa mo parin yun. Tumitingin-tingin ka parin siguro sa kaliwa mong kamay kapag hindi mo alam kung anong oras na. Okay lang yan. Masasanay ka din.

Darating yung panahon na masasanay ka ng wala na yung relo mo. Kapag hindi mo na alam kung anong oras na, dudukutin mo na lang yung cellphone mo o kaya ay magtatanong ka sa kasama mo. 

Kapag nakaluwag-luwag ka na ulit makakabili ka na ng bago mong relo. Maninibago ka sa una. Sa fitting, yung bigat at kung ano pa. Pero makakasanayan mo din yun tapos malilimutan mo na yung pakiramdam nung dati mong relo.

Sana yung tao katulad din ng relo. Pag nawala, Hindi sobrang sakit saka madaling palitan.  

Miyerkules, Setyembre 24, 2014

Inasahan ko ng sasabihin mo na wag kitang ihatid. Pero pwede ba yun? gabi na, uso ang rape ngayon noh. kahit alam kong wala akong magagawa kung may magtatangka man sayo atleast kasama naman kita sa paghihirap mo kung nagkataon. 

saka gusto ko talagang ihatid ka. alam mo naman yun. hindi kasi tayo nakapag usap kanina. madami akong gustong sabihin sayo eh. Pero alam kong hindi ka na interesado, nagsasawa ka na din sa kwento ko. kaya humingi na lang ako ng dalawang minuto. 

oo, dalawang minuto lang, hindi na kita ihahatid sa may sakayan ng tricycle ni aakyat sa overpass. dalawang minuto lang. gusto ko lang mahawakan yung kamay mo. damhin yung init ng palad mo, ang lamig kasi ng gabi ngayon. yun lang. 

buti pumayag ka. salamat ha? Yung huling dalawang minutong yun ang pinakamasayang nangyari sa araw ng sabado ko.
Alam kong bababa ka parin kahit sinabi ko ng wag mo akong ihatid. Kilala kita, at hindi ako nagkamali. Matigas talaga ang ulo mo. Alam kong kukulitin mo ako na ihatid hanggang sa amin kahit na alam mo namang ayoko. 

Ayoko kasi hindi na tayo. Ayoko kasi baka umulan. Ayoko kasi gabi na. Ayoko kasi lasing ka. Pero kung tayo pa, maaraw, at hindi ka lasing matutuwa talaga ako.

Alam kong hahabulin mo ko at sasabihin na saglit lang o kaya naman ipapasok mo ako sa kasunduan para umuwi ka, dati sabi mo hanggang tricy-kelan lang. Ayoko talagang pumayag ngayon. Kasi nga gabi na, lasing ka at hindi na tayo. Pero sige, dalawang minuto lang naman ang hinihingi mo, para na rin hindi nasayang yung trenta'y singko na pamasahe mo. 

Alam ko na sasabihin mo na masaya kang nakita mo ako, o kaya naman mangungulit ka na magbalikan tayo. Pero mali yata ako ngayon. Natapos yung dalawang minuto, nagpasalamat ka lang tapos tinupi mo yung mga daliri mo na parang mga labi tapos dinampi sa pisngi ko sabay sabing ingat.

pagkatapos nung dalawang minuto, bumitaw ka sa pagkakahawak sa kamay ko. humalo ka sa maraming tao. nawala ka sa paningin ko pero hindi sa isipan ko. ingat ka rin. salamat sa dalawang minuto. 

Lunes, Hulyo 7, 2014

Walking trip

Napagod ako. Umiyak. Lumayo. Pero wala akong nakuhang sagot. Bumalik ako sa pag-iisip kung paano tayo napunta sa ganito. Sinumulan ko sa Cubao. Sa may Farmers. Hawak kamay tayong naglalakad. Masaya. Nililibot natin lahat ng bilihan ng damit. Pipili ka. Sasabihin mo gusto mo. Pagkatapos mong isukat, kilatisin ay iiwan mo. Natatakot din tuloy ako nun nung sinabi mong gusto mo ako.

Pagtapos nating maglibot sa damitan pupunta tayo sa National Bookstore. Pipili ng libro tapos bibilhin kapag may espesyal na araw sa buhay natin. Napag usapan pa nga natin na gagawa tayo ng library natin. Ang saya saya ko nun. Ganado akong mag ipon para makarami. Hanggang ngayon bumibili parin ako ng mga libro at tinutuloy ang pangarap natin. Marami tayong pangarap. Alam kong bata pa tayo pero naplano na natin yun. Tatlo o dalawang anak lang. Kesyo may lalaki o wala basta tatlo o dalawa lang. Ayaw mo kasing malosyang agad. Pumayag naman ako syempre. Pero sa isip ko nun, kahit kasing laki ka ng gasul yayakapin parin kita. Hindi hadlang sakin yun para mahalin ka.

Yung pagsasama kasi nating dalawa masyado ng madaming hadlang. Yung mga kaibigan natin ayaw sa atin. Yung pamilya natin ayaw sa atin. Mabuti na lang at gusto natinang isa’t isa.

Sumindi muna ako ng sigarilyo. Kumain ng kwek-kwek. Tumawid ulit pabalik ng SM. Haay SM. Kay raming tao. Pero damang dama ko ang pag-iisa. Inalala ko yung mga panahong pumupunta tayo sa SM. Sa Manila, San Lazaro, Lipa, Mega mall, Sta.Mesa. Pero ang pinaka paborito ko ay yung nasa SM North tayo. Naligaw ako dun nung nanliligaw pa lang ako sayo. Ikaw ang nag pakilala sakin sa mga mall. Sa mga mall na maraming tao. Nung mga panahong magkasama tayo nun pakiramdam ko O.P satin lahat ng tao sa mall. Kung baga sa pelikula naka gray scale lang sila. Naka Slow motion. Nasa atin yung focus. Colored.

Makulay yung tatlong taon nating pagsasama. May away. Tampo. Selos. Kinaganda nun walang nanloko sa isa’t isa. Oo sige. Niloko kita. Sabi ko hindi kita mahal. Kasi mahal na mahal kita. Syempre kung may away nagbabati din. Kung may tampo, sinusuyo. Nung nagselos ako dati sa kaibigan mo, hinawakan mo lang ako sa kamay ko nakampante na ko. Pakiramdam ko nun kahit anong mangyari hindi ka bibitaw.

Ngayon bumitaw ka na. Sabi mo napagod ka. Saan ka ba napagod? Sa pag iikot natin sa mall? Sa mga away? Tampuhan? Hindi ko maintindihan. Kaya muli binalikan ko ang lahat. Mula SM North. Annex sa SM north, pupunta sa foodcourt. Babalik sa annex at titingin ng cellphone. Kakain. Tatawa. Maghahawak kamay. Kikiligin ako. Matutuwa ka at yayakapin mo ko para lalo akong kiligin. Lalo naman akong kiligin. Pag katapos nun pupunta ng Trinoma. Pupunta sa landmark. Tapos pag napagtripan pupunta sa wildlife.

Mga ilang linggo din tayo sa wild life. Madaming seryosong bagay ang napag usapan natin dun. Tungkol sa politika, relihiyon at iba pa. Na madalas ko lang mabanggit kapag lasing ako. Pero nung kausap kita nasabi ko lahat ng yun. Nung mga panahong yun lasing ako sa pag-ibig. Sa saya.

Madami tayong napuntahan na lugar. Binalikan ko lahat sa aking alaala. Hindi ko pa kasi kayang balikan yun sa ngayon. Masyadong masaya ang mga lugar na yun para sa akin at hindi ako bagay dun dahil puno ako ng kalungkutan. Katulad ngayon ni hindi ako makasakay ng bus kasi naaalala kita.

Lagi kitang naaalala. Pagkagising ko pa nga lang naaalala na kita. Tineteks kita agad. Ganun din bago ako matulog. Parang ikaw ang araw at buwan ng aking buhay. Sayo nagsisimula ang bawat araw ko at sayo din nagtatapos. Paano nga ba tayo napunta sa ganito? Masaya naman tayo. Nag aaway pero masaya parin pagkatapos. Dahil ba napanood mo yung 500 days of summer kaya nagkaganito tayo? Hindi naman siguro.

Isang buwan na tag-araw at isang buwan na tag-init. Inisip ko. Ngayon alam ko na ang sagot. Hindi naman tinakda. Nasa tamang oras at panahon naman tayo nung nagkita. Hindi ko rin naman masabing hindi tayo nagmahalan ng tunay nung panahong magkasama tayo. Napunta tayo sa ganito dahil kailangan.

Kailangan nino? Ko? Ikaw? Siguro nga ganun. Shit. Pero ganun nga siguro.

Sa susunod na maglalakad ako. Iisipin ko kung bakit kailangan natin to.