Linggo, Mayo 17, 2015

Paglimot

Meron akong listahan ng mga kaibigan ko.
Konti lang naman kasi sila. Andun sa listahan
si Nathan Casuga na nagturo sakin ng maraming bagay.
At si Mar San Diego na nagsasabing ang galing kong sumulat.
hindi ako magaling sumulat, madamdamin lang ako.
Nung nakaraang Disyembre umakyat ako sa norte
at bumili ng kuwintas na ibibigay ko sa isang espesyal na tao.
Limang buwan na ang nakalipas nandun parin sa aparador ko
yung kuwintas at hindi ko na malaman kung para kanino ko yun ibibigay.
Wala sya sa listahan ng mga pangalang meron ako.
Walang nagsabi sakin na ganito lang pala kadaling lumimot.

Sabado, Mayo 9, 2015

Asymptotes


Nagsimula tayong hindi magkakilala. Hu u ako sayo, hu u ka sakin. Naging magka-row tayo sa seating arrangement pero kahit kailan hindi tayo nag-usap. Nagkakadampian ng kamay kapag nagpapasa ng papel o notebook, nagkakatinginan pero hanggang dun lang.

Natapos ang isang sem tapos kaya hindi na ulit kita napansin. Nasa likod na kasi ako ng klase at ikaw naman nasa may bandang gitna. Kung hindi pa nagkaroon ng sabayang pagbigkas talagang hindi tayo magkakausap. 

Naalala ko nun nahihirapan akong magkabisa ng linya nun, tapos tuwing break time tinutulungan mo ko. Nung una naiirita talaga ako, pakiramdam ko nahihinaan ka sakin. Pero hindi pala, hindi mo rin pala makabisa kaya kailangan mo ng kasabay magpractice.

Practice. Practice. Kain tayo? Tanong ko. Narinig ko kasing kumakalam yung sikmura mo. Hindi ka na nakatanggi. 

Unang beses nating magsabay kumain. Medyo awkward. Nagpapakiramdaman tayo kung susubo ba ng pagkain, magkukwento o sasagot sa kwento ng isa't isa. Nakakalito. Hindi pa kasi natin gamay ang galawan ng isa't isa. Nagkakatamaan ng siko, nagkakasagian ng kamay kapag kukunin yung bote at iinom. Pero nairaos naman natin. Nasundan pa ng madaming beses na pagkain ng sabay kahit tapos na yung sabayang pagbigkas. Nagkakataaman parin ng siko at kamay pero iba na ngayon, sinasadya ko na. Sinasadya kong sagiin ang maputi mong siko at malambot mong kamay. Minsan nga hindi lang kamay natin ang nagtatama, pati yung mga mata natin. Inisip kong may pagtitinginan tayo sa isa't isa.

Dumalas ng dumalas. Hanggang sa naging routine. Naalala ko, ganito ako natutong mag yosi. Patikim-tikim lang tapos nasanay, tapos hinahanap-hanap na. Parang kulang ang maghapon kapag hindi nakapagpa-usok. Ganun din kapag hindi kita nakasama sa buong araw. Merong isang beses hindi ko napigilan yung sarili kong sabihin sayo yun. Na parang kulang ang araw ko pag wala ka. Ngiti lang ang sinagot mo, pero kinabukasan pagkatapos ng World Literature natin eh tumitingin ka sa upuan ko, senyales na sabay tayong kakain o tatambay tayo ng magkasama.

Smooth na yung pag-uusap natin. Kumbaga sa makina, uminit na. Tuloy-tuloy na ang andar. Dere-deretso ang takbo ng usapan, kung minsan nga kung saan-saan na napupunta. Sa pulitika, relihiyon, lipunan, at seks. Dun ko nalaman na hindi ka lang pala maganda, may sense ka rin palang kausap. Naisip ko pwede kang dalhin sa inuman namin, ganun kasi ang madalas na usapan. Hindi yung seks ha? 

Mula sa mga ganung usapan napadpad tayo sa kwento sa buhay-buhay natin. Alam mong only child ako at alam ko ding bunso ka. Parehas may kaya ang pamilya natin at hindi naman istrikto sa pakikipagrelasyon. Nalaman kong madami tayong pagkakapareho. Parehas nating ayaw ng gulay, parehas tayong utusan sa bahay (bunso ka at nag-iisang anak ako) parehas tayong napilitan sa kurso natin, at parehas nating gusto ang isa't isa. 

Nasa punto na tayo ng magkasama tayo maghapon, magkateks pagkauwe at magkatawagan hanggang madaling araw. Naikwento na ang lahat ng kwento at nasabi na ang lahat ng gustong sabihin at gustong marinig. Pormalisasyon na lang ang kailangan sigurado kong tayo ng dalawa.

Tumetyempo lang ako ng araw kung kailan ko hihingiin ang matamis mong oo. Nasa timing daw ang sikreto. Parang planong raid ng mga pulis at militar, Sopistikado. Kailangang isaalang-alang ang oras, araw, dami ng tao, lugar at iba pang mga salik na pwedeng makasira sa magandang plano. 

Hanggang sa nagtanong na yung bespren ko kung tayo na ba. Gusto kong sabihing oo, kaso hindi pa. Nagulat ako nung sinabi nyang 'ilakad mo naman ako' tang inang pilay to sabi ko na lang sa isip ko. 

Hanggang sa tatlo na tayong tumatambay, at kumakain. Bumalik yung awkwardness. Hindi na tayo nagkakasagian ng kamay at siko, may espasyo na kasi sa pagitan natin. Hindi tayo kasyang tatlo sa pangdalawahan na upuan kaya dun na lang ako sa tapat nyong dalawa. Nagkakatitigan pero walang masabi. Nagkakakwentuhan pero hindi na nagkakatinginan. 

Pagkatapos nun nalaman ko na kayo sinagot mo na sya. "Bakeet??" 

sabi mo hindi ka kasi sigurado kung gusto ba talaga kita o hindi. Pakiramdam mo para kang isda na nahuli sa pain ng mangingisda at nag hihintay hulihin. Nakakagat sa kalawit pero nasa tubig parin. Komportable kasi nasa tubig parin pero nasasaktan dahil nakakagat sa kalawit. Mahirap maghintay sabi mo. Hindi ko nakuhang magalit sayo. Ipinagpalagay kong isda ka nga at ako yung mangingisda. Namingwit ako para makahuli ng isda, nung may kumagat hindi ko hinatak. Para kong pinahiya yung isdang isinugal yung buhay nya sa pagkagat sa kawit tapos hindi ko pinansin. Kumawala man ang isda alam kong nasaktan parin yun. At eto ako, malungkot, dahil walang huli. Uuwi sa bahay, tatagay ng gin.

"Maging masaya sana kayo" pabitter kong sinabi. Alam ko namang hindi kayo magiging masaya. Alam kong ako ang mahal mo. Alam mo ring mahal kita. 

Kaya tuwing may bakante kang oras sakin ka sumasama. Kumakain, nagkukwentuhan, magkateks at magkatawagan. May kinukwento ka sakin na hindi mo ko kinukwento sakanya, at may kinukwento akong hindi ko kinukwento sa iba. Alam nating mahal natin ang isa't isa pero hanggang dun na lang yun at hindi na hihigit pa.

Martes, Mayo 5, 2015

Anlupet ng kasaysayan.


"Kung patuloy mong babalikan ang nakaraan bakit hindi ka mag Major in History?" 

Nakakatawang tanong na nabasa ko kanina habang lunch break sa trabaho. Natawa kasi ako, naalala ko yung kurso ko. Bachelor of Arts Major in History. Kaya siguro paulit-ulit ako sa pag-alaala ng nakaraan. Since lunch break naman at masarap mag muni-muni pagkatapos ng dalawang istik ng yosi, sinagad ko na ang pagiging History Major ko. 

May 6. Anim na araw bago mo ko hiniwalayan. May 6 din ng isinuko ng mga Pilipino at Amerikano yung Corregidor sa mga Hapon. 

Napaisip ulit ako bigla. Teka, History Major ka din nga pala. Nung May 6 nung nakaraang taon kaya alam mong isinuko ang Corregidor sa mga Hapon? Yun ba ang nag trigger para isuko mo na rin yung relasyon natin? 

Kaliwa't kanan ang nagaganap na bombahan sa Corregidor nung mga panahong yun. Nagkaroon ng din ng blockade para walang makapasok na supply ng armas, bala at pagkain sa mga tropang Kano at Pinoy. Mahirap ang sitwasyon at hindi naman kaduwagan ang pagtanggap ng pagkatalo at pagsuko. Halos parehas din pala ng sitwasyon natin. Madalas ang away natin nun, hindi rin nagkakausap kahit magkasama at hindi nagkakateks kapag magkalayo. Taena, yun nga siguro yun. 

Bumalik ulit ako sa nangyari nung nakaraang taon. Kailangan ko ng datos. Kinuha ko yung couple phone natin binalikan ang mga mensahe mula Mayo 6-12. May nakita ako. Pero kailangan pa ng other resources. Binuksan ko ang Facebook ko. Binasa ang mga mensahe sa parehas na petsa. 

May 6 nung unang beses mong sinabi na ayaw mo na. (Kasabay ng pagsuko ng Corregidor sa mga Hapon)
May 8 nung sinabi mong maghiwalay na tayo. (Kasabay ng pagkakapasa ng RA.4867 kung saan hinahati ang Davao sa Tatlo)

Napayosi pa ako ng isa bago matapos ang oras ng lunch ko. Hindi nauulit ang kasaysayan pero ang lupit ng pattern nito.

Biyernes, Mayo 1, 2015

Pagkamatay ni Rolly

Naaalala mo ba kung pano ka namatay? Tanong ni San Pedro.

Hindi gaano. Alam ko lang nakita ko sya, kahit bawal may kung anong nagtulak sakin para lapitan sya. Masyado syang mataas hindi ko sya maabot kaya umakyat ako sa mataas na lugar. Nadulas ako, mahuhulog na ko. Pumikit ako, sabi ko sa sarili ko lilipad ako. lilipad ako. At nakalipad nga ako! Lumipad ako papalapit sakanya. Pero natakot sya sakin. Sigaw sya ng sigaw. Malakas na sigaw. Tinuloy ko parin ang paglapit, hihingi sana ako ng tawad. Pero bago ako makalapit may nakita akong tsinelas sa ibabaw ko. Tapos pag gising ko andito na ko. Sad.