Huwebes, Setyembre 15, 2016

Kung bakit hindi na kita sinuyo

Paubos na yung isang bucket natin nung nagsimula kang bumangka. Mahilo-hilo na din ako nun. Ang layo kasi ng pinanggalingan ko tapos sinundo pa kita sa technohub bago tayo tumuloy sa expo.
Hilong-hilo ako sa paulit-ulit mong pagbabanggit na bias ang media. Napanay puna sila sa kasalukuyang pangulo dahil nabayaran sila.
Sumakit ang ulo ko sa mga paratang mo na bayaran yung mga taong ayaw magpalibing kay Marcos sa libingan ng mga bayani. SInabi mo pa na katulad ko ay dapat ding mag-move on na ang mga taong yun dahil sobrang tagal na ng pangyayaring yun. Idinugtong mo pa na mapagpatawad ang Diyos sa kahit sino man, kaya dapat ding patawarin na si Marcos sa mga nagawa nya noon.
Sukang-suka ako nung narinig ko ang mga sumunod mong sinabi. Ang mga komento mo sa mga kritiko ng pangulo. "DILAWAN!. King inang mga yan, nagsisimula na sila sa PLAN B nila. Tignan mo ngayon may "testigo kuno" pa si De Lima." Ang saloobin mo tungkol sa extajudicial killings, "Ano naman kung madaming mamatay eh adik naman yun? dapat lang sakanila yun kesa madaming masirang buhay dahil sakanila"
Inaya talaga kita ngayon dahil espesyal ang araw na to para sakin. Balak ko sanang muling makipagbalikan sayo, kasi aminin ko, hanggang ngayon mahal parin talaga kita. Pero nung narinig ko yung mga sinabi mo, King ina wag na lang.
Inubos ko ang laman ng bote ko, at kung pwede lang talagang ipalo ko sayo yun, ipinalo ko na.

Huwebes, Setyembre 1, 2016

Yosi-break

Bago ko itapon ang nauubos kong marlboro black, naalala kita. Naalala ko ang mga gabing pinagsasaluhaan natin itong brand na to kahit ayoko ng dulot nitong lamig.
Naalala ko na ang pagsindi natin nun ay sumisimbolo ng katapusan. Pagtatapos ng klase, tapos ng kumain o kaya'y magkape.
Hinithit at ninamnam ko ang lamig na dala ng marlboro black na hawak ko hanggang sa tuluyan itong masaid. Pinakawalan ko kasabay ng usok ang mga lihim kong pagnanasa na sana'y magkaroon uli tayo ng panahong pagsaluhan ang bisyo nating ito.
Ipinatangay ko na sa hangin ang lahat ng natitirang alaala mo sa isip ko, kasama ng mga upos.
Itinapon ko na lahat ng pinanghahawakan kong pag-asa gaya ng pagtatapon mo sa mga basyo ng sigarilyo.
P.S - Gusto kong sabihin sayo na hindi ako magpapalit ng brand. Sanay na ko sa lamig. At dahil alam kong sa susunod kong pagsindi, hindi na ikaw ang maaalala ko.