Linggo, Mayo 21, 2017

Hindi ko mapigilan ang ngiti ko sa tuwing naaalala ko yung mga pinag-gagawa natin.

Tatatambay tayo sa linear park, uubos ng ilang stick ng yosi tapos magkahawak kamay na papasok sa klase.

Kakain ng mga ihaw-ihaw sa kahabaan ng teresa tapos makikipag patintero sa mga jeep sa stop and shop.

Lalakad papuntang farmers at mag-aabang sa paborito nating bus, yung kellen. Maghihintay tayo hanggang alas-diyes maka tyempo lang ng may mauupuan. Pag nakasakay na, isasandal mo ang pagod mong katawan sa akin at matutulog.

Natutuwa talaga ako pag naaalala ko yang mga yan nung bumabyahe pa ko papasok.

Pero simula nung umalis ka at di na bumalik, naging masakit na ang mga alaala.

Sabado, Mayo 20, 2017

Bakit hihintayin ang di naman nag paalam?

Tatlong taon na ang nakakaraan. Linggo sa Luneta, 6:19 ng hapon.
Kulay kahel ang langit.
Sa may chess plaza. Madaming lamesa na may ukit ng chess board pero sa apat lang ang ginagamit. Mas madami ang mga miron kesa sa mga naglalaro.
Sa upuan sa gilid ay may mga nagdedebate tungkol sa kinahantungan ni Bobby Fischer. Kung nabaliw daw ba sya sa dahil sa sobrang galing o talagang nabaliw lang. Paos at inuubo-ubo na yung dalawang nagdedebate, sa palagay ko'y kanina pa nila ito pinagtatalunan, ubos na ang laman ng mineral water sa tabi nila at nagkalat din ang mga basyo ng sigarilyo sa lapag.
Sa di kalayuan ay makikita ang mga turista, mag jowa, at magkakapamilya na namamasyal sa may Luneta. Meron ding mga nagtitinda ng kung anu-ano at nag aalok na kukuhanan ka ng litrato sa halagang isang daang piso.
Maingay ang paligid dahil sa mga miron, mga naglalaro at nagdedebate. Maririnig din ang mga busina ng sasakyan sa di kalayuan pero dinig ko parin ang tibok ng kabado kong puso.
Ako: Magiging okay pa ba tayo?
Siya: Hindi ko alam,
Ako: Hihintayin kita.
Hindi sya sumagot. Bumitaw sya sa pagkakahawak ko sakanya at naglakad papalayo habang naiwan akong nakaupo at tinitignan ng mga miron.

Linggo, Pebrero 26, 2017

When in bolinao

Kahapon nasa Bolinao ako. Naalala kita. Naalala ko yung mga napagkwentuhan natin nung minsang lasing tayo sa beer sa Cubao Ex. Sabi mo ibili kita ng two piece at papayag kang ihiga kita sa puting buhanginan ng Batangas, Pangasinan, at kung may budget ay sa Bora. Sabi mo sisimulan mo na ang pagda-diet para naman maging kaaya-aya kang tignan sa two piece na bibilhin ko. 

Ang tutoo'y kaya mo lang sinabi yun nung araw na yun ay alam mong wala akong perang pambili ng two piece mo at ayokong magpunta sa mga beach. Mas gusto kong umakyat sa bundok at maputikan kesa gumawa ng mga kastilyong buhangin at mag tampisaw sa dagat.

Pero alam mo, kahapon habang naglalakad ako sa dalampasigan na may hawak na beer, sabi ko masaya din pala sa beach. Hindi ko nga lang alam kung dahil ba yun sa tunog ng hampas ng alon, kapayapaan ng gabi, ng malamig na malamig na beer na nasa kamay ko o ng alaala na nagsasabing papayag kang ihiga kita sa puting buhanginan ng Batangas, Pangasinan o pag may budget ay sa bora.

Martes, Enero 10, 2017

Sirang body clock

Sa hindi malamang dahilan, ginigising parin sya ng kusa ng kanyang katawan sa tuwing sasapit ang alas-tres ng umaga. Sisilip sya sa bukas na pinto ng kanyang kwarto upang tignan kung may nakatingin sakanya. Ganun daw kasi yun, magigising kang bigla kapag may nakatingin sayo. Matatakot sya ng panandalian at muling hihiga. Lilipat sa kabilang pwesto. Magbabaliktad ng unan, hahatakin ang kanyang kumot pataas upang bigyan ng hangin ang kanyang isang paa. Hindi parin sya makatulog sa kakaisip kung bakit sya nagigising ng kusa. Marahil dahil natutulog sya tuwing lunch break sa kanilang opisina, o maaga syang nakatulog nung gabi. Hindi naman sya gutom at hindi rin naman malamok ang kanyang maliit na kwarto. Sa ganitong oras dumarating ang mga kakaibang ingay. Naririnig nya ang pintig ng kanyang puso sa unan, rinig na rinig nya ang pagtakbo ng oras, parang rumaragasang jeepney ang tunog ng kanyang electricfan na syang tumatangay sa kanyang isip papunta sa lugar na hindi kayang puntahan ng kanyang katawan sa ngayon. Dadako ito sa mga mall, sa terminal at sa iba pang lugar kung saan marami syang alaalang masaya. Lilipat sya muli ng pwesto. Sasandal sa may malamig na pader habang may kayakap na unan. Aasa na sana'y dalawin sya ng antok imbes ng mga alaala ng nakaraan.

Sabado, Disyembre 17, 2016

SMP

Dumating na ang tag-lamig. Ibang klase ang simoy ng hangin na naghahatid ng mga alaalang pilit mang kalimutan eh parang mga video na nagpa-flashback sa aking isip.

Magpapasko na pala. Mahigit apat na tatlong taon na ang nakalipas. Ganito rin ang panahon, malamig. Nung akala ko eh hindi ako marunong masaktan.

Martes, Oktubre 18, 2016

Kwentong lasing

Tatlong taon na halos ang nakalipas heto parin sila sa mga tanong na ‘ano ba kasing nangyari sa inyo?’
Umiikot na ang kisame. Punit na ang mga itsura ng mga kainuman ko. Hindi ko na maalalang nagsindi ako ng yosi, naiwan ko na itong nauupos sa may ashtray, tingin ba nila naaalala ko ba yung nangyare tatlong taon na halos ang nakakalipas? Pero hindi ko sila pwedeng biguin. Kilala ako bilang bangka sa kahit sang inuman kaya binigyan ko sila ng isang kwento.
Paano mo malalamang mahal mo sya?
May tatlong magkakaibigang pawang mga lasing ang nakaupo at nagpapalipas ng kanilang tama sa silong ng mangga. Dahil nga pawang mga lasing, kung anu-ano ang kanilang mga napag-uusapan. EJK, Trapik sa EDSA, Sex video ni Delima at kung gano kagaling si Presidente DU30. Tumagal ang usapan sa nahuling nabanggit at napagpasyahan nilang kahit gano nga kagaling ang nasabing Presidente ay kupal parin sya, kaya nag-usap na lang sila tungkol sa pag-ibig.
Ang dalawa sa tatlong magkakaibigan ay pawang mga walang jowa kung kaya’t tinanong nila ang kanilang kaibigan, ‘pano mo malalaman kung mahal mo ang isang tao’
Nag-isip ng malalim ang tinanong. Inisip nya ang mga ginawa nya para sa kanyang nobya,(na nang-iwan din sakanya) sa tagal ay halos makatulog na ang dalawa nyang kasama. Bago pa man tuluyang makatulog ang dalawa, sya ay nag wika, “hindi ko alam. Ang alam ko lang nun ay mahal ko ang sarili ko kaya ayaw ko syang mawala at di naglaon ay minahal ko na sya kaya pinabayaan ko na syang umalis”
Hindi nabilib sa kwento ko yung mga kasama ko kaya natulog na lang sila.

Huwebes, Setyembre 15, 2016

Kung bakit hindi na kita sinuyo

Paubos na yung isang bucket natin nung nagsimula kang bumangka. Mahilo-hilo na din ako nun. Ang layo kasi ng pinanggalingan ko tapos sinundo pa kita sa technohub bago tayo tumuloy sa expo.
Hilong-hilo ako sa paulit-ulit mong pagbabanggit na bias ang media. Napanay puna sila sa kasalukuyang pangulo dahil nabayaran sila.
Sumakit ang ulo ko sa mga paratang mo na bayaran yung mga taong ayaw magpalibing kay Marcos sa libingan ng mga bayani. SInabi mo pa na katulad ko ay dapat ding mag-move on na ang mga taong yun dahil sobrang tagal na ng pangyayaring yun. Idinugtong mo pa na mapagpatawad ang Diyos sa kahit sino man, kaya dapat ding patawarin na si Marcos sa mga nagawa nya noon.
Sukang-suka ako nung narinig ko ang mga sumunod mong sinabi. Ang mga komento mo sa mga kritiko ng pangulo. "DILAWAN!. King inang mga yan, nagsisimula na sila sa PLAN B nila. Tignan mo ngayon may "testigo kuno" pa si De Lima." Ang saloobin mo tungkol sa extajudicial killings, "Ano naman kung madaming mamatay eh adik naman yun? dapat lang sakanila yun kesa madaming masirang buhay dahil sakanila"
Inaya talaga kita ngayon dahil espesyal ang araw na to para sakin. Balak ko sanang muling makipagbalikan sayo, kasi aminin ko, hanggang ngayon mahal parin talaga kita. Pero nung narinig ko yung mga sinabi mo, King ina wag na lang.
Inubos ko ang laman ng bote ko, at kung pwede lang talagang ipalo ko sayo yun, ipinalo ko na.