Kahapon. Nagkita tayo. Tahimik ka, tahimik din ako. Parang dati, nung nasa faculty room tayo. Walang kahit anong tunog ang bumabasag sa katahimikan. Naglalaro ka ng android phone mo. Tinitignan lang kita. Bumaling ang tingin mo sa may bandang bintana ng bus. Tinignan parin kita. Kahit di mo ko matignan. Kahit sa iba ka nakatingin.
Bumaba na tayo sa sinasakyan natin. Umakyat ng overpass papuntang Farmers. Dumaan sa may Penshoppe tapos umakyat sa may 4th floor at tumingin ng mga damit. Sabi mo ‘gusto mo nun’. Matapos mong tignan, sabihin kung gaano mo kagusto, iniwan mo ito at sa iba naman tumingin. Laging ganun. Naalala ko dati nung pumipili tayo ng sapatos mo, ang tagal nating binalik-balikan yun sa mall. Sabi mo maganda yung sapatos. Nakita kong maganda nga lalo kung suot mo. Nung bibilhin na natin ayaw mo. Siguro, mas gusto mo lang na gustuhin ang isang bagay pero ayaw mong mapasayo ito. Ayaw mo siguro ng responsibilidad sa isang bagay. Na kailangang ingatan ang mga ito. Naisip ko hindi ka siguro maingat?
Papababa na tayo mula sa 4th floor. Katulad ng dati papaunahin kita sa escalator kung pababa. Para isang baytang ang taas ko sayo. Para mayakap ka o di kaya’y maakbayan. Mas maliit kasi ako sayo ng bahagya. Pero hindi na katulad ng dati, Pag ka sakay mo sa escalator sumunod ako, isang baytang ang pagitan natin. Alam mo siguro na yayakapin kita o kaya’y aakbayan kaya humakbang ka pa ng isa pababa. May espasyo na sa pagitan natin. Maliit kung titignan. Pero nun, para sakin malaki. Napakalayo mo na. Hindi na kita maabot. Sa simpleng paghakbang mong yun nakita ko ang maraming bagay. Malayo ka na talaga. Lumalayo ka na talaga sa akin, sa atin.
Nasa 3rd floor na tayo. Ayoko ng paunahin ka. Kasi baka lumayo ka ulit. Baka hindi nanaman kita maabot. Sinabayan kita ngayon. Gaya ng dati titingala ako sa salamin na nasa taas ng Escalator. Tumitingin tayo noon doon. Ikaw nag-aayos ng buhok, ako naman tinitignan ko ang mga sarili natin, kung gaano tayo kasaya na magkasama. Gustong gusto mo ang salamin. Maliit o malaki gusto mo ito. Gusto mong nakikita ang sarili mo. Inaayusan ang sarili mo. Kung paano ka gustong makita ng mga kaibigan mo. Sa daan madalas kang tumigil sa harap ng mga kotse o jeep na nakaparada para manalamin. Pero ngayon, inisnab mo yung dambuhalang salamin sa taas mo. Na madalas nating tinitignan. Sa lahat ng tinitignan mong salamin eto yung gusto ko. Kasi kasama ako sa nakikita mo sa salamin. Hindi lang ang sarili mo, kasama ako, at iba pang mga tao. Hindi lang ngiti mo ang makikita mo, hindi lang ayos ng buhok mo, hindi lang puro ikaw.
Inaya kita para kumain. Ayaw mo. Tinanggap ko na nun na nagbago na ang lahat. Dati kahit hindi ka gutom kakain ka basta inaya kita. Masaya tayong dalawa kapag kumakain. Kapag may away tayo, sandali tayong nagbabati para kumain. Napakahalaga satin ng pag kain ng sabay. Kaya kahapon tinanggap ko na. Wala na yung mga mahahalagang bagay na yun, yung mga ‘dati’.
Pauwi na tayo. Sumakay ng bus. Sa pangdalawahan. Nasa may bintana ka, ako naman sa may bungad. Naglalaro ka sa android phone mo. Yung parang tamagochi. Gustong gusto mo yung larong yun. Aalagaan mo yung parang patatas na may mukha, papakainin, lilibangin, aasikasuhin, papaliguan. Natuwa na lang din ako. Iniisip ko ako yun. Ako yung pinag aaksayan mo ng oras mo. Inaalagaan, inaasikaso. Nakita mo yatang natutuwa ako kaya tinigil mo ang paglalaro.
Tinago ang android phone at tumingin sa may bandang bintana. Pakiramdam ko ayaw mo akong natutuwa. Tinitignan lang kita. Tahimik. Tinitignan lang kita kahit di mo ko tinitignan. Kahit sa iba ka nakatingin. Gusto kong malaman mo na sayo lang ako titingin. Na may pagtingin ako sayo. Ayaw mo yung makita. Kaya pumikit ka. Natulog. Hindi ka sumandal sakin na katulad ng dati.
Malinaw na sakin. Ayaw mo ng pahirapan ang sarili mo. Mas maliit kasi ako sayo ng bahagya kaya mahirap ang pagsandal kung sakali. Pero dati ginagawa mo iyon. Sabi mo ok lang kahit medyo mahirap, nakakatulog ka naman. Naglalaway ka pa nga kung minsan. Pero ngayon. Hindi na. Malinaw na sakin. Hindi mo na kailangan ng masasandalan. Na kaya mo ng mag isa. Na kaya mo ng wala ako.
Nakita ko yung lugar kung saan ako nagtapat ng pag-ibig ko sayo. Naluha ako. Alam ko kasi malapit ka ng bumaba. Ni wala akong nasabi. Tinignan lang kita. Sabi mo sakin nung pababa ka na, ‘mag-iingat ka’. Oo, mag iingat ako, kasi wala ng mag iingat sakin.
Wala ka na. Bumaba ka na. Naglakad ng kaunti. Pero hindi na katulad ng dati. Kahapon, lumingon ka sakin. Na hindi mo ginagawa dati.
Tumingin mula sa labas hanggang sa kina-uupuan ko. Tinignan mo ko.
Nakangiti.
Hindi katulad ng dati.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento