Lunes, Hulyo 30, 2018

Miss kita pag monday

At bilang pagtatapos sa mahaba mong break up message ay nagbilin ka sa akin: 'hanapin mo yung kasiyahan na hindi ko na maibibigay sayo. Hindi ko alam kung saan o kanino, pwedeng sa lugar kung san tayo dati nagpupunta o sa bagong lugar na mapupuntahan mo pa lang. Sa mga kaibigan o bago mo palang makikilala. Basta ipangako mong magiging masaya ka,'

Tumatambay parin ako sa circle kung san tayo madalas magkita. Naakyat ko na halos lahat ng bundok mula Rizal hanggang Cordillera. Nadagdagan pa yung madami ko ng kakilala't mga kaibigan. Sumaya ako. Masaya na ako.



Pero may mga gabi paring hinahanap-hanap ko yung kalungkutang dulot mo.







Huwebes, Hunyo 7, 2018

Bago mo pa ako iwan alam ko ng gagawin mo yun. Di ko alam kung napanaginipan ko isang gabi, nakutuban, naramdaman sa mga kilos mo, di ako sigurado, basta ang alam ko malapit mo na kong iwan.

Sa totoo lang hinanda ko ang sarili ko para sa araw na yun. Inimagine kong sasabihin mo sa akin na 'the feeling is gone' gaya ng sinabi ng karakter na babae pelikulang napanood natin. O kaya naman iteteks mo na lang sa akin na ayaw mo na, gaya ng lagi mong ginagawa. Naisip ko rin na baka pumipili ka lang ng tamang araw kung kelan mo ko iiwan, hindi ko alam kung lunes, miyerkules o kung kelan matapat ang red days mo. Basta naghahanda lang ako.

Sabi ko sa sarili ko, hindi kita pipigilan kung aalis ka na, kahit na hindi ako naniniwala sa sabi-sabi na 'if you love someone set them free' eh yun ang naiplano kong sasabihin sayo. Naghanda na rin ako ng mini-bucket list na sana ay gawin muna natin bago mo ako tuluyang iwan. Feeling ko nun kaya ko na pag-umalis ka.

Hanggang sa sinabi mo ngang ayaw mo na. Sa kung ano mang naisip mong dahilan kung bakit ayaw mo na.

Ang weird lang, kahit sobra-sobrang paghahanda na ang ginawa ko sa pag-alis mo masakit parin pala. Masakit paring maiwan. Wala yata talagang makakapaghanda sa atin sa mga paalam kahit hindi ito biglaan.

Biyernes, Abril 20, 2018


Ilang oras na silang hindi nagkikibuan. Walang may gustong magsabi ng saloobin nila sa nangyari kanina.

Ilang oras pa ang lumipas... 'magluto ka na, nagugutom na ako.'

Gusto pa nya sanang magmatigas pero gutom na rin sya. Bumangon sya sa pagkakahilata at naghanda na mailuluto. Inilabas sa freezer ang mga nahiwang manok at ibinabad sa tubig para lumambot. Naghiwa ng sibuyas, luya at bawang na gagamitin sa pagsangkutya.

Pagkatapos ay tinignan nya kung ano ginagawa ng kinakasama nya na kanina'y nakatingin lamang sa kawalan habang naninigarilyo.

Pinainitan ang kawali, naglagay ng mantika at sinimulan na nyang mag-gisa. Inuna ang sibuyas para hindi masunog kaagad ang bawang. Pagkatapos ay inilagay nya ang luya. Habang hinahalo-halo nya ang mga ito ay naglalaro sa isip nya ang mga salitang gusto nyang sabihin. 'ayoko na, basta ayoko na', 'the feeling is gone' - na hindi nya alam kung saang pelikula nya nagaya.

Nang mag amoy mabango na ay inilagay na nya ang pinalambot na manok. Naglagay ng asin, patis at paminta. Hininaan nya ang apoy at nagsindi ng sigarilyo. 'Baka nabibigla lang ako, pero tang ina kasi eh' sabi nya sa sarili nya. kumuha sya ng isang basong tubig at nilagay sa kawali.

Pinuntahan sya ng kanyang kinakasama at nagtanong kung okay lang sya. Hindi nya ito kinibo. Hindi nya alam kung anong sasabihin nya.

Pagkaluto ng manok ay inilagay nya ang dahon ng sili. Tinikman ang sabaw. Matabang. Nilagyan ng konting asin at patis. Umalat. Tang ina. Pinatay nya ang kalan. 

Inisip nya kung ano bang gusto nyang gawin tungkol sa kanilang dalawa. Inisip nya kung paano nya sasabihin at kung ano ang sasabihin nya. Nagsindi ulit sya ng yosi. Saktong dating na kinakasama nya para kumuha ng plato at kutsara. Hindi sya kinibo nito. 

Pinatay nya ang kakasindi pa lamang na yosi at muling binuksan ang kalan. Tinimpla ng maigi ang sabaw. Madami syang gustong sabihin sakanya habang sya'y nagluluto. Pero hinayaan na lang muna nya, ayaw nyang mag lasang punyeta ang kakainin nilang dalawa.