Sabado, Disyembre 17, 2016

SMP

Dumating na ang tag-lamig. Ibang klase ang simoy ng hangin na naghahatid ng mga alaalang pilit mang kalimutan eh parang mga video na nagpa-flashback sa aking isip.

Magpapasko na pala. Mahigit apat na tatlong taon na ang nakalipas. Ganito rin ang panahon, malamig. Nung akala ko eh hindi ako marunong masaktan.

Martes, Oktubre 18, 2016

Kwentong lasing

Tatlong taon na halos ang nakalipas heto parin sila sa mga tanong na ‘ano ba kasing nangyari sa inyo?’
Umiikot na ang kisame. Punit na ang mga itsura ng mga kainuman ko. Hindi ko na maalalang nagsindi ako ng yosi, naiwan ko na itong nauupos sa may ashtray, tingin ba nila naaalala ko ba yung nangyare tatlong taon na halos ang nakakalipas? Pero hindi ko sila pwedeng biguin. Kilala ako bilang bangka sa kahit sang inuman kaya binigyan ko sila ng isang kwento.
Paano mo malalamang mahal mo sya?
May tatlong magkakaibigang pawang mga lasing ang nakaupo at nagpapalipas ng kanilang tama sa silong ng mangga. Dahil nga pawang mga lasing, kung anu-ano ang kanilang mga napag-uusapan. EJK, Trapik sa EDSA, Sex video ni Delima at kung gano kagaling si Presidente DU30. Tumagal ang usapan sa nahuling nabanggit at napagpasyahan nilang kahit gano nga kagaling ang nasabing Presidente ay kupal parin sya, kaya nag-usap na lang sila tungkol sa pag-ibig.
Ang dalawa sa tatlong magkakaibigan ay pawang mga walang jowa kung kaya’t tinanong nila ang kanilang kaibigan, ‘pano mo malalaman kung mahal mo ang isang tao’
Nag-isip ng malalim ang tinanong. Inisip nya ang mga ginawa nya para sa kanyang nobya,(na nang-iwan din sakanya) sa tagal ay halos makatulog na ang dalawa nyang kasama. Bago pa man tuluyang makatulog ang dalawa, sya ay nag wika, “hindi ko alam. Ang alam ko lang nun ay mahal ko ang sarili ko kaya ayaw ko syang mawala at di naglaon ay minahal ko na sya kaya pinabayaan ko na syang umalis”
Hindi nabilib sa kwento ko yung mga kasama ko kaya natulog na lang sila.

Huwebes, Setyembre 15, 2016

Kung bakit hindi na kita sinuyo

Paubos na yung isang bucket natin nung nagsimula kang bumangka. Mahilo-hilo na din ako nun. Ang layo kasi ng pinanggalingan ko tapos sinundo pa kita sa technohub bago tayo tumuloy sa expo.
Hilong-hilo ako sa paulit-ulit mong pagbabanggit na bias ang media. Napanay puna sila sa kasalukuyang pangulo dahil nabayaran sila.
Sumakit ang ulo ko sa mga paratang mo na bayaran yung mga taong ayaw magpalibing kay Marcos sa libingan ng mga bayani. SInabi mo pa na katulad ko ay dapat ding mag-move on na ang mga taong yun dahil sobrang tagal na ng pangyayaring yun. Idinugtong mo pa na mapagpatawad ang Diyos sa kahit sino man, kaya dapat ding patawarin na si Marcos sa mga nagawa nya noon.
Sukang-suka ako nung narinig ko ang mga sumunod mong sinabi. Ang mga komento mo sa mga kritiko ng pangulo. "DILAWAN!. King inang mga yan, nagsisimula na sila sa PLAN B nila. Tignan mo ngayon may "testigo kuno" pa si De Lima." Ang saloobin mo tungkol sa extajudicial killings, "Ano naman kung madaming mamatay eh adik naman yun? dapat lang sakanila yun kesa madaming masirang buhay dahil sakanila"
Inaya talaga kita ngayon dahil espesyal ang araw na to para sakin. Balak ko sanang muling makipagbalikan sayo, kasi aminin ko, hanggang ngayon mahal parin talaga kita. Pero nung narinig ko yung mga sinabi mo, King ina wag na lang.
Inubos ko ang laman ng bote ko, at kung pwede lang talagang ipalo ko sayo yun, ipinalo ko na.

Linggo, Hunyo 5, 2016

Lokohan

Pinagmamasdan kita habang nakaupo ka sa madungis kong kama. Nakasandal ka sa pader at nakapatong ang paa mo sa kulay itim na upuan malapit sa kama. Ang haba ng legs mo. Lalong nag mukhang mahaba dahil sa maiksi mong shorts. Sa may kandungan mo nakapatong ang iyong laptop, tumitipa sa keyboard ang kaliwa mong kamay at may hawak namang sigarilyo ang kabila. Tumingin ka sakin nung nakita mo ang blogspot ko.

E:Hindi ka na nagsusulat?
Ako: Hindi na.
E:Bakit?
A:Ewan ko, nawalan lang ako ng gana.
E:Naging tayo lang ganyan na.. pero yung ex mo dati sinusulatan mo, may mga kwento kwento ka pa.

Wala lang talaga akong ganang sumulat, nakakatamad, mas maiging manood na lang ako ng ozzy reviews sa youtube o di kaya’y mag basa ng manga, pero dahil para kang nagtatampo’t nagseselos sige gagawan kita ngayon ng kwento :

Ako: Oo, sinusulatan ko sya dati kahit break na kami, gumagawa pa ko ng kwento nun, tungkol sa aming dalawa. Tapos maaalala ko sya, yung mga date namin sa Circle, SM North, Farmers, yung mga panahong sya pa yung kasama kong magyosi at hindi ikaw, Mga lasing moments namin sa Cubao ex at madami pang iba. Natutuwa akong maalala yun, pagkatapos kong ipost yung mga nagawa ko, sasaya ulit ako. Pakiramdam ko, anjan na ulit sya sa tabi ko.Pero nung naging tayo na, hindi na ko makapagsulat. Ewan ko ba kung bakit. Wala talaga akong gana. Kahit anong subok ko parang lagging pilit. Kaya hindi na ko sumulat. Hindi ko na naman na kasi kailangang gumawa pa ng kwento para sumaya, kasi nanjan ka na.

Pagkatapos nun, ngumiti ka. Niyakap mo ko na parang totoo ang sinabi ko sayo. At niyakap din kita na parang naniniwala akong mahal mo kong talaga.


Miyerkules, Abril 6, 2016

Para kanino ang mga kategorya?

Ano ang pinagkaiba ng totoo sa kasinungalingan? May kabuluhan pa ba ang mga kategorya? Para kanino?
Ito yung mga tanong na naisip ko nung minsang maalala kita. Nung panahong wala pang tayo. Hindi pa kami break ng syota ko at hindi mo pa binabasted yung ka M.U mo.
Nakikita daw nila tayong madalas magkakasama, magkakwentuhan, magkateks, minsan magkahawak kamay at kung anu-ano pa na sya namang tinatanggi ko sa syota ko, at ikaw naman sa ka M.U mo.
Minsan totoo yung kwento tungkol satin, minsan hindi. Pero totoo man o hindi parehas silang nagagalit sa atin. Itanggi man ang katotohanan o panindigan ang kasinungalingan wala rin. Pagkatapos nun parehas tayong nagsawa sa kinakasama natin. Iniwan ko ang syota ko at binasted mo ang ka M.U mo.
Matagal-tagal na din tayong lumalabas, nagde-date ganun. Napakilala na natin ang isa’t isa sa ating mga magulang. Nahahalikan na kita, nahahalikan mo ko. Naikakama na kita, naikakama mo rin ako. Minsang isang gabi tayong magkasama, tinanong mo ko, “ano ba tayo?”
“Hindi ko alam, basta ang alam ko masaya ako pagkasama ka.”
Nalungkot ka sa sinabi ko. Simula nun hindi ka na nagrereply sa teks ko. Hindi ka na rin napapadpad sa expo.

Sabado, Pebrero 6, 2016

Si CJ

Madaming alam tong kaibigan kong to. Palibhasa’y dokumentarista kaya madami na syang nakasalamuha, mahirap, mayaman, politiko, basurero, adik, basag-ulo at kaming mga tarantado sa opisina.

Hilig nyang magsulat, sakatunayan, habang umiinom kami dito ngayon sa Cubao Expo eh nagsusulat sya. Tungkol daw kay Elvin, isang karakter sa kwentong ginagawa nya. Katulad nya’y dokumentarista din si Elvin, mahusay at magaling. Sa palagay ko’y binase nya ang kanyang kwento sa sarili nya.

Nagsimula daw syang sumulat nung na heart-break sya sa long time boyfriend nya hanggang sa nakahiligan na rin nya at napagkakakitaan.

Wala ring arte tong kaibigan kong to. Mapa-fortune o mighty na pulo eh hinihithit basta libre.

Bukod sa pagiging walang arte at magaling sa pagsulat, ayaw na ayaw ni CJ ng iniiwanan sya, dala na rin ng karanasan nya sa boyfriend nya. Kaya nga bago pa kaming mag bill out at maghiwa-hiwalay ay umuwi na sya.


Huwebes, Pebrero 4, 2016

Si Rowell

“Find what you love and let it kill you”

- Leo Tolstoy

Sabi naman ng tropa ko habang nag iinuman kami sa itaas ng Mt. Daraitan, “hanapin mo ang mahal mo at mamatay ka na” ---

Natuto sya ng mga mahahalay na bagay sa murang edad dahil sa dyaryong bulgar, ngayon ay isa syang mahusay na tour guide sa Quezon City. Part time nya ang pagkuha ng letrato sa mga event. Kasalukuyan nyang trip ang pag-akyat at pagkuha ng mga larawan sa itaas ng bundok at pinagbigyan nya akong makainuman sya ngayon dahil bored, tired at broken hearted ang gago.

Siya din yung nagkwento sa akin kung paanong hinalikan ni Imelda si Ninoy at sinabing mahal nya ito bago ipapatay sa mga sundalo sa isang airport. Sabi nya pa, “hindi lahat ng hahalik at magmamahal sayo ay dapat na pagkatiwalaan mo”

Fan din sya ng mga Conspiracy theory. Idol nya si Duterte. Neutral lagi ang stand nya pagdating sa mga usaping pang-relihiyon at galit sya sa manloloko. Isang mabuting kaibigan tong kasama ko. Hilig nyang magpaalam na magluluto sya ng noodles pampatanggal ng amats. Hindi na sya bumalik. Nasa expo nga pala kami.


Cubao Ex
1/20/16