Sabado, Nobyembre 29, 2014

Kung bakit hindi kita aayain mag starbucks


Ikaw ang alaala ko sa unibersidad. Sa 6th floor kung saan tayo nagru-room.

Sa linear park kung saan ako nagyoyosi. Sa mga kainang walang upuan sa north at east.

Sa teresa street. Sa bilihan ng pugo, sa 7/11, sa sakayan ng jeep.

Sa farmers plaza. Sa bilihan ng damit sa pinakataas na floor. Sa papuntang Araneta sa sumunod na floor

Sa may Penshoppe at Juana sa 3rd floor. National bookstore at brownies sa 2nd floor.

Sa lugawan, inuman at pizza hut sa ground floor.

Sa sakayan ng bus sa labas hanggang sa hyper market.

Ikaw ang alaala ko sa buong byahe papunta o pabalik

Sa circle kung saan tayo unang nagdate. Sa jolibee sa philcoa kung saan tayo kumakain pag galing UP.

Sa kahabaan ng UP Gym hanggang tandang sora kung saan tayo naglakad kasama ng mga kaibigan.

Sa Human Nature kung saan nagtatrabaho yung pinsan mo.

Sa St.Peter Parish kung saan ako nagtapat ng pag-ibig sayo. 

Sa Sandigan kung san ka nag nakaw ng halik sakin.

Ikaw parin mula sa SM Megamall hanggang SM North at Trinoma. Sayo ang buong kahabaan ng Edsa

Hanggang sa Maynila. Sa Paco Church. Sa Vicente Cruz, Espana, Kalaw, Intramuros.

Sa Magallanes, Moa, Pasig, Paranaque pati sa Batangas nung nagthesis ako.

Hanggang dito sa Bulacan. Sa Norzagaray, sa bahay ng tropa ko. Sa bahay kasama ang kapamilya ko.

Halos lahat ata ng napuntahan ko ay kasama kita. Palagi tayong masaya kaya ang daming alaala.

Dito lang kita hindi naisama. At kahit kailan hindi kita aayain dito. kasi....

1. Masyado ng maraming masasayang alaala kami dito ng mga kaibigan ko. Ayoko ng ibang alaala dito bukod sakanila.








2. eto na lang ata ang lugar na napuntahan ko na hindi kita kasama. 

saka, hindi ka naman sasama pag inaya kita, kasi may iba ka ng kasama. 

Miyerkules, Nobyembre 26, 2014

Sa madilim na sulok ng Sta.Mesa


Malamig ang gabi kagabi. Senyales na malapit ng mag pasko. Kung sabagay malapit naman na talaga. Hindi ko lang alam kung ilang araw na lang. Tumigil na kasi ako sa pagbibilang ng mga araw. Huli kong bilang eh 175 days simula nung iniwan ako ng dati kong kasintahan. 

Galing ako sa isang unibersidad kahapon. Nanood ako ng laro ng mga dati kong kateam mate. Sa kasamaang palad medyo inalat yung laro nila. Kaya yung kasama namin nag-ayang maghappy-happy para man lang makalimutan ang lungkot dala ng pagkatalo. Hindi naman ako makahindi. Hindi dahil atat akong mag-inom, libre kasi. Mahirap talagang tanggihan ang libre. 

Napadpad kami sa pamilyar na lugar. Sa kanto sa may jolibee sa bandang Sta.mesa. Dun sa kahit hindi pasko eh patay-sindi ang ilaw na parang mga christmas lights. May lamesa, plato, kutsara't tinidor pero walang ulam at kanin. Pulutan lang ang meron. May baso pero walang tubig. Beer lang ang meron. Takot ako sa dilim lalo't hindi ko kilala yung mga aninong nandun.Madami na kasi akong karanasan sa mga holdap. Pero kagabi hindi ako takot. Walang wala ako kagabi kahit pangyosi. At tiyak kong hindi holdaper yung mga naka mini-skirt doon.

Pumasok na kami. tipikal na beer house. Patay sindi ang ilaw, madilim, maingay. Kakaunti lang ang tao. Alam ko kung bakit. Sabi kasi nung kalendaryo ko 24 pa lang. Kadalasan ang sahod eh sa katapusan pa, o kaya naman 20 o 25. Pero kahit wala pang sahod andun kami. Kailangan naming maging masaya kahit papano. Yung kasama ko gustong makalimot sa pagkatalo, ako naman ayaw ko lang talagang umuwing maaga at isa pa nalibre kasi.

Nilapitan kami ng isang lalake. Malaki yung katawan. Me phobia ako sa mga lalaking malaki ang katawan lalo na sa ganitong lugar. Nung huli akong nag punta sa ganitong lugar eh halos buhatin na ako palabas nung lalaking malaki yung katawan dahil ayaw nyang maniwalang bente dos na ko at wala akong ID. Pero tong isang to eh hindi naman. Tinanong lang kung lights o red horse yung bibilhin namin.

Bumili kami ng isang bucket ng lights. Konting kwento. Dead air. Konting kwento Dead air. Para kaming magjowa na nagbreak tapos biglang nagkita. Ang hirap mag-usap. Hindi naman dahil parehas kaming lalaki. Ang ingay lang kasi ng lugar. Ayaw naman naming magsigawan. 

Napansin ata nung isang mamasang (bugaw) na hirap na hirap kami kaya lumapit sya at may ipinakilala.

Hindi naman kami suplado kaya nakipagkilala din kami sa dinala sya samin. Eh ang kaso kakakilala pa lang namin tong mga babae naman, (ewan ko kung babae talaga) eh nagtuturo na. Hindi pa daw sya kumakain at nagpapabili ng sisig. At sakin pa nanghihingi. Yosi na lang yung inalok ko dahil walang wala nga ako. Kinuha na rin nya. Hindi pala mahiyain si ate. Tumatanggap ng alok kahit na alam nyang hindi bukal sa loob. Kung alam lang nya, dinadasal ko na magka TB  sya pagkaubos nya nung yosing kinuha nya sakin.

Konting kwento. Konting lambing. Tapos nagtuturo nanaman. Gusto din daw uminom. Sa totoo lang may budget yung kasama. At gusto na din naming mag table. Ang kaso kasi, hindi namin tipo yung dalawang nakaupo. Saka masyadong masiba. Kahit yung baon kong mani hindi pinatawad. Inubos pa yung yosi namin. Hindi na lang namin kinausap. Ganun daw ang pinakamadaling paraan para iwanan ka ng tao. Huwag mo daw pansinin. Effective. Umalis nga yung dalawa. Pero nanghingi pa ng bente. Pang yosi daw. Binigyan ko naman.

Konting inom. Kanta. First time kong kumanta sa ganitong lugar. Nung birthday ko kumanta ako sa bar sa MOA, sa 5th o 4th floor ng farmers. Kumakanta din ako sa videoke ng kapitbahay namin pero iba pala pag dito ka kumanta. Nakaka-pressure. Tinitignan ka ng mga taong hindi mo kilala. Sa palagay ko hinuhusgahan na nila ko. Shet. Nairaos ko naman yung binirit kong half crazy ng freestyle. 

Pagkatapos nun may lumapit sa table naming babae. Balingkinitan ang pangagatawan. Nakasuot ng polo pero yung dalawang butones sa taas lang yung nakasara. Naka shorts sya ng maong na halos isang dangkal ko lang ata yung haba. Makapal yung make-up pero walang lipstick. Maiksi yung buhok. 'ang galing mo palang kumanta' bati nya sakin. Aba, minsan na lang mabola magpapahumble pa ba ako? Sabi ko wala pa yun. Saka hindi lang sa pagkanta ako magaling sabay kindat. Tawanan kami. Ewan ko lang kung parehas kami ng iniisip. Basta ako ang ibig kong sabihin dun eh bukod sa magaling ako kumanta eh magaling din akong magchess. 

Kumuha sya ng isang upuan tapos nakisalo sa table namin. Pia daw ang pangalan nya. Ewan ko lang kung totoo o hindi. Sa napapanood ko kasi eh iba yung pangalan nila sa umaga at iba din sa gabi. 

'kukuha ako?' tanong nya sakin. Ladies drink yung tinutukoy nya. Tutal medyo tipo ko naman yung itsura nya saka wala na talaga kaming magawa eh pinakuha ko na. 'Isa lang muna, depende kung masusundan' sabi ko. Tawa nanaman kami. Ewan ko lang kung parehas kami ng tinatawanan. Basta ako depende kung may pera pa yung kasama ko.

Mahawak tong si Pia. Bago ako magkwento papatanong nya yung kamay nya sa hita ko. O kaya naman kada magrereact sya sa kwento ko eh papalo sya ng marahan sa balikat ko. Minsan nagnanakaw din sya ng kurot sa pisngi ko sabay banat na kukuha pa daw sya ng isa pa. Ladies drink daw ulit.

Since wala akong pera, nagpaalam muna ako sa kasama ko. Medyo short na daw kasi aakyat daw sya sa VIP room. Pero iiwanan daw nya ko ng 300 tapos dumiskarte na daw ako. Hindi ko maintindihan yung sinasabi nyang dumiskarte. Ibebenta ko ba yung kidney ko para madagdagan yung 300 o bobolahin ko si Pia para sya na lang magbayad ng ladies nya. Saka teka pwede ba yun? Eh dun nga sya kumikita tapos kakakilala lang namin eh gagastos na sya para sakin. Teka, kakakilala ko lang sakanya ah? Bakit ako gagastos para sakanya. Bahala na.

At umakyat na nga ang kasama ko sa VIP at naiwan ako kasama ni Pia. Tinanong ko muna sya kung magkano yung ladies. '170 lang' sabay palakad ng hintuturo nya sa mukha ko. Tinanong ko kung magkano sakanya dun. 70 daw. Sabi ko kumuha sya ng isa, tapos bibigyan ko na lang sya ng isang daan basta tagalan lang nyang ubusin yung ladies nya. Pumayag naman sya.

Tinanong nya ko kung madalas daw ba ako sa mga ganitong lugar. Sabi ko pangatlong beses palang pero hindi sya naniwala.Parang sanay na daw akong makipag usap. Ganun daw kasi ang istilo para makatipid. Bibigyan na lang yung babae kesa mapahamal pa sa ladies drink. Pero promise pangatlong beses ko pa lang talaga. Hindi ko pa nga alam na kapag tinanong mo sila kung gaano na sila katagal sa ganung trabaho eh ang sasabihin nila sayo eh dalawang linggo palang sila doon.

Ewan ko kung ganun talaga ang briefing sakanila doon o madali lang talagang magsinungaling sa hindi mo kakilala. Kasi wala naman silang patunay kung nagsasabi sila ng totoo. Pero sa bawat tanong nya sakin sinasabi ko yung totoo, ayoko kasing magsinungaling baka isipin ko ding nagsisinungaling sya kahit halata. Nung huli kasing punta namin dito eh nakita ko na sya. Last month yun. 

Banatan. sweet talk. inom. Nagsawa agad ako. Hindi ko pa pala kayang may humahawak sa kamay ko o may sumasandal sa balikat ko maliban dun sa babaeng nang iwan sakin. Hindi parin pala ako sanay mambola ng ibang babae na maganda sila etc. etc. Kaya pumunta na lang ako sa seryosong usapan.

Sinimulan kong tanungin kung Pia ba talaga ang pangalan nya. Hindi ko alam kung pinapanindigan lang nya yung kasinungalingan nya o nagsasabi sya ng totoo na Pia nga yung pangalan nya. Sinabi ko din na kaya ko natanong eh dahil nagdududa ako. Sa pag-uusap namin eh nalaman kong taga-bulacan din sya. Panganay sa tatlong magkakapatid at minsang nangarap na maging tourism student. Sa kasamaang palad eh wala silang pang tustos ng pag-aaral kaya nung pagkatapos sya ng hayskul ay nag-apply sya ng trabaho sa Maynila. Natanggap naman kaagad sya bilang serbidora daw sa kantina ang kaso pag punta nya ng Maynila eh dito sya sa madilim na lugar ng Sta.Mesa napadpad.

Ang lupit talaga ng mundo. Wala lang. Ang daming manloloko at naloloko. Madaming nang-iiwan at iniiwan. Teka hindi ata bagay na magmoment ako ng ganito matapos kong marinig yung kwento nya. 

Natanggal lahat ng duda ko. Naniwala na akong Pia ang pangalan nya at 20 years old lang sya. Tang ina mas matanda pa ko. Tapos sya nagtatrabaho ng ganun para lang mabuhay ang kanyang pamilya samantalang ako eh hindi nag ayos sa pagtatrabaho.

Bumaba na yung kasama ko. Kitang kita mo yung tuwa sakanya. Nalimutan na nya siguro yung pagkatalo nila kaninang umaga. Uuwi na daw kami pagkatapos nyang mag CR. 

Nag-paalam na ko kay Pia. Makikipag-apir lang sana ako pero yumakap sya. Walang kilig. Inabutan ko sya ng isang daan at nagpasalamat sa kwento. 

Hinatid kami palabas ni Pia at nung kasama nyang babae. Mga ilang hakbang pa lang may dumating na parokyano. 'Apple long time no see' pagtingin ko si Pia yung yakap-yakap. Tang ina sinungaling.

Sabado, Nobyembre 22, 2014

Nung gabing wala akong tulog


Kahapon, bumalik muli ako sa burol. Nakita ko ulit si tatang na adik. Nagkwentuhan ulit kami at tinuruan nya akong maghagis ng barya sa kara krus.

Naglaro ako magdamag ng chess, pusoy at tong-its kasama ng mga kateam mate ko. 

Nakakita ako ng nagtsotsongke at nagpapagulong ng bato. 

Nakipag kamustahan sa mga kaibigan.

Pagkatapos ng huling gabi ng burol ay dumeretso kami ng swimming ng dati kong estudyante.

Namalengke kami, naglaro, nagpicture, kumanta at syempre lumangoy. 

Pagod ako dahil halos tatlong araw akong walang tulog.

Madami akong nakita. At hindi kasama doon ang kalungkutan.

Linggo, Nobyembre 16, 2014

Isang gabi sa burol

Ayoko ng may namamatay akong kakilala o kamag-anak ng kakilala ko. Ayoko din ng burol. Hindi ko alam kung bakit. Ayoko ding sumilip sa kabaong at tignan ang itsura ng nakahiga doon. Pero kahit na ayoko hindi naman yun makakapigil sa ganung pangyayari. Dahil katulad ng kapanganakan, ang kamatayan ay natural lang. Kaya eto kami papunta ngayon sa isang burol. Namatay ang nanay ng kaibigan ko. Kahapon lang ay malakas pa daw iyon, kaya nagulat sila sa biglaang pagkamatay.

Ako din nagulat, bukod sa ansaya-saya pa naming nag-uusap nung nakaraang gabi, eh yung burol daw eh gagawin sa Sandigan. Malapit sa bahay nung dati kong kasintahan. Mapaglaro talaga ang tadhana. Nangako ako sa sarili ko na hinding hindi na ko bababa doon kahit anong mangyari, pero nasira ko agad ang pangakong yun. Gaya ng pangako ko sakanya dati na hindi ako susuko kahit anong mangyari.

Tumuloy parin ako. Sanay na rin kasi akong sumira ng mga pangako. Nagkita-kita kami ng mga kaibigan ko sa may barbershop sa sakayan ng tricycle. Tuwang-tuwa kami kasi halos tatlong taon o apat na yata na hindi kami nagkita-kita. At sa wakas nagkita na rin, kaso sa malungkot na lugar. Sa burol. 

Eto ang ayoko sa burol. Yung magkikita-kita lahat ng kamag-anak na bihira lang magkita, o kaya yung mga magkakaklase na nabubuo lang kapag may ganitong pangyayari. Kailangan pa ba talagang may mamatay muna bago makaalalang dumalaw o magsama sama?

Matapos ang mahabang byahe sa tricylce, nakarating na din kami sa wakas. Naligaw pa kami, pano ang sinabi lang eh yung street, hindi na sinabi kung ano yung block o lot ng bahay. Akala ko nga paglalamayan na din kami, pano napakaraming gangster na naglipana! Medyo madilim pa yung lugar, buti na lang at mababait yung mga gangster na yun. Hindi parin talaga pwedeng husgahan ang tao base sa itsura at lugar kung saan sila nakatira.

Sa mismong burol makikita mo yung iba't ibang ginagawa ng mga tao. May malungkot, may nagsasaya. Merong nakiki balita lang. Maraming dahilan kung bakit pumupunta sa isang burol. Yung isa kong kasama kakarating pa lang nagpusoy na. Yung iba pumasok at nagpahayag ng pakikiramay. Ako naman sumama sa umpukan ng naglalaro ng kara-krus. Iba-iba ang gustong gawin at dahilan namin pero parehas ng pinuntahan.
Pero bakit tayo, parehas tayo ng gusto at dahilan pero bakit sa magkaibang lugar tayo napadpad? Bakit ikaw lang ang masaya at ako lang ang malungkot? 

Ah ewan. Nasa tao daw yun kung ano ang gagawin nya. Wala sa lugar, wala sa pangyayari. Pinili kong maging malungkot para mapasaya ka at pinili mong maging masaya sa kabila ng kalungkutan ko. Sabi mo kasi, ayaw mo na dahil hindi ka na masaya sakin, sa atin. May magagawa ba ko dun? Wala. Katulad ng pangako ko sayo dati, wala akong magagawa kundi bitawan yun.

Sa umpukan ng naglalaro ng kara-krus nakilala ko si Tata Berto. Isang adik. Napansin ko sya matapos nyang sabihin yung linyang nagpasaya ng gabi ko. "Bobo neto, grade 4 lang tinapos mo mas marunong ka pa saken? At ikaw naman, pagrounded grounded ka pa, kuryentician ka ba?"
nung una hindi ko pa naintindihan yung kuryentician, saka lang nag sink in sakin na yung 'grounded, kuryente' tapos nakuha ko yung ibig nyang sabihin. Electrician.

Tuwang-tuwa ako kay Tata Berto. Hindi ako nakatiis eh kinausap ko sya. Nagsimula yung pag-uusap namin sa pag-aalok ng yosi. Natutunan ko yun sa Espana. Sa pagkukwentuhan namin, nalaman ko na grade 6 ang tinapos nya, at sa edad na kinse eh nagkarpintero na sya. Sumide line din sya bilang kundoktor ng bus at doon nga sya natutong magpagulong ng bato. Nung panahong nag-uusap kami alam ko din na nakabatak sya nun. Panay ang galaw nya, nguya ng nguya at hindi mapakali ang daliri. Hiningan nya pa ko ng isa pang yosi tapos sumibat na sya dahil maglalaro pa sya.

Ganun ganun lang. Iniwan nya ko matapos nyang makuha ang gusto nya. Shet. May mga ganong tao talaga sa mundo na minsan eh naiisip ko sana sila na lang yung nakaburol jan o sa kung saan mang burol.

Buong magdamag kaming gising ng mga kaibigan ko. Masayang nagkukwentuhan. Kahit yung namatayan naming kaibigan, makikita mo sakanya yung bakas ng kaunting saya. Saya dahil nabuo ulit kami at alam nyang may kahati sya sa kanilang kalungkutan. 

Matagal ko ng hindi nakikita yung iba kong kaibigan at kamag-anak. Naisip ko tuloy pasiyahin sila kahit isang gabi lang.

Biyernes, Nobyembre 14, 2014

Huwebes, Nobyembre 6, 2014

Maiksi ang saya. Mahaba ang paghihintay.

Parang kanina, ilang buwan din kitang hinintay na makita sadya man o hindi. At ayun nga nag kita tayo, ng di sinasadya. Suot mo yung binili nating damit dati nung pumunta tayo ng Batangas para sa thesis ko. Madaming tao sa mall kaya hindi mo agad ako nakita. Nag-aalangan din ako kung ikaw ba talaga yung nakita ko, kasi ang alam ko may pasok ka ng ganung oras. Kaya siniguro ko muna.

Tinignan kita mula sa malayo. Pinagmasdan ko yung mukha mo, yung buhok, yung ngiti, ikaw na ikaw. Kaso wala yung kwintas sa leeg na binigay ko nung anibersaryo natin. Pero alam kong ikaw na ikaw yun.

Kaya naglakad na ko papunta sa dereksyon mo. Nag-aalangan pa ko nung una, kasi hindi ko alam ang sasabihin ko sayo. Kakaway lang ba ako tapos aalis o uupo ako at makikipagkwentuhan. Pag ginawa ko yun di kaya awkward? Pero bahala na. Bihira lang na makita kita kaya lumapit na ko.

Medyo malapit na ko nung nakita kong may kasama ka, magkaholding hands pa kayo nun. Nagulat ako, nakita mo ko tapos nagulat ka rin. Napabitaw ka pa dun sa kamay ng kasama mo, sabi ko okay lang. Hindi ko na tinanong kung sino yun nagkamay na lang kami, sabi ko dati mo akong kaklase.

Ngumiti naman sya. Naikwento mo kaya ko sakanya?

Umalis din ako kaagad para hindi ko kaya maabala. Akala ko talaga magiging masaya yung pagkikita nating dalawa pagkatapos ng ilang buwan pero hindi pala.

Oh Em Jie

Ang dami kong gustong isulat.

Kung paanong akala kong naka move on na ko sayo pero nalaman kung hindi pala nung nagkita tayo ng hindi sinasadya. Nagulat ako. Nagulat ka din kaya napabitaw ka sa kamay nung lalaking kasama mo.

Masakit parin akala ko kapag dumating yung araw na makikita kitang may kasamang iba masasabi ko na 'sana maging masaya kayo' tapos sabay ngiti.

Hindi naman ako bitter na bitter, nabigla lang siguro ako. Kasi sabi mo wala kang panahon sa love life dahil busy ka sa trabaho at ayaw mo muna ng commitment. Pinagtanong tanong ko tuloy sa mga kaibigan mo kung alam nila na may boyfriend ka na ulit. At oo, tatlong buwan na pala kayo. Shet na lang ang masasabi ko.

Gusto ko ding isulat kung paano ako nasisante sa pinagtatrabahuan ko. Hindi naman dapat ako mabibigla. Pano ba naman eh kung paghatian nila yung schedule ko eh andun ako. Kaya kinausap ko yung coordinator ko. Sabi nya huwag ko daw pansinin dahil wala naman daw yun. Kumampante naman ako at umasang wala nga lang yun. Laking gulat ko nung nakaraang lunes nakatanggap ako ng sulat galing sa Principal. Hindi ko muna binasa pero alam ko na kung anong nakalagay. Kamot na lang ako ng ulo.

Isusulat ko din sana kung paanong nalungkot yung mga estudyante ko sa biglang pag-alis ko. Yung iba ay nagalit dahil hindi ako nakapag paalam. Hindi ko naman din kasi alam. Sabi kasi nung coordinator ko 'wala lang naman daw yun.' Kaya nag-appeal ako sa principal, umabot ako sa puntong sabi ko kahit wala na akong sahod (walking distance lang kasi yung school sa bahay namin) basta tapusin ko lang yung school year, ayaw ko kasing iwan yung mga bata at talagang ang hirap naman silang iwan dahil nung kasagsagan nung kalungkutan ko dahil sa break up eh sila yung nagpapasaya sakin. Pero wala. Pano ba naman yung floating teacher pala na pumalit sakin eh kamag-anak ng kung sino dun sa school. Haaaay

Gusto ko sanang isulat lahat to para mailabas ko lahat ng sakit, sama ng loob at lungkot na nararamdaman ko. Pero wala. Shock parin ako sa lahat ng pangyayari. Hindi ko pa matanggap ang lahat. Yung ex ko may boyfriend na. Nasisante na ko tapos may kapalit na agad ako kaya hindi na ako makaapila. Tapos pakiramdam ko nang iwan ako sa ere.

Kung sinabi ng ex ko na meron na syang iba dati pa siguro mas nakapaghanda ako. Naihanda ko sana yung sarili ko na makita sila sa kahit saan na ang sweet sweet. Kung sinabi lang nung coordinator ko na may problema edi sana baka naagapan ko pa, at sana nakapag paalam ako ng maayos sa mga estudyante ko kung sakaling hindi na talaga maaayos.

Di man lang nila naisip na idahan-dahan. Kasi hindi ako sanay sa biglaan, unti-unti na lang sanang nawala. Napakanta na lang ako.

Sabado, Nobyembre 1, 2014

Cold summer nights

Mag-aanim na buwan na nung iniwan sya ni Sophie. Yung matangkad, maganda, matalino at makinis nyang girlfriend. Matagal-tagal din ang kanilang pagsasama kaya nakakaramdam sya ng labis na pangungulila. Kahit na ba sa halos dalawang taon nilang pagsasama ay madalas silang mag away at pakiramdam nya hindi na sya mahal ng girlfriend nya. 

May mga gabing hirap syang matulog. Masyado ng maluwag ang kamang dati ay sakto para sakanilang dalawa. Sariwa pa sa kanyang alaala ang mga gabing pinagsaluhan nila. Magtitigan, magnanakaw ng halik. Magkukwentuhan ng mga pangarap. At ang pinaka namimiss nya ay ang pagyayakap nilang dalawa para labanan ang lamig ng gabi. 

Alaala na lamang ito. Sariwang alaala kahit na halos anim na buwan na ang nakakaraan. Naiwan pa sa unan ang amoy ng mabangong buhok ni Sophie. Naririnig parin nya parin sa kanyang isip ang maganda at mapang-akit nitong boses. Nakatatak parin sa kanyang puso ang kanilang mga pangarap.

Ang gabing ito ay hindi iba sa mga gabing nagdaan anim na buwan ng maghiwalay sila ni Sophie. Hirap syang makatulog. Tumingin sya sa bandang kaliwa ng kama at bumuntong hininga.

'Haays. Tama na ang drama, ang mahal mahal ng kuryente'

Bumangon sya at pinatay ang lintek na Aircon. 'Kahit nandito si Sophie malamig parin ang gabi.'

Stalker

Kung nasaan ka, andun sya. Parang tanod na nakabantay sa kilos at galaw mo. Nasa shaw ka man o Ayala nandun din sya, kahit ang trabaho nya ay nasa Sta.Mesa. Wala naman kaso sakanya ang distansya, basta makita ka nya masaya na sya. Hindi ka na nya kailangang kausapin o ano pa man. Basta makita ka nya okay na.

Kung di ka man nya makita, iteteks ka nya. Kahit di ka pa magreply. Minsan sinasabi nya ingat ka, o kaya naman namimiss ka nya. Wala syang paki kung hindi ka sasagot, hindi ka naman daw nya inoobliga. Naiintindihan ka daw nya. Alam nyang naka focus ka sa career mo ngayon at galing ka pa sa break up. Pero kaya naman daw nyang mag-antay.

Nagstatus ka ng ingles, ni-like nya. Nagpost ka ng pinakapangit mong picture, ni-like nya. Nag status ka ng 'hays' ni-like nya din. Nagtweet, upload ng pic, palit DP, lagi syang nakalike.

Kahit wala tuloy akong kalendaryo ngayon o kaya walang nagtirik ng kandila alam kong halloween na. Pano ba naman nagpaparamdam na yung mga kaluluwa, ay tikbalang pala.