Sabado, Enero 31, 2015

Ayaw kong malaman mo yung mga ilang bagay tungkol sa akin.. katulad ng..


Kasiyahan ko sa sa unang sabadong pagkikita natin. Na halos gabihin tayo sa dami ng kwento. Sa totoo lang ayoko pang umuwe pero kelangan. May inuman ako at malayo pa ang uuwian mo. 

Ayokong malaman mo na araw araw kong nilalakad ang kahabaan ng UP at umaasang makita ka o kahit man lang ang pangalan mo sa inbox ko. Ayoko ding malaman mo na kabisado ko na kung nasaan ang Quezon Hall, Main Library, UP Press, Bell Tower at Abelardo Hall. Na kabisado ko na rin kung kailan lumalabas ang dimple mo, kung paano ka ngumit at tumawa sa mga kwento ko.

Ayokong malaman mong tuwang-tuwa ako sa pagsayaw ng unat na unat na mahaba mong buhok habang ika'y naglalakad. Hindi ko mapigilang ngumiti kapag napapansin ko yun. Ayokong malaman mong tumatak sakin ang kalye ng Apacible at Osmeña dahil doon ko napansin ang iyong ganda habang nasisinagan tayo ng papasikat na araw.

Ayokong malaman mong halos ayoko ng maghugas ng kamay dahil sa di sinasadjang pagdampi ng mga daliri mo sa daliri ko habang sabay nating nilalakad yung mga kalyeng hindi ko na nakuha ang pangalan. Dahil tanging pangalan mo lang ang nasa isip ko nung mga oras na yun. Wala na kong paki kung wala pa akong tulog nun at ikaw naman ay halos bagong gising.

Ayokong malaman mo na naghahalo ang kaba at kilig ko sa tatlo hanggang limang minutong pag-uusap natin sa telepono. Pakiramdam ko ang haba na ng oras na yun. Kahit pa halos tatlong oras kong pinag-iisipan kung ano ang sasabihin ko at kung tatawagan ba kita. Masyado ka kasing abala sa mga ginagawa mo at ganun din naman ako. Masyado akong abala sa kakaisip sayo. Kung kamusta ka ba, kumain ka na kaya? At mga iba pang bagay.

Ayokong malaman mo na pagkatapos ng linggo eh atat na atat na akong magsabado. Para kung sakaling pagbigyan ako ng Bathala ng swerte ay muli kitang makita at makakwentuhan ng sabado ng umaga bago ako matulog sa tanghali. 

Ayokong malaman mong isa ka sa dahilan kung bakit ako pumapasok sa trabaho. Dahil malapit lang yun sa lugar kung saan kita makikita. Malaki ang paniniwala ko na: Mas malapit, mas may pag-asa akong makita ka. Hindi traydor ang distansya dahil sukat iyon ng siyensya. Hindi katulad ng paniniwala at pag-asa. Oras lang ang kalaban, hindi ang tadhana.

Ayokong malaman mo ang bagay na to. Hindi ko alam kung bakit. Natatakot siguro ako. Baka pag nalaman mo bigla kang lumayo. Baka mawala ang pag-asa na makita kita sa kahabaan ng UP o ang pangalan mo sa inbox ko. Baka hindi ko na makita ang buhok mong sumasayaw-sayaw habang naglalakad. Baka hindi na maulit ang di sinasadjang pagdampi ng daliri mo sa daliri ko. Baka hindi mo na sagutin ang tawag ko. Baka mawala na ang masasayang gunita ng sabado ng umaga ko bago ako matulog.

Mas mabuti pang ganito. Yung pasikreto kitang gusto.

5 komento:

  1. Punyeta, Pebrero na. Umaalingasaw.

    Epic 'tong "Hindi traydor ang distansya dahil sukat iyon ng siyensya. Hindi katulad ng paniniwala at pag-asa. Oras lang ang kalaban, hindi ang tadhana." Galing.

    Teka, kelangan kong magtimpla ng kape at magba-backread ako sa mga di ko nabasa nitong mga nakaraan.

    TumugonBurahin
  2. Mas magaling to idol : Sa mga sawi dyan, or happily single, or whatever shit your status is na synonymous sa kawalan ng dyowa, may karapatan tayong mabaliw sa loob ng 28days. Ayos lang yan. Wag mong ikahiya. 'Lika, isalya na natin yan. Ipunin na ang mga litratong ididikit sa piñata na papaluin nating wagas sa Araw ng Punyetang Pag-Ibig. Let's all be miserable together.

    HAHAHA happy hearts month <3

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Ay syet. Ang pait. Sino nagsabi nyan? :))

      Burahin
    2. Hahaha nabasa ko lang sa kung saan. Anyways, excited na ko sa kung ano mang isusulat mo tungkol sa buwan ng pag-ibig hahaha

      Burahin
  3. Pasimpleng torpe pero romantiko ang moda :)

    TumugonBurahin