Linggo, Disyembre 20, 2015

Huwebes, Disyembre 10, 2015

Kargada ni koya

Sabi ni Jun Cruz Reyes, mas malakas daw tumawa ang mayaman kumpara sa mahirap. Sa kadahilanang mas confident daw ang mga ito kumpara sa mga mahihirap na walang kimi. Naisip ko to kanina habang nakasakay ako ng pampublikong bus. Meron akong nakatabi na sobra sobrang bumukaka. Palagay ko'y laking laki sya sa kanyang kargada, na kung hindi sya bubukaka ay maiipit ito at baka sakaling ikabaog nya. Dahil dun, hindi ako nagpatalo. ang ginawa ko'y bumukaka din ako. Naintindihan nya ang gusto kong sabihin sakanya. Na hindi lang kargada nya ang malaki, malaki din yung akin.
So ngayon nagkaroon kami ng isang stand off. Ito yung nagpapakitaan kayo ng lakas pero ayaw nyong magsakitan. Nagtutulakan lang kami ng tuhod. Ang unang tuhod na tumiklop ibig sabihin ay maliit ang kargada nya. Palaban tong si kuya. At masasabi kong sanay sya sa mga ganitong laban. Ang ending, Nagtagpo lang ang aming mga tuhod sa gitnang hati ng upuan. Walang nanalo. Hindi napag desisyunan kung kaninong kargada ang mas malaki. Pero dahil sya ang aggresor (yung unang nagtangkang mang ipit para maipakita na malaki ang kargada nya) hindi sya pumayag na tabla ang resulta.
Kinuwentuhan nya ako ngayon tungkol sa kanyang kargada. Parte parin ito ng stand off, katulad ng mga high school student na kapag walang titser eh nagbibilog bilog at nagpapakitaan ng kargada, kapag naman college at medyo may edad na, sa kwentuhan na ito dinadaan.
Eto ang sabi nya:
koya: Toy, lam mo ba, yung huling chicks na nakakita neto eh umayaw.
Ako: Oh, bakit daw?
koya: Ang laki daw kasi masyado, sa kabayo ko na lang ipasok.
(Para sa mga nagpapavirgin at hindi pa nakapanood ng animal x human porn, kapag inihalintulad sa kabayo ang kargada mo eh ibig sabihin malaking malaki talaga yun.)
Matapos nyang sabihin yun wala akong nasabi. Hindi naman kasi talaga ako palasalita. Hindi ako yung makwento pagdating sa mga ganyan. Kaya ang ginawa ko, tumayo ako, tinanggal ko yung sinturon ko tapos hinubad ko yung pantalon ko. Malinaw 3 inches. 3 inches nalang sasayad na sa sahig ng bus.
Nung nakita ko syang natameme, sinuot ko na ulit ang pantalon ko tapos umupo. Wala na syang imik. Nilabas ko ang iphone6s ko at nag soundtrip.
Mamaya konti nung nagbabaan na karamihan ng pasahero, kinalabit nya ko. Nagulat ako pagtingin ko sakanya nakalabas yung kargada nya. Balisong. Tang ina.

Lunes, Nobyembre 16, 2015

Anong oras kita kakalimutan?

Lagi akong ganito. Pinagpaliban ang isang bagay kahit gaano pa kaimportante.
Tuwing umaga nag-aalarm ako ng 6:49, oo 6:49, dahil late na ko kapag 6:50 ako nagising. ang kaso’y pagtumunog eh papatayin ko lang at matutulog ulit ako. Pagkagising ko alas otso na, tatamarin na kong pumasok.
Pagdating naman sa opisina’y alanganing umaga at tanghali na. Maaga para sa lunch break at late naman kung sa oras ng pagpasok. Para hindi ako malito ay humihingi ako ng tulong sa kaibigan kong pall mall, kapag nakatatlo na ko at sunog na ang aking labi at baga, sasabihin kong mamaya na lang ako papasok mga ala-una.
Pag-uwian naman hindi ako makaalis agad, dahil nga para akong boss kung pumasok (laging late) nakakahiya namang ako pa ang unang aalis, kaya’t ang mangyayari ay mag-oovertime ako sa opisina, magkakayayaan ng pusoy o inuman.
Nagseset ako lagi ng oras. Hindi ko lang nasusunod. Kapag sinabi kong hanggang alas otso lang ako ng gabi iinom o magpupusoy, wag mo kong paniwalaan, nung huli kong beses na sinabi yun dun na ko nakatulog sa opisina.
Magigising akong hindi pa sikat ang araw sa umaga. Mga alas tres, patay ang Diyos, kaya lalapitan nanaman ako ng multo ng nakaraan. Makikita kong muli sa isip yung itsura nya, mahabang buhok, maputing kutis, walang dugo sa mukha, walang dugo sa mukha. Bubuksan ko ang facebook ko, titingin sa luma naming litrato. 10 seconds lang, tang ina popoy lang ang peg.
Swipe, swipe, swipe, makikita ko ang itsura kong nakangiti kasama sya. Swipe pa, Marso ng taong 2014 okay pa kami. Alas tres beinte na.
Swipe, swipe, swipe, Pasko ng 2013, nag comment sya sa picture ko na nakatag sya, “Masaya ako’t nakilala kita. I love you baby ko” Tingin sa orasan 3:42 na.
Sasabihin ko sa sarili ko na hanggang alas kwatro lang kitang titignan. Pero alam kong hindi ko magagawa yun. Katulad ng sinabi ko nung iwanan mo ko, hindi na kita hahabulin kapag pumatak na ang unang ulan ng Mayo, inextend ko, sa pasukan ng mga estudyante hindi na kita mamahalin, inextend ko, hanggang na extend ng naextend.
Swipe, Swipe, Swipe, mamaya mata na ko na yung sina-swipe ko. Papatak nanaman ang luha, nagdudugo nanaman ang mga sugat ng nakaraan. Tumitalaok na ang manok saka pa lang ako matutulog. Bubulong sa sarili, bukas babangon ako ng 6:49, kakalimutan na kita.
ayyyy. next time na lang pala.

Miyerkules, Nobyembre 4, 2015

Nung High School ako

Maghihintay lang ako kapag cleaners yung tropa ko.
Aasa lang ako tuwing may bagyo, na sana walang pasok kinabukasan.
Mapupuyat lang ako sa kakaisip ng tungkol sa mga assignments hindi sa kung anu-anong bagay
Iiyak lang ako kapag napagalitan ng magulang.
Ang iniisip ko lang sa pag uwi eh kung anong idadahilan ko sa nanay ko, hindi ko iniisip kung nakauwi ka na ba.
Kapag bagsak lang ako sa subject ko ako nalulungkot, hindi kagaya ngayon, di mo lang ako mateks sira na araw ko.
Noon madali lang sumaya, manalo lang sa dota okay na. Ngayon kahit sahod na, baliwala kung hindi kita nakita.

Biyernes, Oktubre 30, 2015

10/24/2015

Masyadong malungkot ang oktubre ko kaya inisip na lang kita.
Ikaw at ang yong kulot na buhok.
Ikaw at ang yong manipis na kilay.
Ikaw at ang yong may brace na ngipin.
Ikaw at ang yong payat na hita.
Inisip kita habang nagbabasa ako ng mga sinulat ni Essa, ang sabi nya’y hindi nauubos ang kalungkutan, nasa upos ito ng sigarilyo, sa mga bote ng alak na walang laman, nasa hangin, kahit saan nandun ang kalungkutan.
Inisip kita habang pinapakinggan ko ang bago kong paboritong kanta, eroplanong papel.
Inisip kita habang nakatulala ako sa bintana ng Kellen sa kahabaan ng Commonwealth.
Iniisip kita habang nasa trabaho ako kapag hindi ko kinukupal yung boss ko. Kamusta ka kaya? Masaya ka ba ngayong oktobre? Naalala mo kayang tatlong taon na sana tayo?
Inisip ko na lang na masaya ka ngayon, dahil lagi mo ngang sinasabi, walang dahilan para maging malungkot ka.
Inisip ko yung noon, yung ngayon, inisip kita, tang inang oktobre to. Malungkot talaga.

Sabado, Oktubre 24, 2015

Naisip kong sa huling sandali ng iyong buhay ay nakangiti ka.
Tineks mo sila at nung hindi sila nagreply ay tinapon mo ang yung cellphone sa lapag kasabay ng buntong hininga. Pagkatapos nun ay ngumiti ka ng mapait.
Sa sandali ng yong pag iisa ay nakita mo ang kamatayan. Niyakap mo sya't nagpasalamat dahil hindi ka nya pinabayaang mag isa.
Isinuot mo ang tali sa iyong leeg, tumingin muli sa cellphone, wala paring tugon, nag wika ng dasal pagkatapos nun ay nilamin ng dilim ang buong pateros.

10/23/14

Tinangka mong burahin lahat ng yong bakas. Lumabas ka ng bahay para magbayad ng utang.
Pag uwi mo sa inyong bahay nakita mo ang mahal mong ina na naglalaba. Tinulungan mo sya hanggang sa pagsasampay. 'Nakatulong na ko sa kapwa, okay na po siguro to di ba?' Sabi mo sa hindi nakikitang kausap.
Pumasok ka ng bahay. Nagpalit ng password. Nagbura ng history sa google. Nagpunta ka sa kwarto at nagpatugtog ng malakas. Sigurado kang nabura mo lahat ng yong bakas.
Pero nagkamali ka. Ikalawang taon na pero tanging kandila parin ang nagbibigay ng liwanag sa isang bahay sa pateros.

Huwebes, Oktubre 8, 2015

10/05/15

Hindi ko alam kung bakit kita kasama dito. Sigurado akong iniwan ko na ang lahat ng hibla ng alaala mo nung huling naglasing ako sa Expo.
Tahimik akong nakaupo nang mapinsin mo ako. Lumapit ka at nagtanong ng ‘kamusta?’ gulat ako at walang maisagot.
Umupo ka sa tabi ko at nagkuwento. Hindi ko maalala kung ano. Masyado akong gulat, nag iislow-mo ang lahat, nakatingin lang ako sayo habang nagsasalita ka. Paminsan-minsa’y naghahawi ng buhok mong hinahangin. Gustong-gusto ko talagang tinitignan kung pano mo yun iniipit sa likod ng iyong tenga, may kaunting hibla ng buhok na kakawala na syang lalong nagpapaganda sayo.
Nagsindi ka ng yosi at nagtuloy sa pagkukwento. Tulala parin ako sayo. Hindi ko namalayang tapos ka na pala sa mga sinasabi mo.
‘Sasama ka ba?’ Tanong mo sa akin. Hindi ako nakasagot. Tumayo ka, naglakad papunta sa gilid ng buruwisan falls. Tumayo ako at sumunod sayo.
‘Saan tayo pupunta?’
‘Magtiwala ka lang’ sabay hawak sa kamay ko, nang makutuban mong hindi ako sasama sinabi mo..
‘Huwag kang matakot’
Bumitiw ka sakin at nagpakatihulog, sumunod ako. Ngumiti ka.
Nagpakatihulog tayong dalawa.
Nahulog ako sakanya, nahulog ka sa iba.
Nagising akong nakangiti. Ito na ang aking paglaya

Lunes, Oktubre 5, 2015

Para sayo, eto ka ../..

Ilang beses ko bang uulit-ulitin sayo? History Major ako.

Wala akong pakialam sa pagkumplikado mo ng mga bagay-bagay -- sa pagluluto ng adobo, pag gawa ng pastillas, paglalakad, pagkahulog ng kung anu-anong mga bagay.

Kaya nga hindi physics ang kinuha kong kurso eh, kasi ayoko ng mga ganyang komplikadong bagay.

Simple lang para sa akin ang mundo, ayaw kong tignan pa ito sa mas mahirap na paraan. Kaya siguro ayaw ko din sayo.

Huwebes, Setyembre 24, 2015

Paglasing dun ka lang malambing

Lumiwanag ang madilim na gabi pagkabukas ng San mig Lights. Mga ilang bote lang ay nawala na ang lamig na bumabalot sa paligid, ilang at awkwardness. 

Pagkatapos ng unang bucket ay nakasandal ka na sa balikat ko habang nilalaro-laro ko ang buhok mo.

Natapos ang inuman. Magkahawak ang ating kamay papuntang sakayan. Hinatid kita sa inyo. Kinabukasan nung nagkasalubong tayo inisnab mo ulit ako. 

Lunes, Setyembre 14, 2015

091115

Ang tutoo'y wala akong paki kung tama o mali ang ginagawa ko.

Magkasama kami maghapon. Magkateks kami magdamag. Kung mapapadpad kami sa lugar na walang nakakakilala saming dalawa'y naghahawakan kami ng kamay. Kung may pagkakataon ay nagnanakaw din kami ng halik, sa pisngi, sa labi, sa noo, kahit saan basta may pagkakataon.

Sinasabi naman nya saking wala kaming patutunguhan kasi may boyfriend sya. Wala akong paki dun. Ni hindi ko naisip na umiwas. Basta masaya ako, at masaya sya.

Hanggang sa isang araw sinabi nyang mahal na nya ako. Naisip kong kailangan na naming itigil to. Hindi dahil hindi ko sya mahal, yung huli kasing nagsabi sakin ng 'mahal kita', iniwan akong mag isa. Damn.

Lunes, Agosto 24, 2015

Walang pinagbago

May starmall na sa labasan. May tinatayo na ring SM sa may tungko.

Trapik na sa may Pleasant. Wala na yung quadrangle dun sa dati naming school, napalitan na ng covered court.


May mga bagong tambay na rin sa may duhat, karamihan dun hindi ko kilala. 

Kanina nakita ko si Tomas, yung bunsong kapatid ng kababata ko, mas matangkad na sya sakin. 

Wala na yung mga TBS, SF, TST, napalitan na ng magkakaclan sa COC.

Madami ng nagbago sa lugar at sa mga tao dito samin. Ako na lang ata ang walang pinagbago.

Mukha parin akong bata, maliit, at eto.. 

Hanggang ngayon, mahal ka parin.

Lunes, Agosto 17, 2015

Tara sa batibot

Hindi ko matandaan kung saan ko narinig tong banat na to, pero sobrang natawa ako dito kaya tinesting ko sayo baka sakaling kiligin ka.

Ako: Dapat dun tayo sa batibot eh.

Sya: Bakit?

Ako: Kasi dun sa batibot "tayo na, tayo na"

Tumawa ka lang, tapos hinawakan mo yung kamay ko.

Kinilig ako

Miyerkules, Agosto 12, 2015

Palaging ganito.

Laging ganito. Naaalala kita.

Tuwing ako'y umiinom, tuwing nagbabasa, o kaya'y nasa trabaho.

Lagi kitang nakikita sa mga lugar na ating napuntahan.

Sa Farmers, Cubao Ex, at sa Circle.

Tang ina. Namimiss kita.

Lagi akong ganito. Minsan natatawa na lang ako sa sarili ko.

Paulit-ulit kitang naiisip, paulit-ulit kong binubulong ang pangalan mo, kahit na..

hindi na kita mahal.

Martes, Hulyo 28, 2015

Sabi ng isa kong kaibigan:

"Walang bagay ang makakaligtas sa pagkalimot. Sa bandang huli, walang matitira sa atin. Kahit ang iyong mga ala-ala na minsang iniingatan"

Huwebes, Hulyo 23, 2015

Ilang bagay na nalaman ko pagkauwi ko galing Malolos

Hindi ko inaasahang babalikan ko muli tong munti kong espasyo. Shet. Akala ko'y tapos na ko sa paglayo't pagtakas pero hindi pa pala.

Malamig kagabi. Ang lakas maka-emo ng panahon. Wala namang pang inom at pambili ng yosi dahil sa baba ng sahod. Sa mga ganitong pagkakataon pagsusulat ang takbuhan ko.

Nung nakaraang araw ay galing ako ng  malolos para sa isang event. Pumunta ako dun para magcoach ng mga bata at mag-enjoy pero hindi ganun ang nangyari. Binastos ako ng guwardiya at ibang mga magulang. Tang ina. Ngayon lang ako nakaranas ng ganito.

Sa mga pangyayaring yun naalala kita. Naalala ko kung pano ko binigay ang lahat sayo at sa bandang huli eh ako tong naging masama sa paningin ng iba. Tang ina talaga. Galit na galit ako. Pero katulad ng dati'y wala akong ginawa kundi iinom ang problema't mag-iiyak pagkatapos ay matulog. Umasang pagkaihi ko bukas ng umaga wala na lahat ng nararamdaman.

Pero wala. Ikalawang araw ko ng nagkikimkim ng sama ng loob dahil sa karanasan ko sa Malolos. Doon ko nalaman ang mga ilang bagay na alam na ng iba pero ngayon ko lang nalaman.

1. Masarap din pala ang Mighty na green.
2. Kahit anong bait mo gagaguhin ka parin ng ibang tao at sa huli ikaw ang magmumukhang masama. Tang ina talaga.

Linggo, Hulyo 12, 2015

I'm officially missing you

Sobrang tahimik sa opisina simula nung umalis ka. Naririnig ko yung kalungkutan. Kung bakit kasi kailangan mo pang magpaalam..

Miyerkules, Hulyo 8, 2015

Break-fast


Isang mainit na kape kasabay ng pag-iisip sakanya at sa desisyon nyang itigil na ang lahat : perpektong agahan lalo't ngayon ay umuulan. (may kasama pang background music ng Front Porch Step)

Martes, Hulyo 7, 2015

Despidida


At sayong pag-alis. Muling pumasok sa aking isip na lahat ng babae ay nang-iiwan. De joke lang.

Iniisip ko kung susulat ako ng tungkol sayo dito sa munti kong mundo, at naisip kong bakit hindi? Eh isa ka sa mga dahilan kung bakit pumapasok ako sa trabaho bukod dun sa kakarampot kong sahod na takot akong mabawasan kapag umaabsent ako.

Ikaw ang gumigising sa akin kapag malapit na kong makatulog dahil sa nakakabagot na meeting.
Ikaw ang nagliligtas sakin sa kapag natatambakan na ko ng trabaho.
Ikaw ang nagbibigay ng lighter sakin kapag nawawala ko o kinukuha ng boss ko yung sa akin.
Ikaw ang naghahatid sakin sa sakayan tuwing nalalasing ako sa inuman.
Ikaw ang nagpapangiti at nagbibigay ng lakas ng loob sa akin kapag gusto ko ng umayaw sa trabaho.

Sa lahat ng yun, salamat. Siguradong hindi kita makakalimutan.

Idaan sa banat ang pagkadismaya.

Kanina nagkita ulit tayo. Nagkamustahan, kwentuhan, tawanan. Pero katulad ng dati, wala nanaman tayong picture. Haayss.

 Yung totoo, takot ka bang madevelop sakin?


Linggo, Hulyo 5, 2015

HAPPY ANNIV :D

Isang taon na pala ang lumipas hindi ko napansin.

Nakilala kita nung panahong sobrang lungkot ko. Ikaw ang nakakausap at nakakasama ko sa tuwing iniiwasan kong kausapin sya. Kapag gusto kong maglibang o kaya naman ay maglabas ng sama ng loob, sayo ako unang lumalapit. Mapa-umaga, tanghali, hapon, o gabi. Wala akong pinipiling oras. Alam ko kasing lagi kang anjan tuwing kailangan kita.

Ikaw ang kasama ko sa mga panahong akala ko eh okay na ako at nakalimutan ko na sya. Ikaw ang kasama ko nung nalaman kong mahal ko parin pala sya. Pero hindi mo parin ako iniwan.

Dahil sayo madami akong nakilala, may bagong natutunan, bagong naging kaibigan. Dahil sayo natuto ulit akong ngumiti, nalaman kong may iba pang mas mahirap ang kalagayan kesa sakin. Dahil sayo nalaman kong kaya ko palang umibig muli.

Pasensya ka na kung nung mga nakaraang buwan ay hindi na kita ganong naaasikaso. Naging busy ako dala ng trabaho at konting pagmumukmok. Hayaan mo, sisikapin kong makapigbigay ng mas mahabang oras sayo. Pangako.

Maligayang isang taon sating dalawa mahal kong blog :)

Huwebes, Hunyo 25, 2015

Uhmmm.. may itatanong sana ako sayo...

At sa wakas, naitanong na nya ang matagal na nyang gustong itanong sa akin..

'kuya bading ka ba?'

Taena lang talaga, kaninang umaga poging-pogi ako sa suot kong bagong polo. Tapos ngayon mapagkakamalan lang pala akong bading. Shet.

Biyernes, Hunyo 19, 2015

Laptrip

Mabilis ang pagseserve ng pagkain kanina sa Giligans. Nasa kalagitnaan kami ng masayang kwentuhan ng kaibigan ko. Mga sampung minuto pa siguro nagtagal yung kwentuhan namin bago kami unang sumubo ng kanin.

'Pre, babae tong kanin' sabi nya.

ha?

'Saglit lang nating hindi pinansin nanlamig na agad eh.



Martes, Hunyo 16, 2015

Recollection

Naalala ko nung minsang tayong magkateks.


10:52

'Ang weird.' Haha. Sumakay ako sa Sta. Cruz pero sa Kaypian kami dumaan, may daan ba dito?

10:57

Ay ang galing, Meron palang daan dito. Sa San Jose kami lumabas, umiwas lang siguro sa trapik tong bus na to.

10:58

Ako: Minsan talaga kailangang umiwas para mapadali ang lahat.

Lunes, Hunyo 15, 2015

Hindi ako sanay sa ganito

Yung umaamin. Hanggat kayang itago, itatago ko. Katulad dati, kapag nag-iinom ako sinasabi ko lang may ginagawa ako, nagpapractice ng chess o kaya naglalaba, kung weekdays naman eh sinasabi ko nag-reresearch ako o gumagawa ng thesis.

Aamin lang ako kung nahuli na ko. Kung halimbawang may makapagkwento na nag-inom nga ako o kaya ay kapag nakita na yung inupload na picture ng tropa ko tapos nakatag ako. 

Pero kanina, wala namang nagtatanong, wala namang nakapagsabi pero umamin na ko. Hindi naman ako lasing, hindi rin ako sabog. Ewan ko kung anong natira ko pero umamin ako sayo. 

Hindi ko masabi ng deretso sayo kaya sinend ko na lang yung link ng mga sinusulat ko na tungkol sayo. Natatakot nga ko eh. Baka madaming magbago. Baka umiwas ka na, lumayo, yung mga ganung drama?

Pero mas natakot akong hindi sabihin sayo. Baka bukas makalawa kayo na nung nanliligaw sayo, baka pagsisihan kong hindi ko sinabi yung nararamdaman ko sayo. 

Ewan ko bahala na. 

Linggo, Hunyo 14, 2015

1 hour ago

Tipikal na linggo ng buhay ko simula nung iniwan mo ko. Bumabangon ako ng alas sais ng umaga para magwalis ng bakuran namin. Pagkatapos nun matutulog ulit ako para makaiwas sa simba. Hihiga ako sa kama, magba-browse, mag-chachat ng kung sino tapos kapag nabagot na ko sasabihin ko na magsisimba ako para makaiwas sa kwentuhan.

Alas Nuebe. Nagbabasa ako ng Will Grayson pampaantok. Sa pahina 80-85, nagkita si Will Grayson at kapangalan nyang si Will Grayson sa isang pornshop. Hindi yun sinasdja, coincidence? Sabi ng isa. Maybe. Tang inang Chamba naman na magkita sila doon, hindi sila magkakilala at magkapangalan pa? Sa tindahan pa ng mga porn? Destiny? Maybe.

Alas Onse na ata ako natapos magbasa. Sinubukan kong matulog. Pero nabigo ako, masyadong malakas ang videoke sa kabilang bahay at masyadong masarap ang handa nila. (may birthday ata? Hindi ko talaga alam.) Nakikain ako, nakikanta, uminom ng tatlong San Mig Lights para antukin. At sakto inantok nga ako kaya kahit anong lakas ng videoke nila eh nakatulog ako.

Bandang hapon na alimpungatan ako. Kinuha ko yung tablet ko tapos nagbasa ng mababasa sa facebook. Pumunta ako sa utut catalog. Nag share ng post. Ni like ng isa kong kaklase. At tinuloy ang nabiting pagtulog. Nagising ako, halos ngayon lang. May bagong mensahe sa facebook. Tawa ng tawa yung kaklase kong nagsend neto.



Nakita daw nya sa wall mo at parehas pang 1 hour ago. Fresh.
'Stalkeeeer!!! HAHAHA' Sabi nya sakin. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Dahil sa totoo lang nagulat ako. Pumunta ako sakanila, dating gawi, titignan ko ang profile mo gamit ang profile ng friends natin. Natawa ako. Hindi ko rin alam kung bakit. Nasabi ko bang nabasa ko din nung nakaraang araw yung 'hindi tayo si popoy at basha?' 

Pero di nga? Yung totoo? Naalala mo ko nung nabasa mo yun noh? De joke lang. Kasi nung nabasa ko yun ikaw lang talaga ang naalala ko. Parang ganun na lang kasi yung satin di ba? Love lang, walang story. Tapos na kasi yung satin.

Nakauwi na ko ngayon. Papahinga dapat ako sa alak, pero heto ako ngayon, may San Mig sa tabi at nag-iisip. Coincidence? Maybe. Sinong may alam?

Lunes, Hunyo 8, 2015

Kung bakit ayokong mang istalk ng 2am

Sa tuwing tinitignan ko yung profile mo, bumabalik yung nakaraan. Yung mga sugat ng kahapon parang andito ulit. Habang nag iiscroll down ako sa wall mo pakiramdam ko nagkukutkot ako ng sugat na pahilom na. Makati. Mahirap iwasang hindi kamutin. Tapos magsusugat ulit. Dudugo ng dudugo. Makakaramdam ulit ako ng sakit at hindi ng kawalan ng paki. Maalala ko ulit kung paano ko nakuha ang sugat na ito at sasabihin sa sarili na hindi na uulit.

Pagkatapos masaktan sa ginawa sa sarili ay lilinisan ang sugat at gagamutin. Tatawag ng kaibigan, kakilala o magsosolo. Bibili ng isang mutcho, sisindi ng yosi, tatanga, magmumuni-muni. Kapag walang nakakakita, iiyak.

At para hindi maimpeksyon ang sariwang sugat, itatago ito gamit ang band aid o kaya ay malinis na gasa. Magkukulong sa kwarto, magdedeactivate ng facebook, twitter at instagram hanggang sa matuyo muli ang sugat.

Pagpahilom na muli ang sugat, titingin ulit ako sa wall mo, tapos mangangati ulit, kakamutin, magsusugat, gagamutin, tatakpan. Paulit-ulit. Hanggang sa mabulok, maimpeksyon, magnana. Lumala ng lumala. Hanggang sa kainin ng nana yung parteng may sugat. Tapos puputulin na lang. Masakit. Pero makakasanayan din.

Alam kong hindi na tutubo yung naputol na parte. Madaming magbabago. Madaming mga bagay na kahit gustuhin ko eh hindi ko na magagawa. Pero alam kong para sakin din yun. Mahirap sa simula, pero darating ang panahon na may tutulong ulit sakin para magawa ko ulit yung mga bagay na gusto kong gawin o hindi ko na magagawa dahil sa naputol na parte. Matutuwa ulit ako.

Pagkatapos, aalis ulit yung taong yun. Masasaktan ulit. Masusugatan. Pagpahilom na, kakamutin. repeat process. Hanggang masanay. Mawalan ng paki.

Lunes, Hunyo 1, 2015

Nung gabing nagkausap ulit tayo

Katulad ng mga dakilang sinungaling, kinaya kong tumingin sa yong mga mata habang sinasabing 'hindi na ko magsusulat ng kahit anong tungkol sayo/satin kahit kailan'

Linggo, Mayo 17, 2015

Paglimot

Meron akong listahan ng mga kaibigan ko.
Konti lang naman kasi sila. Andun sa listahan
si Nathan Casuga na nagturo sakin ng maraming bagay.
At si Mar San Diego na nagsasabing ang galing kong sumulat.
hindi ako magaling sumulat, madamdamin lang ako.
Nung nakaraang Disyembre umakyat ako sa norte
at bumili ng kuwintas na ibibigay ko sa isang espesyal na tao.
Limang buwan na ang nakalipas nandun parin sa aparador ko
yung kuwintas at hindi ko na malaman kung para kanino ko yun ibibigay.
Wala sya sa listahan ng mga pangalang meron ako.
Walang nagsabi sakin na ganito lang pala kadaling lumimot.

Sabado, Mayo 9, 2015

Asymptotes


Nagsimula tayong hindi magkakilala. Hu u ako sayo, hu u ka sakin. Naging magka-row tayo sa seating arrangement pero kahit kailan hindi tayo nag-usap. Nagkakadampian ng kamay kapag nagpapasa ng papel o notebook, nagkakatinginan pero hanggang dun lang.

Natapos ang isang sem tapos kaya hindi na ulit kita napansin. Nasa likod na kasi ako ng klase at ikaw naman nasa may bandang gitna. Kung hindi pa nagkaroon ng sabayang pagbigkas talagang hindi tayo magkakausap. 

Naalala ko nun nahihirapan akong magkabisa ng linya nun, tapos tuwing break time tinutulungan mo ko. Nung una naiirita talaga ako, pakiramdam ko nahihinaan ka sakin. Pero hindi pala, hindi mo rin pala makabisa kaya kailangan mo ng kasabay magpractice.

Practice. Practice. Kain tayo? Tanong ko. Narinig ko kasing kumakalam yung sikmura mo. Hindi ka na nakatanggi. 

Unang beses nating magsabay kumain. Medyo awkward. Nagpapakiramdaman tayo kung susubo ba ng pagkain, magkukwento o sasagot sa kwento ng isa't isa. Nakakalito. Hindi pa kasi natin gamay ang galawan ng isa't isa. Nagkakatamaan ng siko, nagkakasagian ng kamay kapag kukunin yung bote at iinom. Pero nairaos naman natin. Nasundan pa ng madaming beses na pagkain ng sabay kahit tapos na yung sabayang pagbigkas. Nagkakataaman parin ng siko at kamay pero iba na ngayon, sinasadya ko na. Sinasadya kong sagiin ang maputi mong siko at malambot mong kamay. Minsan nga hindi lang kamay natin ang nagtatama, pati yung mga mata natin. Inisip kong may pagtitinginan tayo sa isa't isa.

Dumalas ng dumalas. Hanggang sa naging routine. Naalala ko, ganito ako natutong mag yosi. Patikim-tikim lang tapos nasanay, tapos hinahanap-hanap na. Parang kulang ang maghapon kapag hindi nakapagpa-usok. Ganun din kapag hindi kita nakasama sa buong araw. Merong isang beses hindi ko napigilan yung sarili kong sabihin sayo yun. Na parang kulang ang araw ko pag wala ka. Ngiti lang ang sinagot mo, pero kinabukasan pagkatapos ng World Literature natin eh tumitingin ka sa upuan ko, senyales na sabay tayong kakain o tatambay tayo ng magkasama.

Smooth na yung pag-uusap natin. Kumbaga sa makina, uminit na. Tuloy-tuloy na ang andar. Dere-deretso ang takbo ng usapan, kung minsan nga kung saan-saan na napupunta. Sa pulitika, relihiyon, lipunan, at seks. Dun ko nalaman na hindi ka lang pala maganda, may sense ka rin palang kausap. Naisip ko pwede kang dalhin sa inuman namin, ganun kasi ang madalas na usapan. Hindi yung seks ha? 

Mula sa mga ganung usapan napadpad tayo sa kwento sa buhay-buhay natin. Alam mong only child ako at alam ko ding bunso ka. Parehas may kaya ang pamilya natin at hindi naman istrikto sa pakikipagrelasyon. Nalaman kong madami tayong pagkakapareho. Parehas nating ayaw ng gulay, parehas tayong utusan sa bahay (bunso ka at nag-iisang anak ako) parehas tayong napilitan sa kurso natin, at parehas nating gusto ang isa't isa. 

Nasa punto na tayo ng magkasama tayo maghapon, magkateks pagkauwe at magkatawagan hanggang madaling araw. Naikwento na ang lahat ng kwento at nasabi na ang lahat ng gustong sabihin at gustong marinig. Pormalisasyon na lang ang kailangan sigurado kong tayo ng dalawa.

Tumetyempo lang ako ng araw kung kailan ko hihingiin ang matamis mong oo. Nasa timing daw ang sikreto. Parang planong raid ng mga pulis at militar, Sopistikado. Kailangang isaalang-alang ang oras, araw, dami ng tao, lugar at iba pang mga salik na pwedeng makasira sa magandang plano. 

Hanggang sa nagtanong na yung bespren ko kung tayo na ba. Gusto kong sabihing oo, kaso hindi pa. Nagulat ako nung sinabi nyang 'ilakad mo naman ako' tang inang pilay to sabi ko na lang sa isip ko. 

Hanggang sa tatlo na tayong tumatambay, at kumakain. Bumalik yung awkwardness. Hindi na tayo nagkakasagian ng kamay at siko, may espasyo na kasi sa pagitan natin. Hindi tayo kasyang tatlo sa pangdalawahan na upuan kaya dun na lang ako sa tapat nyong dalawa. Nagkakatitigan pero walang masabi. Nagkakakwentuhan pero hindi na nagkakatinginan. 

Pagkatapos nun nalaman ko na kayo sinagot mo na sya. "Bakeet??" 

sabi mo hindi ka kasi sigurado kung gusto ba talaga kita o hindi. Pakiramdam mo para kang isda na nahuli sa pain ng mangingisda at nag hihintay hulihin. Nakakagat sa kalawit pero nasa tubig parin. Komportable kasi nasa tubig parin pero nasasaktan dahil nakakagat sa kalawit. Mahirap maghintay sabi mo. Hindi ko nakuhang magalit sayo. Ipinagpalagay kong isda ka nga at ako yung mangingisda. Namingwit ako para makahuli ng isda, nung may kumagat hindi ko hinatak. Para kong pinahiya yung isdang isinugal yung buhay nya sa pagkagat sa kawit tapos hindi ko pinansin. Kumawala man ang isda alam kong nasaktan parin yun. At eto ako, malungkot, dahil walang huli. Uuwi sa bahay, tatagay ng gin.

"Maging masaya sana kayo" pabitter kong sinabi. Alam ko namang hindi kayo magiging masaya. Alam kong ako ang mahal mo. Alam mo ring mahal kita. 

Kaya tuwing may bakante kang oras sakin ka sumasama. Kumakain, nagkukwentuhan, magkateks at magkatawagan. May kinukwento ka sakin na hindi mo ko kinukwento sakanya, at may kinukwento akong hindi ko kinukwento sa iba. Alam nating mahal natin ang isa't isa pero hanggang dun na lang yun at hindi na hihigit pa.

Martes, Mayo 5, 2015

Anlupet ng kasaysayan.


"Kung patuloy mong babalikan ang nakaraan bakit hindi ka mag Major in History?" 

Nakakatawang tanong na nabasa ko kanina habang lunch break sa trabaho. Natawa kasi ako, naalala ko yung kurso ko. Bachelor of Arts Major in History. Kaya siguro paulit-ulit ako sa pag-alaala ng nakaraan. Since lunch break naman at masarap mag muni-muni pagkatapos ng dalawang istik ng yosi, sinagad ko na ang pagiging History Major ko. 

May 6. Anim na araw bago mo ko hiniwalayan. May 6 din ng isinuko ng mga Pilipino at Amerikano yung Corregidor sa mga Hapon. 

Napaisip ulit ako bigla. Teka, History Major ka din nga pala. Nung May 6 nung nakaraang taon kaya alam mong isinuko ang Corregidor sa mga Hapon? Yun ba ang nag trigger para isuko mo na rin yung relasyon natin? 

Kaliwa't kanan ang nagaganap na bombahan sa Corregidor nung mga panahong yun. Nagkaroon ng din ng blockade para walang makapasok na supply ng armas, bala at pagkain sa mga tropang Kano at Pinoy. Mahirap ang sitwasyon at hindi naman kaduwagan ang pagtanggap ng pagkatalo at pagsuko. Halos parehas din pala ng sitwasyon natin. Madalas ang away natin nun, hindi rin nagkakausap kahit magkasama at hindi nagkakateks kapag magkalayo. Taena, yun nga siguro yun. 

Bumalik ulit ako sa nangyari nung nakaraang taon. Kailangan ko ng datos. Kinuha ko yung couple phone natin binalikan ang mga mensahe mula Mayo 6-12. May nakita ako. Pero kailangan pa ng other resources. Binuksan ko ang Facebook ko. Binasa ang mga mensahe sa parehas na petsa. 

May 6 nung unang beses mong sinabi na ayaw mo na. (Kasabay ng pagsuko ng Corregidor sa mga Hapon)
May 8 nung sinabi mong maghiwalay na tayo. (Kasabay ng pagkakapasa ng RA.4867 kung saan hinahati ang Davao sa Tatlo)

Napayosi pa ako ng isa bago matapos ang oras ng lunch ko. Hindi nauulit ang kasaysayan pero ang lupit ng pattern nito.

Biyernes, Mayo 1, 2015

Pagkamatay ni Rolly

Naaalala mo ba kung pano ka namatay? Tanong ni San Pedro.

Hindi gaano. Alam ko lang nakita ko sya, kahit bawal may kung anong nagtulak sakin para lapitan sya. Masyado syang mataas hindi ko sya maabot kaya umakyat ako sa mataas na lugar. Nadulas ako, mahuhulog na ko. Pumikit ako, sabi ko sa sarili ko lilipad ako. lilipad ako. At nakalipad nga ako! Lumipad ako papalapit sakanya. Pero natakot sya sakin. Sigaw sya ng sigaw. Malakas na sigaw. Tinuloy ko parin ang paglapit, hihingi sana ako ng tawad. Pero bago ako makalapit may nakita akong tsinelas sa ibabaw ko. Tapos pag gising ko andito na ko. Sad.

Huwebes, Abril 30, 2015

Miyerkules, Abril 15, 2015

Byaheng Cubao


Scene: Nakaupo si Alfred sa pangdalawahang upuan ng bus. Nakasuksok ang earphones sa magkabilang tenga. Nakatingin sa bintana habang nakatukod ang kanyang kanang kamay sa baba. 
Galing sa labas yung kuha, kaya makikitang malayo ang tingin nya.

Alfred: (Kumakanta sa isip) And the cycles never ending and the fashions overdone
                                        And the further that I run away, the further I'll come back 
                                        to shelter...

Konduktor: San kayo boss?
Alfred: (Nag abot ng limang daan) Cubao, estudyante
K: May ID?
A:(Naglabas ng ID)
K: Wala bang barya lang?
A: Wala po eh
K: Maya na sukli, malayo ka pa naman

Isinuksok ulit ang earphones sa tenga at tumingin ulit sa bintana.

Alfred: (Kumakanta sa isip) 
Bright cold silver moon
                                                      Tonight alone in my room
                                        You were here just yesterday..... Bigla syang tinangay ng kung ano...

Katulad ng maraming taong nakatingin sa bintana ng bus, kinain din si Alfred ng kanyang mga iniisip. Lumawak ang imahinasyon, nangarap ng ganito: Ang setting eh sa Quezon City. Ganun parin ang itsura nya, simpleng tao, brush up yung buhok, gwapo parin, nadagdagan lang ng powers. Tama, may powers sya. Sa iisa nyang katawan ay marami syang alter. At kapag nagpalit sya ng katauhan, nag-iiba ang powers nya. Halimbawa ngayon, sya si Luffy. Kasalukuyan syang nakatayo sa isang overpass sa may technohub at binabantayan ang kanyang teritoryo. May darating na kalaban, tapos lalabanan nya. Magiging sya bigla si Zorro etc etc.

Minsan naman kapag nakatulala sya sa bintana ng bus iniimagine nya yung sarili nyang mahusay syang magdrums. Parang si Cobus. Yun yung mga oras na natututukan nya yung mga kanya sa playlist nya. Feel na feel nya ang pagpalo nya ng drums sa isip nya. Minsan naman nasa isip nya eh magaling syang basket player. Binabantayan sya nung player na hindi nya kilala tapos dadrive sya papuntang base line, cross over, tapos iikot, iwan yung bantay! Tapos rekta dakdak. Napapaheadbang pa sya pag ganun.

Sa sobrang dami nyang iniisip hindi na nya napapansin yung kanta. Parang sound effect na lang yun dun sa scene ng isip nya. Kapag napapansin nya yun, bigla ulit syang kakanta sa isip nya hanggang makaisip nanaman sya ng bagong iisipin.

Konduktor: Sandigan? Merong Sandigan?

Alfred: (Biglang nagulat, tatayo sana)

Konduktor: Wala! (batingting ng tatlong beses) Ever na tayo sunod!

Napunyeta nanaman si Alfred ng Konduktor, sira nanaman ang byahe nya. Tumingin na lang sya ulit sa malayo, tumakas sa realidad.

Alfred: (Sa isip lang) Ako si Alfred, malakas, alter ko si luffy, zorro at sanji, imba yung pudge hook ko. Magaling akong magbasketball, Mas pogi ako sa boypren mo ngayon. (habang nag pe-play ang when im with you ng Faber Drive)

Martes, Abril 14, 2015

Haay puta


5:47 AM
Interior : Kwartong patay ang ilaw, tambak ng damit sa sulok at bookshelf sa gilid na halos wala ng laman.

Scene : Bago uurin ang likod nya sa matagal na pagkakahiga, bago pa dukutin ng kamay sa kisame ang puso nya, bago pa sya tuluyang saniban ng demonyo sa kwarto nya ay bumangon si Alfred.

Alfred : Haay Puta.

Umaga parin. Ilang minuto lang ang nakakalipas
Interior: Banyo

Scene: Inilalabas ni Alfred ang sobrang alak na ininom nilang magkakaibigan kagabi kasama ang mapapait na alaala na dulot ng nabigong relasyon.

Alfred: Haay Puta.

Scene: Sa banyo parin. Matapos makaraos sa kalbaryong dinanas, ginantimpalaan nya ang kanyang katawan ng hot shower. Habang nagshashampoo ay kinain sya ng katahimikan sa banyo at nalunod sa dami ng iniisip.

Alfred (sa isip lang habang nagshashampoo):  Taena, wala nanaman yung cellphone ko, puro suka pa yung damitan ko. Di na talaga ko iinom.

Pagkatapos maligo ay nagbihis sya. Nagpatuyo ng buhok at saka muling natulog. Hindi pa sya gaanong nakakarecover sa lakas ng hang-over dahil sa inuman kagabi.

11:18 AM
Interior: Kwartong patay ang ilaw, tambak ng damit sa sulok at bookshelf sa gilid na halos wala ng laman.

Scene: Tinignan ni Alfred ang pinagmumulan ng ingay sa kwarto nya. Nakita nya ang pinagmulan sa itaas ng bookshelf. 11:18 sabi ng relong nagti-tik-tak-tik-tak.

Bumangon sya at lumabas ng kwarto. Sa may lamesa ay may nakita syang note. 

'Bili ka ng gas, magsaing ka na rin bago ka umalis'

Alfred : Haay Puta.

Pinagpaliban nya ang pagkain. Hindi rin sya bumili ng gas. Wala syang gana sa lahat. Binuksan nya ang wifi, bumalik sa kwarto, pinatay ang ilaw at isinara ang pinto. 

Matapos ang ilang oras na pagswipe up and down sa Android Phone nya, magtweet at mag retweet ng kadramahan, istalkin ang babaeng nang-iwan sakanya nakaramdam sya ng pagkabagot. Sa kanyang madilim na kwarto ay nakaramdam sya ng pag-iisa. Kalungkutan.

Kaya bago uurin ang likod nya sa matagal na pagkakahiga, bago pa dukutin ng kamay sa kisame ang puso nya, bago pa sya tuluyang saniban ng demonyo sa kwarto nya ay bumangon si Alfred. Tineks ang ibang tropa. 

"Shat tayo sagot ko"

Pagkasend nya ng GM ay nakita nya ang damitan nyang may suka. Naalala nya ang sinabi nya sa sarili kanina.

Alfred : Haay puta.




Biyernes, Abril 3, 2015

Salamat :)

Tadaaaa. Naabot ko na pala ang ika-100 kong post ng hindi ko napapansin. Kaya pa-flashback friday muna ako kahit sabado na.


Napadpad ako dito sa blogspot mga bandang May. Kakabreak lang namin nun nung girlfriend ko. Sa totoo lang sya yung unang nakadiscover ng blogspot tapos shinare nya lang sakin.

Naghahanap ako ng mababasa nun ng mapadpad ako sa page ni Espasyo. Naging interesado ako sa mga sinulat nya kasi nabasa ko yung pangalan ni Pablo Neruda sa isa sa mga blog nya. (Laging nakukwento ng kaibigan ko yung mga tula ni Pablo Neruda)

Pagkatapos nun nagbasa ako ng mga comments. Inisa-isa ko yung mga profile at binasa yung mga entries. Doon ko nakita ang page nila Jep Buendia (Korta Bistang Tibobos) Limarx, Panjo (Tuyong tinta ng ballpen) Saka yung hiram na kaligayahan. 

Naaaliw ako sa mga kwento at mga experience nila na kanilang sinusulat. Nagsimula rin akong sumulat matapos kong mabasa yung mga gawa ni ate Essa (Babae pala si Satanas) Feel na feel ko talaga yung mga sinusulat nya. Wala lang. Kaya nafeel ko ding magsulat. 

Nang kalaunan, nakita ko na din ang page nila Yccos, (kasi sya yung laging nagcocomment sa mga sinusulat ko na gustong-gusto ko sanang replayan hindi ko lang alam kung pano, kasi nakita ko yung mga iba in character talaga pagnagcocomment haha) Nabasa ko rin yung mga afterthoughts ni Overthinker na palaboy. 

Since eto yung ika-100 kong post, gusto kong magpasalamat sa inyo (pati na dun sa mga hindi nabanggit, madami kasi talaga namili lang ako nung mga pinaka tumatak sakin xD) kahit na hindi pa tayo nagkikita-kita at hindi naman talaga magkakakilala eh naging parte kayo ng buhay ko (naks me ganun) Lalo na dun sa moving on part ko. HAHAHAHA.

Muli salamat. Yey!

Sabado, Marso 28, 2015

6th Floor

Sa dinami-rami ng lugar ewan ko kung bakit sa 6th floor pa nya gustong makipag-usap. Alas-otso na ng gabi hindi nya ba alam na ang dilim dilim dun? Masyadong mataas, nakakatakot pa yung paakyat. Tapos madami pang kwento tungkol sa 6th floor.

Meron daw kinover yung Magandang Gabi Bayan dun nung halloween. Tungkol dun sa gwardiyang nakidlatan (yata) tapos tuloy pa rin sa pagronda sa taas. Meron din daw dun banda sa South, yung abandonadong banyo doon sa may BLIS, may black lady daw. Hindi ko alam kung anong engkanto yung nasa West pero ayoko na ding malaman. Masyadong malakas yung imagination ko. Lahat ng scene sa pelikulang nakakatakot eh naiwan sa isip ko. Lalo na yung mga stairway na madilim tapos hindi mo kita yung taas ay putcha talaga.

Naiisip ko pa lang na habang naglalakad ako paakyat eh may susutsot sakin mula sa lugar na hindi ko nakikita. Syempre titigil ako, tapos may makikita ako sa madilim na parte, dalawang ilaw, nanlilisik na mata yun ng kung ano mang halimaw. O kaya naman habang umaakyat ako pataas eh may masasalubong akong estudyanteng nakayuko, pwedeng magbabangga kami tapos tatagos lang sya sakin o kaya naman aaninagin ko yung mukha nya tapos ang makikita ko eh duguang mukha. O kaya mapapalingon ako sa kung saan tapos may makikita ako, tapos pagtinignan ko ulit mawawala tapos bigla na lang lilitaw sa harap ko. Tang ina ayoko na.

Apat na miss call na. Tatlong teks. 'san ka na' Walang kaemo-emosyon. Ni question mark wala. Nyeta no choice na. Bahala na kung anong masasalubong paakyat.

Nasa lobby sya ng 6th floor sa may East. Patay ang ilaw. Lumapit ako kahit natatakot pa ko, hindi naman kasi ako sigurado kung sya yun. Dahan-dahan akong naglakad palapit. Mahirap ng mapahiya.

Alam ko ng sya yun. Pero parang may kakaiba sakanya. Nakatingin lang sya sa malayo. Kahit na may ilang minuto na ko dun hindi parin sya umiimik. Nakakapagduda. Parang may mali.

Makalipas pa ang ilang minuto, nangyari na ang kinakatakot ko. Nabasag ang katahimikan. Dalawang salita. 'usap tayo'

Lunes, Marso 23, 2015

Demn

Ganito yung inaasahan kong pagkikita natin.

Magkikita tayo sa 4th floor. Dahan-dahang lalapit sa isa't isa. Okay na kahit walang background music. Tapos magkukwentuhan. Isa, dalawang oras, tatlo, buong maghapon. Ihahatid ka pauwi pag lubog ng araw. Okay lang din kung walang goodbye kiss. Pagkatapos magtetext-text hanggang madaling araw at sabay matutulog. 

Kaso lagi akong nagigising sa katotohanang hindi mangyayari yun. Lalo na kapag nakikita ko yung 'seen' doon sa mahabang mensahe ko sayo.

Biyernes, Marso 20, 2015

4th Floor West Wing.

2011 buwan ng marso. Kasagsagan yun ng tuition fee increase. Madaming mga estudyanteng lumahok sa kilos protesta kahit hindi sila aktibista. "LAHAT NG SIRANG GAMIT SA ITAAS ITAPON NYO PABABA" sigaw ng isang lider ng grupo. Sinimulan ng isa. Upuang walang arm chair. Upuang walang sandalan, at upuang hindi na pwedeng upuan. Tapos may CPU na din, type writer na kasing edad ata ng lola ko, inodoro (ewan ko kung pano nila kinuha) pinto, lamesa. Lahat ng walang pakinabang at hindi na pwedeng ayusin sinira na. 

Magulo ang paligid. Maingay. Madaming sumisigaw, madaming galit, yung iba nakiki-uso lang. May media, may pulis, may tambay, halo-halo yung tao. Chambang nakita kita. Sa 4th floor, West Wing. Nakamaong, simpleng t-shirt, di ko na mantadaan kung anong kulay. Sa totoo lang hindi ko matandaan kung kelan yung eksaktong araw kaya ang nilagay ko na lang eh '2011 buwan ng marso.' 

Sumilip ka pababa naiingayan ka siguro? Hindi ko mabasa sa mukha mo kung naiinis ka ba sa ginagawa nila/namin o nakikisimpatya ka samin. Walang ka emo-emosyon sa mukha. Ako naman nawala yung pagkahype ko. Parang nag slow mo ang lahat. Parang pelikula. Yung mga bumabagsak na upuan eh nagdahan-dahan. Dahan-dahan. Hanggang sa tumama sa lupa, tatalbog ng konti tapos saka maghihiwa-hiwalay. Yung sigawan at ingay nung mga tao parang hindi ko na naririnig. Parang nagfe-fade ng dahan-dahan. Nagzoom in yung mukha mo. Ang ganda sa kahit anong anggulo. Tapos pakiramdam ko nag-grey scale yung paligid. Tayo lang yung colored. Tayo lang gumagalaw. 

Naramdaman ko na to. Hindi nung high ako sa weeds ha? Alam ko to sigurado ako. Na love at first sight ako. (puta ang corny)

Natapos ang eksena. Tinapik ako ng kasama ko. Hinigop ako pabalik sa realidad. Mabilis na ulit na nagbabagsakan yung mga upuan. Maingay ulit yung paligid. Colored na yung mga tao. Hindi na naka zoom in yung paningin ko sayo. Hindi na kita makita. Wala ka na sa scene. Parang sumigaw yung direktor ng CUT. 

Lunes, Marso 16, 2015

Ang pagbabalik

Matagal akong nawala. Mga dalawang linggo din siguro?

Madami talaga akong gustong ikwento katulad nung nag-iinom kami nung nakaraang linggo. Normal lang na inuman katulad nung mga dati. Ang bago lang eh iba na yung tinatawagan ko sa drunk calls ko. Maliit na bagay, pero natuwa ako. Hindi na sya (ex ko) yung unang naiisip ko sa panahong hindi gumagana ng maayos yung isip ko.

Meron pa, nagkita rin kami nung mga dati kong estudyante at co-teachers. Haaays. Napaka sarap talaga ng pagbabalik. Ewan ko kung bakit hindi nya ko sinubukang balikan?

Masyado kasi akong busy ngayon kaya hindi ako makapag sulat. Saka nakita ko kasing malapit na ako sa ika-100 kong post at gusto ko sana yung huling mga post ko eh tungkol sa kung paano ako nagsimula dito sa pagba-blog. Kaso masyadong matagala kaya eto na. Magbabalik na ko

Eto pala yung pinagkakaabalahan ko nung panahong busy ako. Nagpapractice ako ng para sa team tournament sa Cavite, at ayun eto ang bunga :)




















Eto naman yung picture nung muli akong dumalaw sa dating school na pinagtuturuan ko.
















Ang babata naming teachers xD


















Overnight movie trip















At ang reunion namin ng mga dati kong estudyante xD


At ang post na to ay para sa aking pagbabalik sa blogspot :D yey

Huwebes, Pebrero 26, 2015

Lahat ng kwento may katapusan.

Gino-google ko ang 'kalungkutan'. Nakita ko ang larawan ni Vernice. Nakatingin sya sa malawak na bukirin sa isang lugar sa Bulacan. Inisip ko na hindi nya maipaliwanag kung ano ang nakita nya dun. Wala kasing caption, di gaya ng iba nyang litratong nagsasabi kung masaya ba sya o malungkot o kung maganda ba ang lugar o hindi.

Sa loob ng bus sa Edsa, may isang babaeng naglalambing sa kasama nya,'kwentuhan mo naman ako' Ngumiti ang lalaki. 'Matulog ka na' hinalikan nya sa noo ang babae at isinandal sa kanyang balikat. Lahat ng kwento ay may katapusan. Tignan mo yung mga ibong nakadapo sa linya ng kuryente. Kung panong napaka kampante nila pero umaalis agad kapag umihip ang hangin. Maririnig mo ang pagaspas ng kanilang pakpak, sa ilang saglit wala na. Kahit sila, alam nila kung kailan dapat umalis. Pwede silang magpaalam, ipaliwanag kung bakit sila umalis, pero kung nagka ganun, wala sanang entry tong blog ko ngayon.

Tignan mo yung peklat sa kanan kong braso, Alam ko ang mapait na katotohanan. Alam na alam ko ito gaya ng kanta ng chicosci at secondhand serenade na kinakanta ko tuwing ako'y nag-iisa. Alam ko ito gaya ng hindi mo pagbalik sa akin. Na ang lahat ng kwento ay may katapusan.

Martes, Pebrero 24, 2015

3:26

Sa totoo lang, madami pa akong kwento sayo. Madami akong gustong sabihin sayo. Apat na taon din tayong hindi nagkita. Kulang ang apat na sabado ng bawat buwan na pagkikita natin para sa mga kwento ko. Gusto kong ikwento sayo kung pano kita nagustuhan nung minsang nagkasama tayo sa Tarlac. Kung pano ako kinilig nung malaman kong gusto mo din ako. Gusto kong ikwento sayo yung sayang nararamdaman ko kapag nagpapalitan tayo ng mga sweet na mensahe. Ikukwento ko rin sayo kung bakit ako nanlamig at basta ka na lang iniwan. Nagkaroon ako ng iba, may napusuan ka din naman di ba? Kaso iniwan ka din.

Nung apat na taong nawala ako hindi talaga kita naisip. Naalala lang kita nung thesis ko na. Nasa UP yung mga librong kailangan ko at ikaw lang ang kakilala kong andun. Ganun naman talaga di ba? Kapag may kailangan lang nakakakaalala? Masisisi mo ba ko dun? 

Natapos yung unang relasyon, sinundan nung isa pa. Halos isang taon ko din yung pinagluksa. Tapos bigla tayong nagkita. Sa totoo lang nag-aalangan akong lapitan ka. Inaway ka kasi nung nauna kong girlfriend kasi akala nya babalikan kita kaya ako nakipagbreak sakanya. Nakwento ko kasi dati na may usapan tayo nung bata pa lang tayo. Na kapag 18 ka na magiging tayo. Hindi ko naman nakalimutan yun. Sa totoo lang hinintay ko yun ng matagal. Nainip lang ako. 

Nagkita tayo sa tournament. Nagulat ka kasi andun ako. Akala mo hindi na ko naglalaro. Mas nagulat ka nung nanalo ako. Ako din nagulat. Nung nakita kasi kita wala na kong paki sa laro. Binibilisan ko yung laro ko para mapanood kita. Gustong-gusto kong pinapanood kang maglaro. Walang imik. Di mapalagay yung kamay. Minsan ipapanghawi sa unat mong buhok o kaya naman ay ipapantakip sa bibig. Gusto ko kitang pinapanood, pakiramdam ko nababasa ko yung isip mo kapag parehas sa itinira mo yung nasa isip ko. 

Pagkatapos nun akala ko hindi na tayo magkikita. Ayoko rin naman na ako ang unang lalapit sayo. Hindi ko kaya. Nahihiya ako. Iniwan kita dati tapos inaway ka pa ng ex ko. Alam mo siguro yun kaya ikaw na ang nagchat sakin pagkauwi. "kamusta yung inaalagahan mong ahas"? Nabalitaan mo na pala yun. Na sinulot ng kaibigan ko yung sumunod na girlfriend ko. Natawa na lang ako. Sa unang pagkakataon. Natawanan ko yung tang inang pangyayaring yun.

Ang daming nangyari sa apat na taon. Graduating ka na ngayon. Ako naman nagtatrabaho na. Busy ka ulit. Tapos ako naghihintay kung kelan ka may bakanteng oras. Pero hindi katulad nung dati. Dati gusto kita, gusto mo ko. Ngayon ako na lang ata ang may gusto. Madaming nagbago doon sa apat na taong dumaan. Ngayon alam ko na. Sigurado na ko. Kaya ko ng maghintay.

Biyernes, Pebrero 20, 2015

Romantic moments



Buwan ng pag-ibig ngayon, Anong balak?
Tara inom, sabi ko. 'De ayoko nun, let's do something romantic' sabi nya.
okay, let't drink with candle light. At ayun nga ang nangyari.

Lunes, Pebrero 16, 2015

That thing called kilig

Matagal na kong hindi nakakaramdam ng ganito. Pero kagabi naramdaman ko ulit. Sa sinehan, habang naglalakad papuntang Bookstore, sa byahe, habang humihithit ng sigarilyo pauwi naramdaman ko ulit to. Nagpa-flashback lahat ng nangyari. Paisa-isa. Napapailing na lang ako. Hindi ko kasi alam kung bakit nakangiti ako. Dalawang magkasunod na hithit. Natatawa parin ako. Halos maubo ako. Naalala kong pumila kami sa pa-xeroxan samantalang magbabayad dapat kami sa cashier.  Naalala ko yung ibang eksena sa pelikula. Parang gusto ko biglang kumain sa Shabu Shabu. Parang gusto ko biglang umakyat ng Baguio. Magpunta ng Sagada. Umakyat ng bundok at doon sa tuktok isisigaw kong mahal ko sya. Isa pang hithit. Napailing na lang ako. Nakangiti parin kasi ako. Natatawa ako. Huli ko kasing naramdaman yung ganito kaninang umaga pagkatapos kong umihi sa banyo.

DI kami binigo ng Tadhana yiee

Feb 15.

Sa wakas. Natuloy din kami! Nabalik na sakin yung laptop ko pero hindi ko kaagad naisulat kung gaano ako kasaya sa araw na to. Hindi pa kasi ako sanay sa ganitong pakiramdam. Yung napapangiti na lang bigla kasi naaalala ko yung mga ginawa namin.

Sa totoo lang hindi ko inaasahang matutuloy kami. UAAP nun. Tapos umaga pa lang tineks na nya ko na may sya pagkatapos ng laro. At di hamak naman na mas mahalaga yun kesa sa pagsama saking manood ng that thing called tadhana. Tapos umulan pa nun. Bwiset kako.

Pumunta parin akong SM North. Nagbabakasakaling may himalang dumating, baka mapadaan sya dun at matuloy kami. At ayun nga. Nanalo sila sa game tapos tinext nya ko. Nung nalaman nyang nasa SM North ako, sabi nya tumuloy na daw kami. Ayaw nya siguro akong nag-iisa? Ewan ko.

Nanood nga kami. Maganda yung kwento, pero wala paring sinabi sa one more chance. Naikwento na kasi sakin yung ibang part dun kaya hindi ko rin gaanong natuwa. Mas natutuwa pa ko kapag di sinasadjang nagkakasagian kami ng kamay pagkumukuha ng pop corn o kaya naman pag tinatapik tapik nya ko sa likod kapag naramdaman nyang tagos yung linya sakin.

Pagkatapos nun pumunta kaming National Bookstore. Ngayon na lang ulit ako nakapasok dun na may kasama. Yung kasama ko kasi dating bumili ng notebook, ballpen at libro eh iniwan na ko. Anyways, natutuwa lang ako na may iba na akong maaalala kapag napadpad ako sa National Bookstore.

Habang naglalakad sa UP pinaplano na namin yung sunod naming lakad. Tagaytay! Sa August pa yun pero putcha excited na ko. Kung pwede lang August na kagad bukas. Kaso hindi. Hindi na ko takot magplano ngayon. Hindi na rin ako takot mag-aya. Hindi na ko takot matanggihan. Handa na yata ulit akong masaktan? Ewan ko kung magandang bagay ba to o hindi. Hayaan na lang. Ang mahalaga natutuwa ka sa nangyayari.