Huwebes, Disyembre 21, 2017

Happy anniv!

Sabi ng mama ko kanina, ang sikreto ng mahabang pag-iibigan nila ni papa ay dalawa.
1. Loving always - Mag-ibigan sa lahat ng pagkakataon, sa lahat ng panahon. At kung may mga bagay na di inaasahan, o labas sakanilang pang-unawa, dito papasok ang ikalawa.
2. Love them anyways - Applicable daw ito lalo saming mga anak nya. Example. Hindi ako nagsaing, Papagalitan nya ko but still she loves me anyway.
Madami pang mga pangaral, madaming payo, hindi ko na isusulat dito pero hindi ibig sabihin na nakalimutan ko.
Alam ko late na ko sa pagbati at medyo tipsy nanaman ako, Alam ko namang you will love me anyway. HEHEHE.
Happy 30th anniv sa inyo. Salamat sa enduring love. 

Linggo, Disyembre 10, 2017

Ang pagbabalik.

Ilang araw ka ng nakatambay sa isip ko, siguro namimiss kita. Pero gaya nga nga sabi ni essa, ‘Nami-miss kita, pero hindi ko nanaisin na bumalik ka pa”
Mahirap ng itanggi to. Namimiss nga kita.
Sa totoo lang, tatlong taon na ang nakalipas, pero hanggang ngayon iniistalk parin kita sa twitter at IG mo.
Kapag bumabyahe ako papunta’t pauwi galing cubao, umaasa parin akong makasabay ka. Nung nakaraan sinadja ko pang bumaba ng Sandigan.
Hinahanap parin kita sa National Bookstore sa Farmers, sa DQ sa Gateway, sa Padis, sa Expo, pero kahit anino mo wala.
Naririnig ko nanaman ang boses mo sa kiss me slowly ng parachute at sa mga kanta ng faber drive.
Ewan ko ba, epekto parin ba to ng engkanto sa Amuyao? Kung bakit ba kasi hindi na lang ang alaala mo yung nailagaw.


Tumatambay ka nanaman sa isip ko, mukhang mapapatambay nanaman ako dito sa blogger ko.

Biyernes, Agosto 18, 2017

Life Hacks

Delikado na sa Pinas ngayon kaya eto ang ilang mga tips para iwas sa tokhang.
  1. Dapat mukha kang teen-ager. Nabalitaan naman siguro natin si Kian. Madaming mga netizen ang sumigaw ng foul sa kanyang pagkamatay, inosente kasi sya. Yung ibang nababalitang namatay mga inosente din isila pero hindi ganung pansinin, hindi kasi teen-ager. Saka tiyak na may ilang ngayon ang mga pulis na dumali ng teen-ager medyo mainit pa kasi ang isyu.
  2. Maging babae. Kung hindi kayang maging babae magpakababae. Sa itsura, sa pananamit, sa pagkilos etc. Parang nung Martial Law lang, para hindi patayin yung mga binatilyo, pinagbibistida ng kanilang mga nanay. Saka wala pa ata akong nakitang picture ng babaeng patay dahil sa tokhang. (Pwedeng nagkamali lang ako so 50% lang ang survival rate neto)
  3. Sa kahit anong sitwasyon, wag manlalaban. Kung nagtitinga ka nung inabutan ng pulis, ibaba ng marahan ang toothpick, dahan-dahang itaas ang dalawang kamay, sumuko ng maayos. Kapag binigyan ng baril, iputok ito sa iyong paa o hita, or iputok mo na lang sa ulo ganun din naman totodasin karin nila.
  4. At syempre ang pinaka safe, Maging Pulis. Si Papa Digong na ang bahala sayo wag ka lang magdadrugs.
Sa totoo lang hindi na talaga ligtas ang kahit sino sa atin ngayon. Kung ikaw ay nasa maling oras at maling lugar todas ka at wala silang paki sayo kung nadamay ka lang. (lalo kung hindi ka teen-ager) Di rin sapat ang dasal-dasal lang, kaya ang pinakamagandang gawin eh kumuha na agad ng life insurance.

Martes, Hunyo 27, 2017

Mga takot ko sa gabi



I.
Dis-oras na ng gabi't kakatapos lang mag-inuman. Hinatid na ko ng mga kasama ko sa sakayan. Pagtingin ko sa cellphone ko, may anim na teks at walong tawag si mama.

II.
Pano kung iwan nya ko bago pa maging kami?

III.
Pagkatapos nitong kontrata, ano na?

IV.
Nung nakaraang gabi nanaginip ako, palakad-lakad sa lugar na di ko alam kung saan. Kahit saan ako dumaan bumabalik lang ako sa aking pinagsimulan. Alam kong panaginip lang yun. Pagkagising ko tumingin ako sa kalendaryo, madadag-dagan nanaman ang edad ko, hanggang ngayon di ko parin alam ang gagawin ko.

Linggo, Mayo 21, 2017

Hindi ko mapigilan ang ngiti ko sa tuwing naaalala ko yung mga pinag-gagawa natin.

Tatatambay tayo sa linear park, uubos ng ilang stick ng yosi tapos magkahawak kamay na papasok sa klase.

Kakain ng mga ihaw-ihaw sa kahabaan ng teresa tapos makikipag patintero sa mga jeep sa stop and shop.

Lalakad papuntang farmers at mag-aabang sa paborito nating bus, yung kellen. Maghihintay tayo hanggang alas-diyes maka tyempo lang ng may mauupuan. Pag nakasakay na, isasandal mo ang pagod mong katawan sa akin at matutulog.

Natutuwa talaga ako pag naaalala ko yang mga yan nung bumabyahe pa ko papasok.

Pero simula nung umalis ka at di na bumalik, naging masakit na ang mga alaala.

Sabado, Mayo 20, 2017

Bakit hihintayin ang di naman nag paalam?

Tatlong taon na ang nakakaraan. Linggo sa Luneta, 6:19 ng hapon.
Kulay kahel ang langit.
Sa may chess plaza. Madaming lamesa na may ukit ng chess board pero sa apat lang ang ginagamit. Mas madami ang mga miron kesa sa mga naglalaro.
Sa upuan sa gilid ay may mga nagdedebate tungkol sa kinahantungan ni Bobby Fischer. Kung nabaliw daw ba sya sa dahil sa sobrang galing o talagang nabaliw lang. Paos at inuubo-ubo na yung dalawang nagdedebate, sa palagay ko'y kanina pa nila ito pinagtatalunan, ubos na ang laman ng mineral water sa tabi nila at nagkalat din ang mga basyo ng sigarilyo sa lapag.
Sa di kalayuan ay makikita ang mga turista, mag jowa, at magkakapamilya na namamasyal sa may Luneta. Meron ding mga nagtitinda ng kung anu-ano at nag aalok na kukuhanan ka ng litrato sa halagang isang daang piso.
Maingay ang paligid dahil sa mga miron, mga naglalaro at nagdedebate. Maririnig din ang mga busina ng sasakyan sa di kalayuan pero dinig ko parin ang tibok ng kabado kong puso.
Ako: Magiging okay pa ba tayo?
Siya: Hindi ko alam,
Ako: Hihintayin kita.
Hindi sya sumagot. Bumitaw sya sa pagkakahawak ko sakanya at naglakad papalayo habang naiwan akong nakaupo at tinitignan ng mga miron.

Linggo, Pebrero 26, 2017

When in bolinao

Kahapon nasa Bolinao ako. Naalala kita. Naalala ko yung mga napagkwentuhan natin nung minsang lasing tayo sa beer sa Cubao Ex. Sabi mo ibili kita ng two piece at papayag kang ihiga kita sa puting buhanginan ng Batangas, Pangasinan, at kung may budget ay sa Bora. Sabi mo sisimulan mo na ang pagda-diet para naman maging kaaya-aya kang tignan sa two piece na bibilhin ko. 

Ang tutoo'y kaya mo lang sinabi yun nung araw na yun ay alam mong wala akong perang pambili ng two piece mo at ayokong magpunta sa mga beach. Mas gusto kong umakyat sa bundok at maputikan kesa gumawa ng mga kastilyong buhangin at mag tampisaw sa dagat.

Pero alam mo, kahapon habang naglalakad ako sa dalampasigan na may hawak na beer, sabi ko masaya din pala sa beach. Hindi ko nga lang alam kung dahil ba yun sa tunog ng hampas ng alon, kapayapaan ng gabi, ng malamig na malamig na beer na nasa kamay ko o ng alaala na nagsasabing papayag kang ihiga kita sa puting buhanginan ng Batangas, Pangasinan o pag may budget ay sa bora.

Martes, Enero 10, 2017

Sirang body clock

Sa hindi malamang dahilan, ginigising parin sya ng kusa ng kanyang katawan sa tuwing sasapit ang alas-tres ng umaga. Sisilip sya sa bukas na pinto ng kanyang kwarto upang tignan kung may nakatingin sakanya. Ganun daw kasi yun, magigising kang bigla kapag may nakatingin sayo. Matatakot sya ng panandalian at muling hihiga. Lilipat sa kabilang pwesto. Magbabaliktad ng unan, hahatakin ang kanyang kumot pataas upang bigyan ng hangin ang kanyang isang paa. Hindi parin sya makatulog sa kakaisip kung bakit sya nagigising ng kusa. Marahil dahil natutulog sya tuwing lunch break sa kanilang opisina, o maaga syang nakatulog nung gabi. Hindi naman sya gutom at hindi rin naman malamok ang kanyang maliit na kwarto. Sa ganitong oras dumarating ang mga kakaibang ingay. Naririnig nya ang pintig ng kanyang puso sa unan, rinig na rinig nya ang pagtakbo ng oras, parang rumaragasang jeepney ang tunog ng kanyang electricfan na syang tumatangay sa kanyang isip papunta sa lugar na hindi kayang puntahan ng kanyang katawan sa ngayon. Dadako ito sa mga mall, sa terminal at sa iba pang lugar kung saan marami syang alaalang masaya. Lilipat sya muli ng pwesto. Sasandal sa may malamig na pader habang may kayakap na unan. Aasa na sana'y dalawin sya ng antok imbes ng mga alaala ng nakaraan.