Miyerkules, Enero 21, 2015

Shift



Madaming nagbago sayo kaibigan. Bukod sa oras ng gising at tulog mo, nagbago din yung pagtingin mo sa buhay. Nung nakaraang taon para kang sinalanta ng bagyong Yolanda. Iniwan ka ng pinakamamahal mong kasintahan. Kasamang nawala yung mga kaibigan mong inaasahan mong tutulong sayo, pero nagkataong kaibigan nya din ang mga yun at sya ang pinili nila. Nawalan ka din ng trabaho nung taong yun. Nagkukulong ka na lang lagi sa kwarto. Bukas ang ilaw pero nananatiling madilim ang paligid. Sabog na sabog ka na sa lahat ng problema mo. Pinapagalitan ka pa ng tatay mo dahil nga wala ka ng trabaho. Sabi mo sakin di mo na kaya. Handa ka na kamong hindi magising kinabukasan. Buti na lang at hindi ka natuluyan. Sa tulong ng mga natira mong kaibigan pinilit mong hindi sundan ang liwanag. At nag tagumpay ka.

Natapos ang malupit na taon. Nagpaputok ka kasama ng pamilya at kaibigan mo. Naitaboy nun yung mga kamalasang umaaligid sayo. Naging maganda ang bungad ng taon para sayo. Nanalo ka sa isang writing contest kahit na hindi mo alam kung pano nangyari yun. Nanalo ka din ng chess tournament at may bonus pa. Nakita mo ulit dun yung dating kai-bigan  kaibigan mo na nakalimutan mo.

First year college ka pa lang nun. Siya naman ay third year highschool. Taon-taon mo syang kasama sa iba't ibang lugar dahil parehas nyong nirerepresenta ang inyong lugar para sa chess tournament. Nagsimula yun nung nasa elementarya pa kayo. Wala ka pang pagnanasa sa mga at sya naman ay hindi pa ganap na babae. Kung tutuusin nga parang mas lalaki pa sya sayo. Napansin mo lang sya nung pagraduate ka na ng highscool. Doon kayo unang beses na nagkausap. 'goodluck, galingan mo' sabi mo sakanya bago magsimula yung laro. Nagulat sya, parang hindi daw ikaw yung nagsasalita. Sobrang yabang kasi ng image mo dati at wala kang paki sa iba. Ang mahalaga lang sayo noon ay manalo ka. Pagkatapos nun, nagkamustahan kayo ng laro. Talo ka at panalo sya. Sa unang pagkakataong masaya ka kahit natalo ka. Naiyak ka ng konti kasi huling taon mo na yun pero okay lang kasi may bago ka namang kaibigan.

Araw-araw na kayong nagkakausap simula noon. Kwentuhan ng kung anu-ano, laro ng chess at jamming sa gitara. Nahulog ang loob nyo sa isa't isa pero hindi kayo nagkatuluyan. Bata pa kasi kayo noon. Nangako kayo sa isa't isa na magiging kayo kapag 18 na sya. Hindi nangyari yun kasi nung nagcollege ka basta mo na lang sya iniwan sa ere. Medyo malungkot pero ganun talaga. Napagkwentuhan nyo ang lahat ng yun nung nagkita kayo sa tournament.Medyo awkward pero masaya.

Nagkaron ka na rin trabaho ngayon. Inaayos mo ang problema ng iba. Pumapasok ka ng alas-onse ng gabi at bumabati sa mga katrabaho ng good morning. Kumakain ng alas tres ng madaling araw at tinatawag nyo yun na lunch. Baliktad na ang mundo mo. Parang si magda. Tulog sa umaga, gising sa gabi. Pwede mo na nga ring sabihin sa nanay mo na 'Papasok ka palang pauwi na ko' kapag gusto mo syang yabangan. Maliwanag na ulit yung ilaw doon sa kwarto mo.

Masaya ka na ulit. Nakakatingin ka na sa salamin at nasasabi mong gwapo ka. Dati kasi wala ka ng bilib sa sarili mo. Paulit-ulit mong sinasabi na walang gwapong iniiwan. Hindi ka parin buo pero mas masaya ka na kumpara nung nakaraang taon. Hindi ka na nalulungkot kapag bumabyahe pa edsa. Hindi ka na nagrereact kapag sumisigaw yung konduktor ng 'Sandigan, Sandigan meron ba?' Hindi ka na rin naiiyak sa kantang It will rain ni Bruno Mars. Nakakabanat ka na sa mga babae. May angas ka na ulit.

Masaya ako para sayo kaibigan. Kapag nakuha ko yung sahod ko pangako ililibre kita kahit saan mo gusto. Kung gusto mo isama mo pa si Roxanne. Hanggang dito na lang muna may pasok pa ko.

2:45 am
2nd floor, training room 4

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento