Biyernes, Oktubre 29, 2021

 Akala mo ata nung sinabi kong 'pero pag talagang nagpasama ka nun, sasamahan kita hanggang sa buwan, charot' ay nagbibiro ako. May mga bagay lang na mahirap sabihin kapag sa chat lang.

Pero nung gabing yun, kung talagang inaya mo kong samahan ka sa kung saan ka man pupunta ay talagang sasamahan kita. Kahit saan pa yan na gusto mong puntahan. Sasamahan kitang maglakad mula Pecson hanggang Savanno kahit tirik ang araw, tanghali ka lang kasi pwedeng lumabas at bawal abutin ng hapon. Sasamahan kita sa iyong pag-iisa. Hindi kita kakausapin, hindi kita kukulitin, hindi ako gaanong didikit sayo dahil sabi mo nga hindi ka sanay sa mga tao. Sasamahan kita hanggang gusto mo akong samahan ka. 

Sa ngayon hahayaan muna kitang mag-isa sa mga gusto mong puntahan. Next time wala ng charot charot. Sasamahan talaga kita. 

Linggo, Agosto 8, 2021

 Naaalala ko dati pupunta ko dito para magsulat kapag nalulungkot ako. Ngayong madaling araw nagsusulat ako kasi natatakot ako sa mga naiisip ko. Napapagod na ko sa buhay ngayon. Sobrang hirap. Di basta-basta mapupuntahan yung mga gusto mong puntahan, di mo basta-basta pwedeng makasama yung mga gusto mong makasama. Araw-araw kada lalabas ako lagi akong takot na baka pag-uwi ko may nadampot na kong sakit sa kung saan tapos mahawaan ko pamilya ko. Hindi maalis yung ganung takot kahit ako nag-iingat sa araw-araw. 

Nakakapagod yung ganung iniisip araw-araw. Ito yung mga klase ng pagod na di kaya ng basta pahinga lang.