Miyerkules, Oktubre 30, 2019
Huwebes, Hulyo 4, 2019
Namimiss kita, pero...
Tinanong ako ng kainuman ko kagabi kung anong hihilingin ko kung sakaling may lumabas ngang genie pagkiniskis nya yung takureng lalagyanan namin ng chaser.
Naisip agad kita nun. Siguro dahil July na ngayon at madami tayong masayang ala-ala sa buwan na ito. O pwedeng namiss lang kita at ang iyong kwarto dahil tag-ulan? Ewan ko hindi ko alam.
Siguro nga namiss kita at ang mga masasaya nating ala-ala pero hindi ko hihilingin na bumalik yun. Kung sakali mang may lumabas nga na genie sa takureng lalagyanan namin ng chaser hihilingin kong sana magkatubig na. Para hindi sa takure ilalagay ang chaser at hindi sa hiniwang bote ilalagay ang inumin.
Martes, Abril 30, 2019
Reasons
Halos isang buwan na kong hindi makatulog ng maayos. Dahil siguro sa pagbabawas ko ng alak sa gabi kaya wala ng pampaantok. Pwede ring nakakatulog na kasi ako ng tanghali kasi nag resign na ko sa trabaho't wala ng ganong ginagawa.
O baka dahil sa huli nating pagkikita. Hindi ko alam bakit sa tuwing aayain mo kong lumabas kahit na alam kong hindi naman tayo mag uusap ay pumapayag parin ako. Nagbawas na din ako ng sigarilyo ko pero kapag ikaw ang nag aalok hindi ako makatanggi.
Hanggang ngayon malakas ka parin sakin. Malakas parin ang tama ko sayo? Yun na lang iniisip ko. Kaya ngayong gabing hindi ako makatulog ikaw ang sisisihin ko.
ikaw at ang amoy ng sigarilyo mong hanggang ngayon nakakapit parin sa suot ko. Baduy. Gusto ko lang talagang isulat yung naisip ko bago ko matulog ngayong gabi; at sa gabing hindi makatulog ang nasa isip ko'y ikaw.
Makakatulog na siguro ako neto
O baka dahil sa huli nating pagkikita. Hindi ko alam bakit sa tuwing aayain mo kong lumabas kahit na alam kong hindi naman tayo mag uusap ay pumapayag parin ako. Nagbawas na din ako ng sigarilyo ko pero kapag ikaw ang nag aalok hindi ako makatanggi.
Hanggang ngayon malakas ka parin sakin. Malakas parin ang tama ko sayo? Yun na lang iniisip ko. Kaya ngayong gabing hindi ako makatulog ikaw ang sisisihin ko.
ikaw at ang amoy ng sigarilyo mong hanggang ngayon nakakapit parin sa suot ko. Baduy. Gusto ko lang talagang isulat yung naisip ko bago ko matulog ngayong gabi; at sa gabing hindi makatulog ang nasa isip ko'y ikaw.
Makakatulog na siguro ako neto
Biyernes, Marso 8, 2019
Sabi nya..
Yayakapin ka ng pag-iisa at kalungkutan pero Hindi ibig sabihin nun na hindi mo makukuhang maging masaya. Madami pa dyang iba.
Pinatay nya ang sindi ng kanyang yosi, kinuha ang kanyang mga gamit at muli nya akong iniwang mag-isa. Hindi ko na nasabing ayoko sa iba. Ayoko ng iba.
Lunes, Hulyo 30, 2018
Miss kita pag monday
At bilang pagtatapos sa mahaba mong break up message ay nagbilin ka sa akin: 'hanapin mo yung kasiyahan na hindi ko na maibibigay sayo. Hindi ko alam kung saan o kanino, pwedeng sa lugar kung san tayo dati nagpupunta o sa bagong lugar na mapupuntahan mo pa lang. Sa mga kaibigan o bago mo palang makikilala. Basta ipangako mong magiging masaya ka,'
Tumatambay parin ako sa circle kung san tayo madalas magkita. Naakyat ko na halos lahat ng bundok mula Rizal hanggang Cordillera. Nadagdagan pa yung madami ko ng kakilala't mga kaibigan. Sumaya ako. Masaya na ako.
Pero may mga gabi paring hinahanap-hanap ko yung kalungkutang dulot mo.
Huwebes, Hunyo 7, 2018
Bago mo pa ako iwan alam ko ng gagawin mo yun. Di ko alam kung napanaginipan ko isang gabi, nakutuban, naramdaman sa mga kilos mo, di ako sigurado, basta ang alam ko malapit mo na kong iwan.
Sa totoo lang hinanda ko ang sarili ko para sa araw na yun. Inimagine kong sasabihin mo sa akin na 'the feeling is gone' gaya ng sinabi ng karakter na babae pelikulang napanood natin. O kaya naman iteteks mo na lang sa akin na ayaw mo na, gaya ng lagi mong ginagawa. Naisip ko rin na baka pumipili ka lang ng tamang araw kung kelan mo ko iiwan, hindi ko alam kung lunes, miyerkules o kung kelan matapat ang red days mo. Basta naghahanda lang ako.
Sabi ko sa sarili ko, hindi kita pipigilan kung aalis ka na, kahit na hindi ako naniniwala sa sabi-sabi na 'if you love someone set them free' eh yun ang naiplano kong sasabihin sayo. Naghanda na rin ako ng mini-bucket list na sana ay gawin muna natin bago mo ako tuluyang iwan. Feeling ko nun kaya ko na pag-umalis ka.
Hanggang sa sinabi mo ngang ayaw mo na. Sa kung ano mang naisip mong dahilan kung bakit ayaw mo na.
Ang weird lang, kahit sobra-sobrang paghahanda na ang ginawa ko sa pag-alis mo masakit parin pala. Masakit paring maiwan. Wala yata talagang makakapaghanda sa atin sa mga paalam kahit hindi ito biglaan.
Biyernes, Abril 20, 2018
Ilang oras na silang hindi nagkikibuan. Walang may gustong magsabi ng saloobin nila sa nangyari kanina.
Ilang oras pa ang lumipas... 'magluto ka na, nagugutom na ako.'
Gusto pa nya sanang magmatigas pero gutom na rin sya. Bumangon sya sa pagkakahilata at naghanda na mailuluto. Inilabas sa freezer ang mga nahiwang manok at ibinabad sa tubig para lumambot. Naghiwa ng sibuyas, luya at bawang na gagamitin sa pagsangkutya.
Pagkatapos ay tinignan nya kung ano ginagawa ng kinakasama nya na kanina'y nakatingin lamang sa kawalan habang naninigarilyo.
Pinainitan ang kawali, naglagay ng mantika at sinimulan na nyang mag-gisa. Inuna ang sibuyas para hindi masunog kaagad ang bawang. Pagkatapos ay inilagay nya ang luya. Habang hinahalo-halo nya ang mga ito ay naglalaro sa isip nya ang mga salitang gusto nyang sabihin. 'ayoko na, basta ayoko na', 'the feeling is gone' - na hindi nya alam kung saang pelikula nya nagaya.
Nang mag amoy mabango na ay inilagay na nya ang pinalambot na manok. Naglagay ng asin, patis at paminta. Hininaan nya ang apoy at nagsindi ng sigarilyo. 'Baka nabibigla lang ako, pero tang ina kasi eh' sabi nya sa sarili nya. kumuha sya ng isang basong tubig at nilagay sa kawali.
Pinuntahan sya ng kanyang kinakasama at nagtanong kung okay lang sya. Hindi nya ito kinibo. Hindi nya alam kung anong sasabihin nya.
Pagkaluto ng manok ay inilagay nya ang dahon ng sili. Tinikman ang sabaw. Matabang. Nilagyan ng konting asin at patis. Umalat. Tang ina. Pinatay nya ang kalan.
Inisip nya kung ano bang gusto nyang gawin tungkol sa kanilang dalawa. Inisip nya kung paano nya sasabihin at kung ano ang sasabihin nya. Nagsindi ulit sya ng yosi. Saktong dating na kinakasama nya para kumuha ng plato at kutsara. Hindi sya kinibo nito.
Pinatay nya ang kakasindi pa lamang na yosi at muling binuksan ang kalan. Tinimpla ng maigi ang sabaw. Madami syang gustong sabihin sakanya habang sya'y nagluluto. Pero hinayaan na lang muna nya, ayaw nyang mag lasang punyeta ang kakainin nilang dalawa.
Huwebes, Disyembre 21, 2017
Happy anniv!
Sabi ng mama ko kanina, ang sikreto ng mahabang pag-iibigan nila ni papa ay dalawa.
1. Loving always - Mag-ibigan sa lahat ng pagkakataon, sa lahat ng panahon. At kung may mga bagay na di inaasahan, o labas sakanilang pang-unawa, dito papasok ang ikalawa.
2. Love them anyways - Applicable daw ito lalo saming mga anak nya. Example. Hindi ako nagsaing, Papagalitan nya ko but still she loves me anyway.
Madami pang mga pangaral, madaming payo, hindi ko na isusulat dito pero hindi ibig sabihin na nakalimutan ko.
Alam ko late na ko sa pagbati at medyo tipsy nanaman ako, Alam ko namang you will love me anyway. HEHEHE.
Happy 30th anniv sa inyo. Salamat sa enduring love.
<3
Linggo, Disyembre 10, 2017
Ang pagbabalik.
Ilang araw ka ng nakatambay sa isip ko, siguro namimiss kita. Pero gaya nga nga sabi ni essa, ‘Nami-miss kita, pero hindi ko nanaisin na bumalik ka pa”
Mahirap ng itanggi to. Namimiss nga kita.
Sa totoo lang, tatlong taon na ang nakalipas, pero hanggang ngayon iniistalk parin kita sa twitter at IG mo.
Kapag bumabyahe ako papunta’t pauwi galing cubao, umaasa parin akong makasabay ka. Nung nakaraan sinadja ko pang bumaba ng Sandigan.
Hinahanap parin kita sa National Bookstore sa Farmers, sa DQ sa Gateway, sa Padis, sa Expo, pero kahit anino mo wala.
Naririnig ko nanaman ang boses mo sa kiss me slowly ng parachute at sa mga kanta ng faber drive.
Ewan ko ba, epekto parin ba to ng engkanto sa Amuyao? Kung bakit ba kasi hindi na lang ang alaala mo yung nailagaw.
Tumatambay ka nanaman sa isip ko, mukhang mapapatambay nanaman ako dito sa blogger ko.
Biyernes, Agosto 18, 2017
Life Hacks
Delikado na sa Pinas ngayon kaya eto ang ilang mga tips para iwas sa tokhang.
- Dapat mukha kang teen-ager. Nabalitaan naman siguro natin si Kian. Madaming mga netizen ang sumigaw ng foul sa kanyang pagkamatay, inosente kasi sya. Yung ibang nababalitang namatay mga inosente din isila pero hindi ganung pansinin, hindi kasi teen-ager. Saka tiyak na may ilang ngayon ang mga pulis na dumali ng teen-ager medyo mainit pa kasi ang isyu.
- Maging babae. Kung hindi kayang maging babae magpakababae. Sa itsura, sa pananamit, sa pagkilos etc. Parang nung Martial Law lang, para hindi patayin yung mga binatilyo, pinagbibistida ng kanilang mga nanay. Saka wala pa ata akong nakitang picture ng babaeng patay dahil sa tokhang. (Pwedeng nagkamali lang ako so 50% lang ang survival rate neto)
- Sa kahit anong sitwasyon, wag manlalaban. Kung nagtitinga ka nung inabutan ng pulis, ibaba ng marahan ang toothpick, dahan-dahang itaas ang dalawang kamay, sumuko ng maayos. Kapag binigyan ng baril, iputok ito sa iyong paa o hita, or iputok mo na lang sa ulo ganun din naman totodasin karin nila.
- At syempre ang pinaka safe, Maging Pulis. Si Papa Digong na ang bahala sayo wag ka lang magdadrugs.
Sa totoo lang hindi na talaga ligtas ang kahit sino sa atin ngayon. Kung ikaw ay nasa maling oras at maling lugar todas ka at wala silang paki sayo kung nadamay ka lang. (lalo kung hindi ka teen-ager) Di rin sapat ang dasal-dasal lang, kaya ang pinakamagandang gawin eh kumuha na agad ng life insurance.
Martes, Hunyo 27, 2017
Mga takot ko sa gabi
I.
Dis-oras na ng gabi't kakatapos lang mag-inuman. Hinatid na ko ng mga kasama ko sa sakayan. Pagtingin ko sa cellphone ko, may anim na teks at walong tawag si mama.
II.
Pano kung iwan nya ko bago pa maging kami?
III.
Pagkatapos nitong kontrata, ano na?
IV.
Nung nakaraang gabi nanaginip ako, palakad-lakad sa lugar na di ko alam kung saan. Kahit saan ako dumaan bumabalik lang ako sa aking pinagsimulan. Alam kong panaginip lang yun. Pagkagising ko tumingin ako sa kalendaryo, madadag-dagan nanaman ang edad ko, hanggang ngayon di ko parin alam ang gagawin ko.
Linggo, Mayo 21, 2017
Hindi ko mapigilan ang ngiti ko sa tuwing naaalala ko yung mga pinag-gagawa natin.
Tatatambay tayo sa linear park, uubos ng ilang stick ng yosi tapos magkahawak kamay na papasok sa klase.
Kakain ng mga ihaw-ihaw sa kahabaan ng teresa tapos makikipag patintero sa mga jeep sa stop and shop.
Lalakad papuntang farmers at mag-aabang sa paborito nating bus, yung kellen. Maghihintay tayo hanggang alas-diyes maka tyempo lang ng may mauupuan. Pag nakasakay na, isasandal mo ang pagod mong katawan sa akin at matutulog.
Natutuwa talaga ako pag naaalala ko yang mga yan nung bumabyahe pa ko papasok.
Pero simula nung umalis ka at di na bumalik, naging masakit na ang mga alaala.
Tatatambay tayo sa linear park, uubos ng ilang stick ng yosi tapos magkahawak kamay na papasok sa klase.
Kakain ng mga ihaw-ihaw sa kahabaan ng teresa tapos makikipag patintero sa mga jeep sa stop and shop.
Lalakad papuntang farmers at mag-aabang sa paborito nating bus, yung kellen. Maghihintay tayo hanggang alas-diyes maka tyempo lang ng may mauupuan. Pag nakasakay na, isasandal mo ang pagod mong katawan sa akin at matutulog.
Natutuwa talaga ako pag naaalala ko yang mga yan nung bumabyahe pa ko papasok.
Pero simula nung umalis ka at di na bumalik, naging masakit na ang mga alaala.
Sabado, Mayo 20, 2017
Bakit hihintayin ang di naman nag paalam?
Tatlong taon na ang nakakaraan. Linggo sa Luneta, 6:19 ng hapon.
Kulay kahel ang langit.
Sa may chess plaza. Madaming lamesa na may ukit ng chess board pero sa apat lang ang ginagamit. Mas madami ang mga miron kesa sa mga naglalaro.
Sa upuan sa gilid ay may mga nagdedebate tungkol sa kinahantungan ni Bobby Fischer. Kung nabaliw daw ba sya sa dahil sa sobrang galing o talagang nabaliw lang. Paos at inuubo-ubo na yung dalawang nagdedebate, sa palagay ko'y kanina pa nila ito pinagtatalunan, ubos na ang laman ng mineral water sa tabi nila at nagkalat din ang mga basyo ng sigarilyo sa lapag.
Sa di kalayuan ay makikita ang mga turista, mag jowa, at magkakapamilya na namamasyal sa may Luneta. Meron ding mga nagtitinda ng kung anu-ano at nag aalok na kukuhanan ka ng litrato sa halagang isang daang piso.
Maingay ang paligid dahil sa mga miron, mga naglalaro at nagdedebate. Maririnig din ang mga busina ng sasakyan sa di kalayuan pero dinig ko parin ang tibok ng kabado kong puso.
Ako: Magiging okay pa ba tayo?
Siya: Hindi ko alam,
Ako: Hihintayin kita.
Hindi sya sumagot. Bumitaw sya sa pagkakahawak ko sakanya at naglakad papalayo habang naiwan akong nakaupo at tinitignan ng mga miron.
Linggo, Pebrero 26, 2017
When in bolinao
Kahapon nasa Bolinao ako. Naalala kita. Naalala ko yung mga napagkwentuhan natin nung minsang lasing tayo sa beer sa Cubao Ex. Sabi mo ibili kita ng two piece at papayag kang ihiga kita sa puting buhanginan ng Batangas, Pangasinan, at kung may budget ay sa Bora. Sabi mo sisimulan mo na ang pagda-diet para naman maging kaaya-aya kang tignan sa two piece na bibilhin ko.
Ang tutoo'y kaya mo lang sinabi yun nung araw na yun ay alam mong wala akong perang pambili ng two piece mo at ayokong magpunta sa mga beach. Mas gusto kong umakyat sa bundok at maputikan kesa gumawa ng mga kastilyong buhangin at mag tampisaw sa dagat.
Pero alam mo, kahapon habang naglalakad ako sa dalampasigan na may hawak na beer, sabi ko masaya din pala sa beach. Hindi ko nga lang alam kung dahil ba yun sa tunog ng hampas ng alon, kapayapaan ng gabi, ng malamig na malamig na beer na nasa kamay ko o ng alaala na nagsasabing papayag kang ihiga kita sa puting buhanginan ng Batangas, Pangasinan o pag may budget ay sa bora.
Ang tutoo'y kaya mo lang sinabi yun nung araw na yun ay alam mong wala akong perang pambili ng two piece mo at ayokong magpunta sa mga beach. Mas gusto kong umakyat sa bundok at maputikan kesa gumawa ng mga kastilyong buhangin at mag tampisaw sa dagat.
Pero alam mo, kahapon habang naglalakad ako sa dalampasigan na may hawak na beer, sabi ko masaya din pala sa beach. Hindi ko nga lang alam kung dahil ba yun sa tunog ng hampas ng alon, kapayapaan ng gabi, ng malamig na malamig na beer na nasa kamay ko o ng alaala na nagsasabing papayag kang ihiga kita sa puting buhanginan ng Batangas, Pangasinan o pag may budget ay sa bora.
Martes, Enero 10, 2017
Sirang body clock
Sa hindi malamang dahilan, ginigising parin sya ng kusa ng kanyang katawan sa tuwing sasapit ang alas-tres ng umaga. Sisilip sya sa bukas na pinto ng kanyang kwarto upang tignan kung may nakatingin sakanya. Ganun daw kasi yun, magigising kang bigla kapag may nakatingin sayo. Matatakot sya ng panandalian at muling hihiga. Lilipat sa kabilang pwesto. Magbabaliktad ng unan, hahatakin ang kanyang kumot pataas upang bigyan ng hangin ang kanyang isang paa. Hindi parin sya makatulog sa kakaisip kung bakit sya nagigising ng kusa. Marahil dahil natutulog sya tuwing lunch break sa kanilang opisina, o maaga syang nakatulog nung gabi. Hindi naman sya gutom at hindi rin naman malamok ang kanyang maliit na kwarto. Sa ganitong oras dumarating ang mga kakaibang ingay. Naririnig nya ang pintig ng kanyang puso sa unan, rinig na rinig nya ang pagtakbo ng oras, parang rumaragasang jeepney ang tunog ng kanyang electricfan na syang tumatangay sa kanyang isip papunta sa lugar na hindi kayang puntahan ng kanyang katawan sa ngayon. Dadako ito sa mga mall, sa terminal at sa iba pang lugar kung saan marami syang alaalang masaya. Lilipat sya muli ng pwesto. Sasandal sa may malamig na pader habang may kayakap na unan. Aasa na sana'y dalawin sya ng antok imbes ng mga alaala ng nakaraan.
Sabado, Disyembre 17, 2016
SMP
Dumating na ang tag-lamig. Ibang klase ang simoy ng hangin na naghahatid ng mga alaalang pilit mang kalimutan eh parang mga video na nagpa-flashback sa aking isip.
Magpapasko na pala. Mahigit apat na tatlong taon na ang nakalipas. Ganito rin ang panahon, malamig. Nung akala ko eh hindi ako marunong masaktan.
Magpapasko na pala. Mahigit apat na tatlong taon na ang nakalipas. Ganito rin ang panahon, malamig. Nung akala ko eh hindi ako marunong masaktan.
Martes, Oktubre 18, 2016
Kwentong lasing
Tatlong taon na halos ang nakalipas heto parin sila sa mga tanong na ‘ano ba kasing nangyari sa inyo?’
Umiikot na ang kisame. Punit na ang mga itsura ng mga kainuman ko. Hindi ko na maalalang nagsindi ako ng yosi, naiwan ko na itong nauupos sa may ashtray, tingin ba nila naaalala ko ba yung nangyare tatlong taon na halos ang nakakalipas? Pero hindi ko sila pwedeng biguin. Kilala ako bilang bangka sa kahit sang inuman kaya binigyan ko sila ng isang kwento.
Paano mo malalamang mahal mo sya?
May tatlong magkakaibigang pawang mga lasing ang nakaupo at nagpapalipas ng kanilang tama sa silong ng mangga. Dahil nga pawang mga lasing, kung anu-ano ang kanilang mga napag-uusapan. EJK, Trapik sa EDSA, Sex video ni Delima at kung gano kagaling si Presidente DU30. Tumagal ang usapan sa nahuling nabanggit at napagpasyahan nilang kahit gano nga kagaling ang nasabing Presidente ay kupal parin sya, kaya nag-usap na lang sila tungkol sa pag-ibig.
Ang dalawa sa tatlong magkakaibigan ay pawang mga walang jowa kung kaya’t tinanong nila ang kanilang kaibigan, ‘pano mo malalaman kung mahal mo ang isang tao’
Nag-isip ng malalim ang tinanong. Inisip nya ang mga ginawa nya para sa kanyang nobya,(na nang-iwan din sakanya) sa tagal ay halos makatulog na ang dalawa nyang kasama. Bago pa man tuluyang makatulog ang dalawa, sya ay nag wika, “hindi ko alam. Ang alam ko lang nun ay mahal ko ang sarili ko kaya ayaw ko syang mawala at di naglaon ay minahal ko na sya kaya pinabayaan ko na syang umalis”
Hindi nabilib sa kwento ko yung mga kasama ko kaya natulog na lang sila.
Huwebes, Setyembre 15, 2016
Kung bakit hindi na kita sinuyo
Paubos na yung isang bucket natin nung nagsimula kang bumangka. Mahilo-hilo na din ako nun. Ang layo kasi ng pinanggalingan ko tapos sinundo pa kita sa technohub bago tayo tumuloy sa expo.
Hilong-hilo ako sa paulit-ulit mong pagbabanggit na bias ang media. Napanay puna sila sa kasalukuyang pangulo dahil nabayaran sila.
Sumakit ang ulo ko sa mga paratang mo na bayaran yung mga taong ayaw magpalibing kay Marcos sa libingan ng mga bayani. SInabi mo pa na katulad ko ay dapat ding mag-move on na ang mga taong yun dahil sobrang tagal na ng pangyayaring yun. Idinugtong mo pa na mapagpatawad ang Diyos sa kahit sino man, kaya dapat ding patawarin na si Marcos sa mga nagawa nya noon.
Sukang-suka ako nung narinig ko ang mga sumunod mong sinabi. Ang mga komento mo sa mga kritiko ng pangulo. "DILAWAN!. King inang mga yan, nagsisimula na sila sa PLAN B nila. Tignan mo ngayon may "testigo kuno" pa si De Lima." Ang saloobin mo tungkol sa extajudicial killings, "Ano naman kung madaming mamatay eh adik naman yun? dapat lang sakanila yun kesa madaming masirang buhay dahil sakanila"
Inaya talaga kita ngayon dahil espesyal ang araw na to para sakin. Balak ko sanang muling makipagbalikan sayo, kasi aminin ko, hanggang ngayon mahal parin talaga kita. Pero nung narinig ko yung mga sinabi mo, King ina wag na lang.
Inubos ko ang laman ng bote ko, at kung pwede lang talagang ipalo ko sayo yun, ipinalo ko na.
Linggo, Hunyo 5, 2016
Lokohan
Pinagmamasdan
kita habang nakaupo ka sa madungis kong kama. Nakasandal ka sa pader at
nakapatong ang paa mo sa kulay itim na upuan malapit sa kama. Ang haba ng legs
mo. Lalong nag mukhang mahaba dahil sa maiksi mong shorts. Sa may kandungan mo
nakapatong ang iyong laptop, tumitipa sa keyboard ang kaliwa mong kamay at may
hawak namang sigarilyo ang kabila. Tumingin ka sakin nung nakita mo ang
blogspot ko.
E:Hindi
ka na nagsusulat?
Ako:
Hindi na.
E:Bakit?
A:Ewan
ko, nawalan lang ako ng gana.
E:Naging
tayo lang ganyan na.. pero yung ex mo dati sinusulatan mo, may mga kwento
kwento ka pa.
Wala
lang talaga akong ganang sumulat, nakakatamad, mas maiging manood na lang ako
ng ozzy reviews sa youtube o di kaya’y mag basa ng manga, pero dahil para kang
nagtatampo’t nagseselos sige gagawan kita ngayon ng kwento :
Ako: Oo, sinusulatan ko sya dati kahit break
na kami, gumagawa pa ko ng kwento nun, tungkol sa aming dalawa. Tapos maaalala
ko sya, yung mga date namin sa Circle, SM North, Farmers, yung mga panahong sya
pa yung kasama kong magyosi at hindi ikaw, Mga lasing moments namin sa Cubao ex
at madami pang iba. Natutuwa akong maalala yun, pagkatapos kong ipost yung mga
nagawa ko, sasaya ulit ako. Pakiramdam ko, anjan na ulit sya sa tabi ko.Pero
nung naging tayo na, hindi na ko makapagsulat. Ewan ko ba kung bakit. Wala
talaga akong gana. Kahit anong subok ko parang lagging pilit. Kaya hindi na ko
sumulat. Hindi ko na naman na kasi kailangang gumawa pa ng kwento para sumaya,
kasi nanjan ka na.
Pagkatapos
nun, ngumiti ka. Niyakap mo ko na parang totoo ang sinabi ko sayo. At niyakap
din kita na parang naniniwala akong mahal mo kong talaga.
Miyerkules, Abril 6, 2016
Para kanino ang mga kategorya?
Ano ang pinagkaiba ng totoo sa kasinungalingan? May kabuluhan pa ba ang mga kategorya? Para kanino?
Ito yung mga tanong na naisip ko nung minsang maalala kita. Nung panahong wala pang tayo. Hindi pa kami break ng syota ko at hindi mo pa binabasted yung ka M.U mo.
Nakikita daw nila tayong madalas magkakasama, magkakwentuhan, magkateks, minsan magkahawak kamay at kung anu-ano pa na sya namang tinatanggi ko sa syota ko, at ikaw naman sa ka M.U mo.
Minsan totoo yung kwento tungkol satin, minsan hindi. Pero totoo man o hindi parehas silang nagagalit sa atin. Itanggi man ang katotohanan o panindigan ang kasinungalingan wala rin. Pagkatapos nun parehas tayong nagsawa sa kinakasama natin. Iniwan ko ang syota ko at binasted mo ang ka M.U mo.
Matagal-tagal na din tayong lumalabas, nagde-date ganun. Napakilala na natin ang isa’t isa sa ating mga magulang. Nahahalikan na kita, nahahalikan mo ko. Naikakama na kita, naikakama mo rin ako. Minsang isang gabi tayong magkasama, tinanong mo ko, “ano ba tayo?”
“Hindi ko alam, basta ang alam ko masaya ako pagkasama ka.”
Nalungkot ka sa sinabi ko. Simula nun hindi ka na nagrereply sa teks ko. Hindi ka na rin napapadpad sa expo.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)