Lagi akong ganito. Pinagpaliban ang isang bagay kahit gaano pa kaimportante.
Tuwing umaga nag-aalarm ako ng 6:49, oo 6:49, dahil late na ko kapag 6:50 ako nagising. ang kaso’y pagtumunog eh papatayin ko lang at matutulog ulit ako. Pagkagising ko alas otso na, tatamarin na kong pumasok.
Pagdating naman sa opisina’y alanganing umaga at tanghali na. Maaga para sa lunch break at late naman kung sa oras ng pagpasok. Para hindi ako malito ay humihingi ako ng tulong sa kaibigan kong pall mall, kapag nakatatlo na ko at sunog na ang aking labi at baga, sasabihin kong mamaya na lang ako papasok mga ala-una.
Pag-uwian naman hindi ako makaalis agad, dahil nga para akong boss kung pumasok (laging late) nakakahiya namang ako pa ang unang aalis, kaya’t ang mangyayari ay mag-oovertime ako sa opisina, magkakayayaan ng pusoy o inuman.
Nagseset ako lagi ng oras. Hindi ko lang nasusunod. Kapag sinabi kong hanggang alas otso lang ako ng gabi iinom o magpupusoy, wag mo kong paniwalaan, nung huli kong beses na sinabi yun dun na ko nakatulog sa opisina.
Magigising akong hindi pa sikat ang araw sa umaga. Mga alas tres, patay ang Diyos, kaya lalapitan nanaman ako ng multo ng nakaraan. Makikita kong muli sa isip yung itsura nya, mahabang buhok, maputing kutis, walang dugo sa mukha, walang dugo sa mukha. Bubuksan ko ang facebook ko, titingin sa luma naming litrato. 10 seconds lang, tang ina popoy lang ang peg.
Swipe, swipe, swipe, makikita ko ang itsura kong nakangiti kasama sya. Swipe pa, Marso ng taong 2014 okay pa kami. Alas tres beinte na.
Swipe, swipe, swipe, Pasko ng 2013, nag comment sya sa picture ko na nakatag sya, “Masaya ako’t nakilala kita. I love you baby ko” Tingin sa orasan 3:42 na.
Sasabihin ko sa sarili ko na hanggang alas kwatro lang kitang titignan. Pero alam kong hindi ko magagawa yun. Katulad ng sinabi ko nung iwanan mo ko, hindi na kita hahabulin kapag pumatak na ang unang ulan ng Mayo, inextend ko, sa pasukan ng mga estudyante hindi na kita mamahalin, inextend ko, hanggang na extend ng naextend.
Swipe, Swipe, Swipe, mamaya mata na ko na yung sina-swipe ko. Papatak nanaman ang luha, nagdudugo nanaman ang mga sugat ng nakaraan. Tumitalaok na ang manok saka pa lang ako matutulog. Bubulong sa sarili, bukas babangon ako ng 6:49, kakalimutan na kita.
ayyyy. next time na lang pala.