Biyernes, Abril 20, 2018


Ilang oras na silang hindi nagkikibuan. Walang may gustong magsabi ng saloobin nila sa nangyari kanina.

Ilang oras pa ang lumipas... 'magluto ka na, nagugutom na ako.'

Gusto pa nya sanang magmatigas pero gutom na rin sya. Bumangon sya sa pagkakahilata at naghanda na mailuluto. Inilabas sa freezer ang mga nahiwang manok at ibinabad sa tubig para lumambot. Naghiwa ng sibuyas, luya at bawang na gagamitin sa pagsangkutya.

Pagkatapos ay tinignan nya kung ano ginagawa ng kinakasama nya na kanina'y nakatingin lamang sa kawalan habang naninigarilyo.

Pinainitan ang kawali, naglagay ng mantika at sinimulan na nyang mag-gisa. Inuna ang sibuyas para hindi masunog kaagad ang bawang. Pagkatapos ay inilagay nya ang luya. Habang hinahalo-halo nya ang mga ito ay naglalaro sa isip nya ang mga salitang gusto nyang sabihin. 'ayoko na, basta ayoko na', 'the feeling is gone' - na hindi nya alam kung saang pelikula nya nagaya.

Nang mag amoy mabango na ay inilagay na nya ang pinalambot na manok. Naglagay ng asin, patis at paminta. Hininaan nya ang apoy at nagsindi ng sigarilyo. 'Baka nabibigla lang ako, pero tang ina kasi eh' sabi nya sa sarili nya. kumuha sya ng isang basong tubig at nilagay sa kawali.

Pinuntahan sya ng kanyang kinakasama at nagtanong kung okay lang sya. Hindi nya ito kinibo. Hindi nya alam kung anong sasabihin nya.

Pagkaluto ng manok ay inilagay nya ang dahon ng sili. Tinikman ang sabaw. Matabang. Nilagyan ng konting asin at patis. Umalat. Tang ina. Pinatay nya ang kalan. 

Inisip nya kung ano bang gusto nyang gawin tungkol sa kanilang dalawa. Inisip nya kung paano nya sasabihin at kung ano ang sasabihin nya. Nagsindi ulit sya ng yosi. Saktong dating na kinakasama nya para kumuha ng plato at kutsara. Hindi sya kinibo nito. 

Pinatay nya ang kakasindi pa lamang na yosi at muling binuksan ang kalan. Tinimpla ng maigi ang sabaw. Madami syang gustong sabihin sakanya habang sya'y nagluluto. Pero hinayaan na lang muna nya, ayaw nyang mag lasang punyeta ang kakainin nilang dalawa.