Martes, Enero 10, 2017
Sirang body clock
Sa hindi malamang dahilan, ginigising parin sya ng kusa ng kanyang katawan sa tuwing sasapit ang alas-tres ng umaga. Sisilip sya sa bukas na pinto ng kanyang kwarto upang tignan kung may nakatingin sakanya. Ganun daw kasi yun, magigising kang bigla kapag may nakatingin sayo. Matatakot sya ng panandalian at muling hihiga. Lilipat sa kabilang pwesto. Magbabaliktad ng unan, hahatakin ang kanyang kumot pataas upang bigyan ng hangin ang kanyang isang paa. Hindi parin sya makatulog sa kakaisip kung bakit sya nagigising ng kusa. Marahil dahil natutulog sya tuwing lunch break sa kanilang opisina, o maaga syang nakatulog nung gabi. Hindi naman sya gutom at hindi rin naman malamok ang kanyang maliit na kwarto. Sa ganitong oras dumarating ang mga kakaibang ingay. Naririnig nya ang pintig ng kanyang puso sa unan, rinig na rinig nya ang pagtakbo ng oras, parang rumaragasang jeepney ang tunog ng kanyang electricfan na syang tumatangay sa kanyang isip papunta sa lugar na hindi kayang puntahan ng kanyang katawan sa ngayon. Dadako ito sa mga mall, sa terminal at sa iba pang lugar kung saan marami syang alaalang masaya. Lilipat sya muli ng pwesto. Sasandal sa may malamig na pader habang may kayakap na unan. Aasa na sana'y dalawin sya ng antok imbes ng mga alaala ng nakaraan.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)