Linggo, Nobyembre 16, 2014

Isang gabi sa burol

Ayoko ng may namamatay akong kakilala o kamag-anak ng kakilala ko. Ayoko din ng burol. Hindi ko alam kung bakit. Ayoko ding sumilip sa kabaong at tignan ang itsura ng nakahiga doon. Pero kahit na ayoko hindi naman yun makakapigil sa ganung pangyayari. Dahil katulad ng kapanganakan, ang kamatayan ay natural lang. Kaya eto kami papunta ngayon sa isang burol. Namatay ang nanay ng kaibigan ko. Kahapon lang ay malakas pa daw iyon, kaya nagulat sila sa biglaang pagkamatay.

Ako din nagulat, bukod sa ansaya-saya pa naming nag-uusap nung nakaraang gabi, eh yung burol daw eh gagawin sa Sandigan. Malapit sa bahay nung dati kong kasintahan. Mapaglaro talaga ang tadhana. Nangako ako sa sarili ko na hinding hindi na ko bababa doon kahit anong mangyari, pero nasira ko agad ang pangakong yun. Gaya ng pangako ko sakanya dati na hindi ako susuko kahit anong mangyari.

Tumuloy parin ako. Sanay na rin kasi akong sumira ng mga pangako. Nagkita-kita kami ng mga kaibigan ko sa may barbershop sa sakayan ng tricycle. Tuwang-tuwa kami kasi halos tatlong taon o apat na yata na hindi kami nagkita-kita. At sa wakas nagkita na rin, kaso sa malungkot na lugar. Sa burol. 

Eto ang ayoko sa burol. Yung magkikita-kita lahat ng kamag-anak na bihira lang magkita, o kaya yung mga magkakaklase na nabubuo lang kapag may ganitong pangyayari. Kailangan pa ba talagang may mamatay muna bago makaalalang dumalaw o magsama sama?

Matapos ang mahabang byahe sa tricylce, nakarating na din kami sa wakas. Naligaw pa kami, pano ang sinabi lang eh yung street, hindi na sinabi kung ano yung block o lot ng bahay. Akala ko nga paglalamayan na din kami, pano napakaraming gangster na naglipana! Medyo madilim pa yung lugar, buti na lang at mababait yung mga gangster na yun. Hindi parin talaga pwedeng husgahan ang tao base sa itsura at lugar kung saan sila nakatira.

Sa mismong burol makikita mo yung iba't ibang ginagawa ng mga tao. May malungkot, may nagsasaya. Merong nakiki balita lang. Maraming dahilan kung bakit pumupunta sa isang burol. Yung isa kong kasama kakarating pa lang nagpusoy na. Yung iba pumasok at nagpahayag ng pakikiramay. Ako naman sumama sa umpukan ng naglalaro ng kara-krus. Iba-iba ang gustong gawin at dahilan namin pero parehas ng pinuntahan.
Pero bakit tayo, parehas tayo ng gusto at dahilan pero bakit sa magkaibang lugar tayo napadpad? Bakit ikaw lang ang masaya at ako lang ang malungkot? 

Ah ewan. Nasa tao daw yun kung ano ang gagawin nya. Wala sa lugar, wala sa pangyayari. Pinili kong maging malungkot para mapasaya ka at pinili mong maging masaya sa kabila ng kalungkutan ko. Sabi mo kasi, ayaw mo na dahil hindi ka na masaya sakin, sa atin. May magagawa ba ko dun? Wala. Katulad ng pangako ko sayo dati, wala akong magagawa kundi bitawan yun.

Sa umpukan ng naglalaro ng kara-krus nakilala ko si Tata Berto. Isang adik. Napansin ko sya matapos nyang sabihin yung linyang nagpasaya ng gabi ko. "Bobo neto, grade 4 lang tinapos mo mas marunong ka pa saken? At ikaw naman, pagrounded grounded ka pa, kuryentician ka ba?"
nung una hindi ko pa naintindihan yung kuryentician, saka lang nag sink in sakin na yung 'grounded, kuryente' tapos nakuha ko yung ibig nyang sabihin. Electrician.

Tuwang-tuwa ako kay Tata Berto. Hindi ako nakatiis eh kinausap ko sya. Nagsimula yung pag-uusap namin sa pag-aalok ng yosi. Natutunan ko yun sa Espana. Sa pagkukwentuhan namin, nalaman ko na grade 6 ang tinapos nya, at sa edad na kinse eh nagkarpintero na sya. Sumide line din sya bilang kundoktor ng bus at doon nga sya natutong magpagulong ng bato. Nung panahong nag-uusap kami alam ko din na nakabatak sya nun. Panay ang galaw nya, nguya ng nguya at hindi mapakali ang daliri. Hiningan nya pa ko ng isa pang yosi tapos sumibat na sya dahil maglalaro pa sya.

Ganun ganun lang. Iniwan nya ko matapos nyang makuha ang gusto nya. Shet. May mga ganong tao talaga sa mundo na minsan eh naiisip ko sana sila na lang yung nakaburol jan o sa kung saan mang burol.

Buong magdamag kaming gising ng mga kaibigan ko. Masayang nagkukwentuhan. Kahit yung namatayan naming kaibigan, makikita mo sakanya yung bakas ng kaunting saya. Saya dahil nabuo ulit kami at alam nyang may kahati sya sa kanilang kalungkutan. 

Matagal ko ng hindi nakikita yung iba kong kaibigan at kamag-anak. Naisip ko tuloy pasiyahin sila kahit isang gabi lang.

2 komento:

  1. Pati si manong adik pinaghugutan mo pa?! LOL.
    Oh well, this is really sad. Nangyari na din sakin to last year, magkausap pa lang kami sa fb and planning to meet up and then, nabalitaan ko na lang, wala na sya. :( Hindi tulad nang sainyo, iilang lang kaming makakaklaseng nagkita-kita doon.
    Mej di ko bet yung hidden meaning nung last sentence.. Tsk tsk. Wag ganun!
    Life sucks, love hurts, shit happens, but life is beautiful after all.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. haha wala lang po yung last statement jan :P

      natutuwa talaga ako pag napapadpad ka dito xD laging nag iiwan ng komento. salamat :D

      Burahin