Sabado, Enero 31, 2015

Ayaw kong malaman mo yung mga ilang bagay tungkol sa akin.. katulad ng..


Kasiyahan ko sa sa unang sabadong pagkikita natin. Na halos gabihin tayo sa dami ng kwento. Sa totoo lang ayoko pang umuwe pero kelangan. May inuman ako at malayo pa ang uuwian mo. 

Ayokong malaman mo na araw araw kong nilalakad ang kahabaan ng UP at umaasang makita ka o kahit man lang ang pangalan mo sa inbox ko. Ayoko ding malaman mo na kabisado ko na kung nasaan ang Quezon Hall, Main Library, UP Press, Bell Tower at Abelardo Hall. Na kabisado ko na rin kung kailan lumalabas ang dimple mo, kung paano ka ngumit at tumawa sa mga kwento ko.

Ayokong malaman mong tuwang-tuwa ako sa pagsayaw ng unat na unat na mahaba mong buhok habang ika'y naglalakad. Hindi ko mapigilang ngumiti kapag napapansin ko yun. Ayokong malaman mong tumatak sakin ang kalye ng Apacible at OsmeƱa dahil doon ko napansin ang iyong ganda habang nasisinagan tayo ng papasikat na araw.

Ayokong malaman mong halos ayoko ng maghugas ng kamay dahil sa di sinasadjang pagdampi ng mga daliri mo sa daliri ko habang sabay nating nilalakad yung mga kalyeng hindi ko na nakuha ang pangalan. Dahil tanging pangalan mo lang ang nasa isip ko nung mga oras na yun. Wala na kong paki kung wala pa akong tulog nun at ikaw naman ay halos bagong gising.

Ayokong malaman mo na naghahalo ang kaba at kilig ko sa tatlo hanggang limang minutong pag-uusap natin sa telepono. Pakiramdam ko ang haba na ng oras na yun. Kahit pa halos tatlong oras kong pinag-iisipan kung ano ang sasabihin ko at kung tatawagan ba kita. Masyado ka kasing abala sa mga ginagawa mo at ganun din naman ako. Masyado akong abala sa kakaisip sayo. Kung kamusta ka ba, kumain ka na kaya? At mga iba pang bagay.

Ayokong malaman mo na pagkatapos ng linggo eh atat na atat na akong magsabado. Para kung sakaling pagbigyan ako ng Bathala ng swerte ay muli kitang makita at makakwentuhan ng sabado ng umaga bago ako matulog sa tanghali. 

Ayokong malaman mong isa ka sa dahilan kung bakit ako pumapasok sa trabaho. Dahil malapit lang yun sa lugar kung saan kita makikita. Malaki ang paniniwala ko na: Mas malapit, mas may pag-asa akong makita ka. Hindi traydor ang distansya dahil sukat iyon ng siyensya. Hindi katulad ng paniniwala at pag-asa. Oras lang ang kalaban, hindi ang tadhana.

Ayokong malaman mo ang bagay na to. Hindi ko alam kung bakit. Natatakot siguro ako. Baka pag nalaman mo bigla kang lumayo. Baka mawala ang pag-asa na makita kita sa kahabaan ng UP o ang pangalan mo sa inbox ko. Baka hindi ko na makita ang buhok mong sumasayaw-sayaw habang naglalakad. Baka hindi na maulit ang di sinasadjang pagdampi ng daliri mo sa daliri ko. Baka hindi mo na sagutin ang tawag ko. Baka mawala na ang masasayang gunita ng sabado ng umaga ko bago ako matulog.

Mas mabuti pang ganito. Yung pasikreto kitang gusto.

Miyerkules, Enero 28, 2015

Seloso


I don't get jealous, i can't be jealous, i've never been jealous, ngayon lang :(

Kilala mo ba si Magda? Tanong sa kanta ni Gloc 9. Hinanap ko sya sa sta.mesa pero hindi ko sya nakita. Sobrang nanghihinayang ako kasi hindi ko nakita yung may kulay na buhok nya at yung sayaw nyang sapatos lang ang suot. Sayaaaaaang. Pero i've seen worse.

Merong isang tagong lugar sa cubao, (PM lang para sa instructions. Sobrang panalo. Happy ending promise.) may sumasayaw dun singsing at hikaw lang ang suot! Siguro pinsan ni Magda, Joy yung pangalan. Pero hindi ko makita yung Joy sa mukha nya nung sumasayaw sya dun sa stage na may baras. Bago pa lang daw sya dun ayun sa isang construction worker. Hindi marunong ngumiti, medyo nahihiya pa, parang napipilitan lang, mahinhin gumiling, wala pang bilbil, payat pa ang pata saka halata naman talaga. 

Balik tayo kay Joy. Iba si Joy sa mga Joy na nakilala ko. Oo, meron akong joy na kaklase, katrabaho at yung ibang mga Joy na pinsan din ni Magda. Sa totoo lang madami silang magpipinsan. Sila Apple, Ashley, Anna, Anne, Rose, Mary, Mary Rose, Mary Anne, Anna Marie, yung mga common names lang. Wala kang makikilalang babaeng sopistikadang pakinggan yung pangalan sa lugar na patay sindi ang ilaw. Si Joy lang ata yung Joy talaga ang pangalan. Hindi pa nya alam yung protocol sa ganung lugar na kapag tinanong sya kung anong edad nya dapat nasa 21-26 lang, kung tinanong kung gano katagal na sya dun dapat sabihin nya 2 weeks pa lang sya, at kapag tinanong sya kung anong pangalan nya eh dapat mag-iisip sya ng alyas nya. Bawal din syempreng umiyak sa harap ng customer kahit pa gaano kabigat yung pinagdadaanan kasi ang pangunahing layunin ng trabaho nila eh magbigay ng aliw 

Eto kasing si Joy galing sa probinsya. Maswerte na daw kapag kamote ang kinakain nila sa maghapon. Minsan asin at tirang kanin lang ng kapitbahay. Kaya nung dumating tong taga maynila at naghahanap ng katulong, sumama naman sya agad. Sanay naman kasi sya sa trabaho mula sa pagwawalis hanggang sa pagdila este pag-iigib ng tubig sa ilog. Nung nakarating sa Maynila eh kala nya mansyon ang dadatnan nya yun pala ganito lang. Maliit na espasyo lang patay sindi pa yung ilaw. Masaklap pa nun wala man lang uniform kahit na panty at bra lang. Haay puta. (Joy sorry)

Hindi matigil si Joy sa kakasubo ay kakaiyak pala. Kaya sinubukan ko syang patahanin. Tinanong ko sya kung alam ba nya yung alamat ng talatutang. Eto kasing talatutang eh matatagpuan sa probinsya nila. Inisip nya ng matagal kung ano yung talatutang pero hindi nya talaga alam. So kinuwento ko yung alamat ng talatutang at naiyak nanaman sya. (Para sa full story ng alamat ng talatutang, isearch nyo sa google) Nagpatawa ulit ako, at isa pa ulit hanggang matigil sya sa kakaiyak. Nak ng puta (Joy, sorry), dapat sya ang magbayad sakin neto kasi ako ang nagbigay ng aliw. 

Nakakatuwa tong si Joy. Mahirap lang sila, madami silang magkakapatid, maliit lang yung bahay, hindi nakatapos ng pag-aaral. Naghihintay ka ng 'pero'? Walang pero. Yun si Joy. Mahirap, taga probinsya, umasang mai-aangat ang pamilya sa kahirapan kasi makakapagtrabaho sya sa siyudad na maraming opotunidad pero niloko lang sya nung nag sama sakanya, ginawa syang pokpok, parausan, puta, bayaran at kung anu-ano pang bansag sakanila ng lipunan. Kumikita lang ng 40 sa isang ladies drink na nagkakahalaga ng 173 pesos, 200 sa 1500 kapag naikama, at additional 100 kapag marunong lumunok. Kapag tinake out 600 ang kanya menos pamasahe pabalik, pangkain at pangyosi nya. Yun yung nakakatuwa dun. Plastik ka kung hindi ka natuwang nalaman yun. Alam naman nating nagiging masaya ang tao sa pagbagsak ng iba. Ibig sabihin kasi nun may mas mababa pa kesa sakanila na pwede nilang tapakan, pagtawanan o pagkumparahan ng kalagayan at masabing 'maswerte' sila kumpara dun sa taong yun.

Ako aamin ko naawa ako sakanya. Malamig ang panahon at wala syang saplot. Kung nagpuputukan ang abs ko katulad nung mga model sa TV eh baka binigay ko pa sakanya yung T-shirt ko, kaso hindi. Payat ako. Okay ng sya yung lamigin at hindi ako. At isa pa, ako naman ang nagbabayad. Naaawa ako sa kalagayan nya. Na hindi sya nakapag-aral dahil malayo ang eskwelahan sa lugar nila. Kailangan pa nyang maglakad ng tatlong kilometro, tumawid ng dalawang ilog, mag-antay dun sa malaking agila na magsasakay sakanila papunta sa kabilang bundok, maghintay ng ika-apat na eclipse at patayin ang serpenteng nagbabantay sa harap ng eskwelahan para lang makapasok at makapag-aral. Putang ina. (Joy sorry) Ganun kahirap. Kaya minabuti na lamang nyang tumulong sa bahay kesa mag-aral. Kung bakit ba naman kasi kinukurakot nung mga politiko sa lugar nila yung budget na dapat pang pagawa ng eskwelahan o kaya pampasemento ng kalsada. Tama. Kasalanan to ng politiko. Kasalanan ng gobyerno. Tama. Kapag wala tayong masisi, gobyerno na lang. Kung extreme ka, isisi sa Diyos. (oopppsss, wala palang ganun) [de joke lang] Kaya hindi ko masisisi yung tatay ni Joy kung bakit sumapi sya sa NPA at kung bakit sila tumira sa bundok. 

Ewan ko ba kung bakit ko iniisip tong problema ni Joy. Sa totoo lang wala naman talaga akong paki sakanya kahit pa sabi nung bugaw eh parang type ko daw sya. Porket ba madalas ko syang dalawin kahit wala pang sahod Type agad? Hindi ba pwedeng madami lang talaga akong extrang time? Ano naman kung malaki ako magbigay ng tip? Eh mapera ako eh. Wala na syang paki dun. Wala din dapat paki tong bugaw na to kung naglalasing ako ngayon kasi may katable syang construnction worker ngayon. 

Linggo, Enero 25, 2015

Kagabi dinilaan ng apoy yung mga sulat mong may 'mahal kita'

Miyerkules, Enero 21, 2015

Wala kang pake


Nasa zone ka ngayon. Akalain mong nakagawa ka ng dalawang entry ngayon sa inaamag mo ng espasyo.

Tuwang-tuwa ka masyado nung nagkita kayo ni Roxanne nung sabado. Nasa isip mo kasi nun na hindi kayo matutuloy. Busy person sya at galing ka naman sa trabaho nun. Isa pa, na cancel na yung nauna nyong planong magkita.

Matagal kayong hindi nagkita. Nung huli eh nung sa U.P. Nanghiram ka ng libro sakanya para sa thesis mo. May time pa nun na inindian mo sya (bad)

At natuloy nga kayo kahit wala naman kayong eksaktong pupuntahan. Napatambay kayo sa laruan ng chess at naglaro kayo. Tinalo mo sya pero alam mong mas magaling parin sya kesa sayo.

Pagkatapos nun ay kumain kayo sa Mcdo at nagkwentuhan kayo ng matagaaaaaal. Matagal ka na ding hindi nakakain sa Mcdo dahil yung dati mong girlfriend eh hindi kumakain dun. (anyway, tapos na yun masaya na sya sa buhay nya ng wala ka) Tuwang-tuwa kang nagkukwento sakanya. Tungkol sa nangyari sayo. Inalala nyo din yung love story nyong hindi natuloy. Ang tagal nyong nag-usap.

Ginabi na kayo, sa totoo lang ayaw mo pang umuwi nun kasi madami ka pang ikukwento sakanya. Gusto mong ikwento kung bakit mo sya dati iniwan, yung naramdaman mo nung binalikan mo sya at tinanggihan ka nya. Gusto mo rin syang tanungin ng tungkol sa buhay nya. Kung ano ba yung mga gusto at ayaw nya, kamusta sya, anong pinagkakaabalahan nya sa araw-araw, gusto mo sanang itanong kung okay lang ba magkita kayo ulit kaso nahiya ka. Nalaman mo kasing nalungkot sya nung iniwan mo sya dati tapos yung sumunod sayo eh iniwan din sya.

Ihahatid mo sana sya pauwi kaso may inuman ka pang pupuntahan at ayaw din nyang magpahatid. Kaya pinauna mo na lang siyang pasakayin bago ka umalis. Dumating ka sa inuman pero parang wala ka dun. Katext mo kasi sya. Ngayon mo na lang ulit nagamit yung cellphone mo pagkatapos ng break up nyo nung nakaraang girlfriend mo. Napansin yun ng mga kasama mo sa inuman. Natutuwa sila kasi nakangiti kang nagtetext pero ayaw nila ng ganun. Mas sanay silang ikaw yung bangka ng kwento na hindi mo magawa ngayon dahil nag-iisip ka ng magandang irereply para magtuloy-tuloy yung pagteteks nyong dalawa.

Wala kang paki sa ikot ng tagay kahit alam mong dinadaya ka na. Wala kang paki kung kanta mo na yung nakasalang sa videoke. Wala kang paki dun sa kwentuhan nila. Parang ngayon wala kang paki dun sa trainer nyong panay ang ingles.

Minsan maganda rin yung ganito. Yung wala kang pake. Wala kang pake kung sino yung kasama nung ex mo, wala kang paki sa sasabihin ng iba, ang mahalaga masaya ka na ulit. Kahit papano

Shift



Madaming nagbago sayo kaibigan. Bukod sa oras ng gising at tulog mo, nagbago din yung pagtingin mo sa buhay. Nung nakaraang taon para kang sinalanta ng bagyong Yolanda. Iniwan ka ng pinakamamahal mong kasintahan. Kasamang nawala yung mga kaibigan mong inaasahan mong tutulong sayo, pero nagkataong kaibigan nya din ang mga yun at sya ang pinili nila. Nawalan ka din ng trabaho nung taong yun. Nagkukulong ka na lang lagi sa kwarto. Bukas ang ilaw pero nananatiling madilim ang paligid. Sabog na sabog ka na sa lahat ng problema mo. Pinapagalitan ka pa ng tatay mo dahil nga wala ka ng trabaho. Sabi mo sakin di mo na kaya. Handa ka na kamong hindi magising kinabukasan. Buti na lang at hindi ka natuluyan. Sa tulong ng mga natira mong kaibigan pinilit mong hindi sundan ang liwanag. At nag tagumpay ka.

Natapos ang malupit na taon. Nagpaputok ka kasama ng pamilya at kaibigan mo. Naitaboy nun yung mga kamalasang umaaligid sayo. Naging maganda ang bungad ng taon para sayo. Nanalo ka sa isang writing contest kahit na hindi mo alam kung pano nangyari yun. Nanalo ka din ng chess tournament at may bonus pa. Nakita mo ulit dun yung dating kai-bigan  kaibigan mo na nakalimutan mo.

First year college ka pa lang nun. Siya naman ay third year highschool. Taon-taon mo syang kasama sa iba't ibang lugar dahil parehas nyong nirerepresenta ang inyong lugar para sa chess tournament. Nagsimula yun nung nasa elementarya pa kayo. Wala ka pang pagnanasa sa mga at sya naman ay hindi pa ganap na babae. Kung tutuusin nga parang mas lalaki pa sya sayo. Napansin mo lang sya nung pagraduate ka na ng highscool. Doon kayo unang beses na nagkausap. 'goodluck, galingan mo' sabi mo sakanya bago magsimula yung laro. Nagulat sya, parang hindi daw ikaw yung nagsasalita. Sobrang yabang kasi ng image mo dati at wala kang paki sa iba. Ang mahalaga lang sayo noon ay manalo ka. Pagkatapos nun, nagkamustahan kayo ng laro. Talo ka at panalo sya. Sa unang pagkakataong masaya ka kahit natalo ka. Naiyak ka ng konti kasi huling taon mo na yun pero okay lang kasi may bago ka namang kaibigan.

Araw-araw na kayong nagkakausap simula noon. Kwentuhan ng kung anu-ano, laro ng chess at jamming sa gitara. Nahulog ang loob nyo sa isa't isa pero hindi kayo nagkatuluyan. Bata pa kasi kayo noon. Nangako kayo sa isa't isa na magiging kayo kapag 18 na sya. Hindi nangyari yun kasi nung nagcollege ka basta mo na lang sya iniwan sa ere. Medyo malungkot pero ganun talaga. Napagkwentuhan nyo ang lahat ng yun nung nagkita kayo sa tournament.Medyo awkward pero masaya.

Nagkaron ka na rin trabaho ngayon. Inaayos mo ang problema ng iba. Pumapasok ka ng alas-onse ng gabi at bumabati sa mga katrabaho ng good morning. Kumakain ng alas tres ng madaling araw at tinatawag nyo yun na lunch. Baliktad na ang mundo mo. Parang si magda. Tulog sa umaga, gising sa gabi. Pwede mo na nga ring sabihin sa nanay mo na 'Papasok ka palang pauwi na ko' kapag gusto mo syang yabangan. Maliwanag na ulit yung ilaw doon sa kwarto mo.

Masaya ka na ulit. Nakakatingin ka na sa salamin at nasasabi mong gwapo ka. Dati kasi wala ka ng bilib sa sarili mo. Paulit-ulit mong sinasabi na walang gwapong iniiwan. Hindi ka parin buo pero mas masaya ka na kumpara nung nakaraang taon. Hindi ka na nalulungkot kapag bumabyahe pa edsa. Hindi ka na nagrereact kapag sumisigaw yung konduktor ng 'Sandigan, Sandigan meron ba?' Hindi ka na rin naiiyak sa kantang It will rain ni Bruno Mars. Nakakabanat ka na sa mga babae. May angas ka na ulit.

Masaya ako para sayo kaibigan. Kapag nakuha ko yung sahod ko pangako ililibre kita kahit saan mo gusto. Kung gusto mo isama mo pa si Roxanne. Hanggang dito na lang muna may pasok pa ko.

2:45 am
2nd floor, training room 4

Martes, Enero 13, 2015

Smoking Area

Okay let's switch activity. Sabi nung trainer namin. Eto lang yung tanging panahon na pwede na kaming tumayo, mag-inat, lumabas sa malamig na kwarto at makapagsalita ng tagalog. Ang saraaaaaap. Para kang nakakain ng adobo matapos ang paulit-ulit na pagkain ng tuyo. Iba-iba kami ng pinupuntahan, yung iba sa rest room, yung iba sa pantry, ako naman sa smoking area. Wala kasi akong magandang camera para mag selfie sa restroom at ayoko din namang makipagkwentuhan sa ingles sa pantry kaya lumalabas ako para magyosi sa smoking area. Pakiramdam ko nahihinog ako, tumatapang, kapag nandun ako. Pano ba naman lagi akong nauusukan. Solb na solb na kahit hindi ka na magyosi. Makukuha mo yung amoy, makukuha mo yung sakit, mamamatay ka ng maaga. 

Sa sobrang dami ng tao sa smoking area para na kaming nagka clubbing. Nagkakabanggaan ng likod, nagkakatitigan, minsan nga gusto kong bumanat sa mga nagyoyosing babae dun ng 'hi miss can i light your smoke?' yung mga ganun. Sobrang daming tao para na kaming mga illegal settler, pero kami may sariling pwesto siksikan lang talaga. Yung iba malakas magkwento, matalas tumitig, yung iba naman kapag madaming tao bulungan lang sila, ayaw nilang may nakikinig sa kwento nila, ang dadamot. 

Sumindi ako ng isang yosi pagkalabas ko, inipit sa pagitan ng hintuturo at hinlalaki sabay humithit. Ang saaraaaap. Mas masarap mag yosi sa smoking area, iba yung ambience. Hindi katulad kapag nasa kalye na pwede kang mapagkamalang adik o kaya ay mapagtripan ng grupo ng kalalakihan, nakakaalangan pa kung minsan na magtapon ng basyo ng sigarilyo sa kalye lalo kung malinis yung paligid. Sa smoking area hindi, pwede mong ilapag na lang sa sahig, pitikin sa may halamanan o kung mabuti kang tao eh itatapon mo sa basurahan. 

Sa smoking area ko nakita si Cheanne. Hindi ko sya binanatan ng 'Hi can i light your smoke?', narinig ko lang yung pangalan nya dun sa kasama nyang bading na ang lakas ng boses. Bago lang din daw sila sa pagkakarinig ko. Nagkukwentuhan sila tungkol sa training nila pero wala akong paki dun. Kay Cheanne lang ako may paki nung mga oras na yun. Pinapakialamanan ko yung bangs nyang sumasayaw dahil sa hangin, yung sexy nyang pagkakaupo, yung dress nyang maiksi, kada humihithit sya dun sa yosi nya pakiramdam ko nasasama yung kaluluwa ko. Hindi ako makahinga, tang ina ang hot nyang tignan. Ibubuga nya yung usok ng paunti-unti sa gilid ng labi nya. Ganun na ganun. May kasama pang ngiti sa labi.

'Mapapaso ka na oh' sabi sakin nung kasama ko. Hindi ko napansin na uupos na pala yung yosing sinindihan ko. Tumayo na silang magkakasama at naglakad sa direksyon ko. Ngumiti sya sakin nakita ko. Gusto kong magpakilala kaso hindi ako nakaimik, para akong yosing nawalan ng baga, walang nahithit kaya wala ring nabuga na kahit anong salita. Si Cheanne naman parang usok, kanina nanjan lang pero nawala din agad, hindi nag-iiwan ng marka pero malalaman mong anjan lang, sumasabay sa hangin, kumakapit sa damit, sa kamay, sa buhok, mahirap tanggalin. Oo, natapos ang kinse minutos na break pero hindi sya natanggal sa isip ko. Bukas babalik ako sa smoking area, magpapausok, magpapatapang. Baka sakaling bukas may lakas na ko ng loob na magpakilala.

Linggo, Enero 4, 2015

Reclusion Perpetua

Akalain mong may matutuwa pala sa kwento ni Jeric, Sophie at nung putang may bayag. Masaya. Nakakanginig. Nakakakilig. Parang yung panahong nasa byahe kaming dalawa. Titingin sya sa bintana habang nakatingin ako sakanya. Mahuhuli nya akong nakatingin. Guilty ako at ikukulong nya ako sa kanyang mga bisig. Doon kahit reclusion perpetua tatanggapin ko ng walang katakot takot. Walang alinlangan. Kaso mababa lang ang kaso ko nagnakaw lang ng tingin. Nagnakaw ng halik, nagnakaw ng sandali. Ni hindi man lang murder by love kaya saglit lang ang parusa. Isang taon at anim na buwang pagkakulong lang sa kanyang bisig tapos minsan kapag nag away kami ay nabibigyan pa ng parole.

Kung tutuusin ayoko namang lumaya. Hindi naman ako naaabuso na kagaya ng mga bihag ng mga armadong grupo, hindi rin naman ako sinasaktan gaya ng bihag ng Isis. Sa totoo lang gustong gusto kong mabilanggo sa pag-ibig nya. Mabihag ng kanyang tingin. Maparusahan ng malambing nyang boses. Tang ina torture ang pagsasabi nya ng 'mahal kita.' Pabulong lang pero ang lakas ng dating. Nakakabasag ng eardrum. Nakakapulpitate. Nakakakapos ng hininga sa tuwa. Nakakabaliw sa saya. Ang mabilanggo sa pag-ibig ang pinakamasayang parusa para sa katulad kong pangahas na nagmahal sakanya. Ang mamatay sa kilig ang pinakamasayang hatol. Kung lilitisin ako eh aaminin kong mahal ko sya at handa kong pagdusahan yun ng reclusion perpetua. Oo, uulitin ko reclusion perpetua. Masyadong mainstream ang forever at lifetime pati na rin yung till death. Mas makatotohan yun kesa sa 'till 70' ni Edsheeran. 

Kaso eto na ko malaya na. Hindi na sanay sa mundo sa labas. Malaya na pero nakahawak parin sa malamig na rehas. Nakakulong parin sa ala-ala ng kahapon. Ng pag-ibig na masaya. Madaming peklat sa katawan, tanda ng sugat ng nakaraan. Nakalaya pero hindi natuto. Eto parin ako, nagnanakaw ng tingin sa litrato nya, sinundan ang bawat kilos nya't galaw na parang stalker. Ginagahasa ang mga sulat nya sa akin, paulit-ulit na ginagahasa ang ala-ala at umaasang muli ay mahuli nya ko. At ikulong muli sa bisig nya. At sa pagkakataong yun, hindi na pakawalan. Ihatol ang pinakamabigat na parusa, ang mamatay sa piling nya.