"Kung patuloy mong babalikan ang nakaraan bakit hindi ka mag Major in History?"
Nakakatawang tanong na nabasa ko kanina habang lunch break sa trabaho. Natawa kasi ako, naalala ko yung kurso ko. Bachelor of Arts Major in History. Kaya siguro paulit-ulit ako sa pag-alaala ng nakaraan. Since lunch break naman at masarap mag muni-muni pagkatapos ng dalawang istik ng yosi, sinagad ko na ang pagiging History Major ko.
May 6. Anim na araw bago mo ko hiniwalayan. May 6 din ng isinuko ng mga Pilipino at Amerikano yung Corregidor sa mga Hapon.
Napaisip ulit ako bigla. Teka, History Major ka din nga pala. Nung May 6 nung nakaraang taon kaya alam mong isinuko ang Corregidor sa mga Hapon? Yun ba ang nag trigger para isuko mo na rin yung relasyon natin?
Kaliwa't kanan ang nagaganap na bombahan sa Corregidor nung mga panahong yun. Nagkaroon ng din ng blockade para walang makapasok na supply ng armas, bala at pagkain sa mga tropang Kano at Pinoy. Mahirap ang sitwasyon at hindi naman kaduwagan ang pagtanggap ng pagkatalo at pagsuko. Halos parehas din pala ng sitwasyon natin. Madalas ang away natin nun, hindi rin nagkakausap kahit magkasama at hindi nagkakateks kapag magkalayo. Taena, yun nga siguro yun.
Bumalik ulit ako sa nangyari nung nakaraang taon. Kailangan ko ng datos. Kinuha ko yung couple phone natin binalikan ang mga mensahe mula Mayo 6-12. May nakita ako. Pero kailangan pa ng other resources. Binuksan ko ang Facebook ko. Binasa ang mga mensahe sa parehas na petsa.
May 6 nung unang beses mong sinabi na ayaw mo na. (Kasabay ng pagsuko ng Corregidor sa mga Hapon)
May 8 nung sinabi mong maghiwalay na tayo. (Kasabay ng pagkakapasa ng RA.4867 kung saan hinahati ang Davao sa Tatlo)
Napayosi pa ako ng isa bago matapos ang oras ng lunch ko. Hindi nauulit ang kasaysayan pero ang lupit ng pattern nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento