Miyerkules, Oktubre 30, 2019

Naglaho syang parang usok ng kanyang marlboro lights. Hindi nakikita pero alam mong nanjan at patuloy paring pinatay ang yong kaloob-looban

Huwebes, Hulyo 4, 2019

Namimiss kita, pero...

Tinanong ako ng kainuman ko kagabi kung anong hihilingin ko kung sakaling may lumabas ngang genie pagkiniskis nya yung takureng lalagyanan namin ng chaser.
Naisip agad kita nun. Siguro dahil July na ngayon at madami tayong masayang ala-ala sa buwan na ito. O pwedeng namiss lang kita at ang iyong kwarto dahil tag-ulan? Ewan ko hindi ko alam.
Siguro nga namiss kita at ang mga masasaya nating ala-ala pero hindi ko hihilingin na bumalik yun. Kung sakali mang may lumabas nga na genie sa takureng lalagyanan namin ng chaser hihilingin kong sana magkatubig na. Para hindi sa takure ilalagay ang chaser at hindi sa hiniwang bote ilalagay ang inumin.

Huwebes, Mayo 23, 2019

Mga masakit na ala-ala tuwing May 24









Sa araw na to, mas natandaan ko pang pinagluto kita ng spaghetti at nagyosi tayo sa ikatlong palapag ng dorm namin kesa sa nangyaring gyera sa marawi nung nagdaang taon. Ganun ka naging kaimportante sakin.
Sampung araw bago mawasak ang Marawi tiyak kong masaya at kontentong naninirahan ang mga tao doon, walang kamalay-malay sa delubyong sasapitin at pagdudusahan nila hanggang sa susunod pang mga taon. Katulad din na masaya pa kong nag-iinom noon, limang taon na ata ang nakakalipas nang sabihin mong ayaw mo na.
Pero katulad ko, sigurado akong magiging maayos din ang kalagayan ng mga tao sa Marawi. Maaayos ang mga nasira, makakabangon ang mga natumba. Hindi man maibabalik ang mga nawala, patuloy silang mabubuhay. Sasaya at liligaya.
Darating man muli ang buwan ng Mayo kasama ng mga ala-ala nung nagdaang taon, sigurado ako, kagaya ko, patuloy silang mabubuhay at magiging masaya sa kabila ng mapapait at masakit na ala-ala

Martes, Abril 30, 2019

Reasons

Halos isang buwan na kong hindi makatulog ng maayos. Dahil siguro sa pagbabawas ko ng alak sa gabi kaya wala ng pampaantok. Pwede ring nakakatulog na kasi ako ng tanghali kasi nag resign na ko sa trabaho't wala ng ganong ginagawa.

O baka dahil sa huli nating pagkikita. Hindi ko alam bakit sa tuwing aayain mo kong lumabas kahit na alam kong hindi naman tayo mag uusap ay pumapayag parin ako. Nagbawas na din ako ng sigarilyo ko pero kapag ikaw ang nag aalok hindi ako makatanggi.

Hanggang ngayon malakas ka parin sakin. Malakas parin ang tama ko sayo? Yun na lang iniisip ko. Kaya ngayong gabing hindi ako makatulog ikaw ang sisisihin ko.

ikaw at ang amoy ng sigarilyo mong hanggang ngayon nakakapit parin sa suot ko. Baduy. Gusto ko lang talagang isulat yung naisip ko bago ko matulog ngayong gabi; at sa gabing hindi makatulog ang nasa isip ko'y ikaw.

Makakatulog na siguro ako neto

Biyernes, Marso 8, 2019

Sabi nya..

Yayakapin ka ng pag-iisa at kalungkutan pero Hindi ibig sabihin nun na hindi mo makukuhang maging masaya. Madami pa dyang iba.
Pinatay nya ang sindi ng kanyang yosi, kinuha ang kanyang mga gamit at muli nya akong iniwang mag-isa. Hindi ko na nasabing ayoko sa iba. Ayoko ng iba.