Lunes, Pebrero 2, 2015

What to do?

Napaka lamig ng gabi ngayon para sayo. May kung anong gumugulo sa isipan mo pero hindi mo malaman kung ano yun. Siguro ay naiinggit ka sa mga batang naglalaro sa harap mo kasama ang kanilang pamilya. Kelan mo nga ba huling nakausap ang mga kasama mo sa bahay?

Madilim ang gabi. Kulay itim ang langit. Malabo ang mata mo, pero kitang kita mo ang kalungkutan. Naisip mo na sana parang usok  ng sigarilyo lang ang kalungkutan. Saglit na papasok sa katawan mo at mailalabas mo lang agad ng isang hingahan. Makikita mo saglit habang tinatangay ng hangin tapos mawawala din agad. Humithit ka pa ng dalawa bago mo itinapon ang yosing hindi mo pa nauubos. Naisip mo ulit na parang usok nga ng sigarilyo ang kalungkutan. Kahit hindi mo na nakikita ay nandun parin. Nakakapit sa suot mong damit, sa kamay at pati sa hininga mo. Pumapasok sa katawan, nanunuot at pwede mong ikamatay.

Nangalay ka na sa kakaupo kaya nagpasya kang maglakad-lakad. Hindi mo alam ang pangalan ng kalye at kakaunti lang ang ilaw sa daan. Hindi mo rin alam kung saan ka pupunta. Naisip mo ang buhay mo. Saan ka nga ba papunta?

Malaki ang sahod mo kumpara sa iba. May lisensya ka na ring hindi umuwi sa inyo pag ginagabi dahil pang gabi naman talaga ang pasok mo. Madami kang nakilalang tao at mga nalamang kwento. Kung tutuusin okay ka naman. Ang kaso malayo ang pagiging 'okay' sa pagiging masaya. Netong mga nakaraang araw pakiramdam mo ang lungkot lungkot mo. Okay ka sa trabaho, okay ka sa oras, okay ka sa mga kasama mo pero hindi ka masaya. Gusto mong tumigil na pero ayaw mo na ulit maging tambay ng matagal.

Tinitimbang mo ngayon ang mga bagay-bagay. Kung okay ka ng maging okay o kung gusto mong sumaya. Mas masaya ka kung gigising ka ng umaga katulad ng normal na tao. Babyahe sa kahabaan ng Edsa at maiipit sa trapik. Makikipagsiksikan sa mga tao sa bus. Pero okay lang din naman sayo na pumasok ka kung kelan pauwi na ang lahat, mag yosi ng madaling araw. Mas makapal ang usok kapag madaling araw. Sumagot ng problema ng iba gamit ang script na binigay sayo. Kung may eksaktong bigat lang yung mga tinitimbang mo ngayon malamang hindi ka na mahihirapan. Kaso wala.

Kaya inisa-isa mo na lang ang mga bagay na nasa isip mo ngayon. Nagsimula ka sa malaking sahod. Madami ka kamong magagawa sa malaking sahod. Makakabili ka ng chess clock, bagong cellphone, libro at makakapagtravel ka. Hindi mo rin problema ang pang-inom at pang gala. Makakapunta ka ng UP ng umaga. Doon makakapaglakad-lakad ka, muni-muni at maeenjoy mo yung katahimikan at yung ganda ng view gawa ng mga punong hindi mo sigurado ang pangalan. Madadalaw mo din si Roxanne ng walang kahirap-hirap. Hindi ka nya tatanungin kung anong ginagawa mo dun. Nag-isip ka pa ng dahilan kung bakit hindi ka aalis sa trabaho pero wala ka ng maisip. Sinabi mo na lang sa sarili mo na baka doon mo makita ang soul mate mo. Baka isa sya dun sa community sa smoking area o isa sa mga kainglesan mo kapag madaling araw.

Sa kabilang banda naisip mo din na makakabili ka ng chess clock, cellphone, libro at makakapag travel ka din kahit di kalakihan ang sweldo mo. Yun nga lang baka hindi ka na makapunta ng UP. Hindi mo na din makikita si Roxanne. Pero babalik yung buhay mo sa umaga. Magkakaroon ka na ulit ng oras para makipagkwentuhan sa mga kapatid mo at hindi ka na magagalit kapag maingay sila sa umaga.

Ang hirap pala ng ganito. Yung hindi mo alam kung ano ang gusto mo. Marami kang gustong gawin. Marami kang gustong mangyari. Pero lahat ay malilimitan lang sa dalawang posibilidad :

1. Makukuha mo ang gusto mo, magiging masaya ka o malalaman mong hindi naman pala talaga ito ang gusto mo, kaya uusad ka papunta sa iba pang mga plano mo.

2. Hindi mo makukuha ang gusto mo, at sa puntong ito'y mahinahon kang babangon, papagpagin ang sarili, nakangiting lalayo mula sa direksiyong unang pinuntahan. Lilingon saglit, ngingiti, kakaway at didiretso na sa mga susunod na destinasyon.

Sa dalawang posibilidad isa lang ang malinaw. Kelangang humakbang para umusad.

Mahaba pa ang gabi at mo na alam ang gagawin mo. Papasok ka ba o hindi? Pagod ka ng mag-isip. Pagod ka ng maglakad. Gusto mong makita si Roxanne kaso hindi nya sinasagot ang tawag mo kasi busy sya. Pano ka na ngayon nyan? Maiksi ang marlboro lights para sa mahabang magdamag. Konte ang half-pack para sa anim na oras mo pang pagtanga kung sakaling hindi ka papasok. Napakahaba naman ng gabi kung papasok ka at gagawa ka ng bagay na ayaw mo namang gawin. May kalayuan ang expo sa uuwian mo at kulang ang pera mo para sa beer. Bitin ang natitirang limang minutong naiwan sa Combo20 mo kung sakaling may gusto kang pagkwentuhan. Kung ako sayo uuwi na lang ako. Tatakas sa problema. Matutulog. Tapos bukas aasa, na sana sa pag-sikat ng araw may bagong umaga na sa buhay mo.



3 komento:

  1. Quarter life crisis? O love problem? Or none of the above? Hahaha...

    Masarap ang maraming sweldo. Marami kang magagawa. Minsan nakakalula nakakalimutan na kung ano talaga ang mahalaga. Nagiging restless to the point na tinatanong na ang sarili kung may halaga pa ba ang pagbangon sa bawat gabi.
    Kahit saang direksyon umusad, ang mahalaga lang ay kaya itong mapanindigan at harinawa'y sa daan matagpuan ang ligaya. Usad lang parekoy. Mas okay ang umusad kahit di sigurado ang daan kesa manatiling nakatengga. Hehehe.. #memasabilang

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. None of the above ata? haha di rin ako sigurado eh. Tama ka siguro dun sa nagiging restless lang ako to the point na tinatanong ko na ang sarili ko kung may halaga ba ang pagbangon ko sa bawat gabi xD

      Burahin
  2. Hindi mo 'ata nabasa yung memo na ang usok ay kalungkutan nga. Unti-unting nakamamatay. Unti-unting nakakakapagpalabo ng madilim nang gabi, at ng mga pagdedesisyong ginagawa tuwing magu-umaga.

    Subukan mong maglakad-lakad, bruh. Minsan, kailangan lang talaga ng tao ng kaunting malinis na hangin upang maihinga ang damdamin. Kaya di nawawalan ng hangin --- para ito sa mga katulad nating masyadong nang puno ng usok ang baga, utak at puso.

    Muli, let's all be miserable together.

    TumugonBurahin