Biyernes, Oktubre 30, 2015

10/24/2015

Masyadong malungkot ang oktubre ko kaya inisip na lang kita.
Ikaw at ang yong kulot na buhok.
Ikaw at ang yong manipis na kilay.
Ikaw at ang yong may brace na ngipin.
Ikaw at ang yong payat na hita.
Inisip kita habang nagbabasa ako ng mga sinulat ni Essa, ang sabi nya’y hindi nauubos ang kalungkutan, nasa upos ito ng sigarilyo, sa mga bote ng alak na walang laman, nasa hangin, kahit saan nandun ang kalungkutan.
Inisip kita habang pinapakinggan ko ang bago kong paboritong kanta, eroplanong papel.
Inisip kita habang nakatulala ako sa bintana ng Kellen sa kahabaan ng Commonwealth.
Iniisip kita habang nasa trabaho ako kapag hindi ko kinukupal yung boss ko. Kamusta ka kaya? Masaya ka ba ngayong oktobre? Naalala mo kayang tatlong taon na sana tayo?
Inisip ko na lang na masaya ka ngayon, dahil lagi mo ngang sinasabi, walang dahilan para maging malungkot ka.
Inisip ko yung noon, yung ngayon, inisip kita, tang inang oktobre to. Malungkot talaga.

Sabado, Oktubre 24, 2015

Naisip kong sa huling sandali ng iyong buhay ay nakangiti ka.
Tineks mo sila at nung hindi sila nagreply ay tinapon mo ang yung cellphone sa lapag kasabay ng buntong hininga. Pagkatapos nun ay ngumiti ka ng mapait.
Sa sandali ng yong pag iisa ay nakita mo ang kamatayan. Niyakap mo sya't nagpasalamat dahil hindi ka nya pinabayaang mag isa.
Isinuot mo ang tali sa iyong leeg, tumingin muli sa cellphone, wala paring tugon, nag wika ng dasal pagkatapos nun ay nilamin ng dilim ang buong pateros.

10/23/14

Tinangka mong burahin lahat ng yong bakas. Lumabas ka ng bahay para magbayad ng utang.
Pag uwi mo sa inyong bahay nakita mo ang mahal mong ina na naglalaba. Tinulungan mo sya hanggang sa pagsasampay. 'Nakatulong na ko sa kapwa, okay na po siguro to di ba?' Sabi mo sa hindi nakikitang kausap.
Pumasok ka ng bahay. Nagpalit ng password. Nagbura ng history sa google. Nagpunta ka sa kwarto at nagpatugtog ng malakas. Sigurado kang nabura mo lahat ng yong bakas.
Pero nagkamali ka. Ikalawang taon na pero tanging kandila parin ang nagbibigay ng liwanag sa isang bahay sa pateros.

Huwebes, Oktubre 8, 2015

10/05/15

Hindi ko alam kung bakit kita kasama dito. Sigurado akong iniwan ko na ang lahat ng hibla ng alaala mo nung huling naglasing ako sa Expo.
Tahimik akong nakaupo nang mapinsin mo ako. Lumapit ka at nagtanong ng ‘kamusta?’ gulat ako at walang maisagot.
Umupo ka sa tabi ko at nagkuwento. Hindi ko maalala kung ano. Masyado akong gulat, nag iislow-mo ang lahat, nakatingin lang ako sayo habang nagsasalita ka. Paminsan-minsa’y naghahawi ng buhok mong hinahangin. Gustong-gusto ko talagang tinitignan kung pano mo yun iniipit sa likod ng iyong tenga, may kaunting hibla ng buhok na kakawala na syang lalong nagpapaganda sayo.
Nagsindi ka ng yosi at nagtuloy sa pagkukwento. Tulala parin ako sayo. Hindi ko namalayang tapos ka na pala sa mga sinasabi mo.
‘Sasama ka ba?’ Tanong mo sa akin. Hindi ako nakasagot. Tumayo ka, naglakad papunta sa gilid ng buruwisan falls. Tumayo ako at sumunod sayo.
‘Saan tayo pupunta?’
‘Magtiwala ka lang’ sabay hawak sa kamay ko, nang makutuban mong hindi ako sasama sinabi mo..
‘Huwag kang matakot’
Bumitiw ka sakin at nagpakatihulog, sumunod ako. Ngumiti ka.
Nagpakatihulog tayong dalawa.
Nahulog ako sakanya, nahulog ka sa iba.
Nagising akong nakangiti. Ito na ang aking paglaya

Lunes, Oktubre 5, 2015

Para sayo, eto ka ../..

Ilang beses ko bang uulit-ulitin sayo? History Major ako.

Wala akong pakialam sa pagkumplikado mo ng mga bagay-bagay -- sa pagluluto ng adobo, pag gawa ng pastillas, paglalakad, pagkahulog ng kung anu-anong mga bagay.

Kaya nga hindi physics ang kinuha kong kurso eh, kasi ayoko ng mga ganyang komplikadong bagay.

Simple lang para sa akin ang mundo, ayaw kong tignan pa ito sa mas mahirap na paraan. Kaya siguro ayaw ko din sayo.