Miyerkules, Setyembre 24, 2014

Alam kong bababa ka parin kahit sinabi ko ng wag mo akong ihatid. Kilala kita, at hindi ako nagkamali. Matigas talaga ang ulo mo. Alam kong kukulitin mo ako na ihatid hanggang sa amin kahit na alam mo namang ayoko. 

Ayoko kasi hindi na tayo. Ayoko kasi baka umulan. Ayoko kasi gabi na. Ayoko kasi lasing ka. Pero kung tayo pa, maaraw, at hindi ka lasing matutuwa talaga ako.

Alam kong hahabulin mo ko at sasabihin na saglit lang o kaya naman ipapasok mo ako sa kasunduan para umuwi ka, dati sabi mo hanggang tricy-kelan lang. Ayoko talagang pumayag ngayon. Kasi nga gabi na, lasing ka at hindi na tayo. Pero sige, dalawang minuto lang naman ang hinihingi mo, para na rin hindi nasayang yung trenta'y singko na pamasahe mo. 

Alam ko na sasabihin mo na masaya kang nakita mo ako, o kaya naman mangungulit ka na magbalikan tayo. Pero mali yata ako ngayon. Natapos yung dalawang minuto, nagpasalamat ka lang tapos tinupi mo yung mga daliri mo na parang mga labi tapos dinampi sa pisngi ko sabay sabing ingat.

pagkatapos nung dalawang minuto, bumitaw ka sa pagkakahawak sa kamay ko. humalo ka sa maraming tao. nawala ka sa paningin ko pero hindi sa isipan ko. ingat ka rin. salamat sa dalawang minuto. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento