Biyernes, Marso 20, 2015

4th Floor West Wing.

2011 buwan ng marso. Kasagsagan yun ng tuition fee increase. Madaming mga estudyanteng lumahok sa kilos protesta kahit hindi sila aktibista. "LAHAT NG SIRANG GAMIT SA ITAAS ITAPON NYO PABABA" sigaw ng isang lider ng grupo. Sinimulan ng isa. Upuang walang arm chair. Upuang walang sandalan, at upuang hindi na pwedeng upuan. Tapos may CPU na din, type writer na kasing edad ata ng lola ko, inodoro (ewan ko kung pano nila kinuha) pinto, lamesa. Lahat ng walang pakinabang at hindi na pwedeng ayusin sinira na. 

Magulo ang paligid. Maingay. Madaming sumisigaw, madaming galit, yung iba nakiki-uso lang. May media, may pulis, may tambay, halo-halo yung tao. Chambang nakita kita. Sa 4th floor, West Wing. Nakamaong, simpleng t-shirt, di ko na mantadaan kung anong kulay. Sa totoo lang hindi ko matandaan kung kelan yung eksaktong araw kaya ang nilagay ko na lang eh '2011 buwan ng marso.' 

Sumilip ka pababa naiingayan ka siguro? Hindi ko mabasa sa mukha mo kung naiinis ka ba sa ginagawa nila/namin o nakikisimpatya ka samin. Walang ka emo-emosyon sa mukha. Ako naman nawala yung pagkahype ko. Parang nag slow mo ang lahat. Parang pelikula. Yung mga bumabagsak na upuan eh nagdahan-dahan. Dahan-dahan. Hanggang sa tumama sa lupa, tatalbog ng konti tapos saka maghihiwa-hiwalay. Yung sigawan at ingay nung mga tao parang hindi ko na naririnig. Parang nagfe-fade ng dahan-dahan. Nagzoom in yung mukha mo. Ang ganda sa kahit anong anggulo. Tapos pakiramdam ko nag-grey scale yung paligid. Tayo lang yung colored. Tayo lang gumagalaw. 

Naramdaman ko na to. Hindi nung high ako sa weeds ha? Alam ko to sigurado ako. Na love at first sight ako. (puta ang corny)

Natapos ang eksena. Tinapik ako ng kasama ko. Hinigop ako pabalik sa realidad. Mabilis na ulit na nagbabagsakan yung mga upuan. Maingay ulit yung paligid. Colored na yung mga tao. Hindi na naka zoom in yung paningin ko sayo. Hindi na kita makita. Wala ka na sa scene. Parang sumigaw yung direktor ng CUT. 

1 komento:

  1. Every word lingers. Habag binabasa ko, nagpeplay yung scene sa utak ko.

    TumugonBurahin