Napagod ako. Umiyak. Lumayo. Pero wala akong nakuhang sagot. Bumalik ako sa pag-iisip kung paano tayo napunta sa ganito. Sinumulan ko sa Cubao. Sa may Farmers. Hawak kamay tayong naglalakad. Masaya. Nililibot natin lahat ng bilihan ng damit. Pipili ka. Sasabihin mo gusto mo. Pagkatapos mong isukat, kilatisin ay iiwan mo. Natatakot din tuloy ako nun nung sinabi mong gusto mo ako.
Pagtapos nating maglibot sa damitan pupunta tayo sa National Bookstore. Pipili ng libro tapos bibilhin kapag may espesyal na araw sa buhay natin. Napag usapan pa nga natin na gagawa tayo ng library natin. Ang saya saya ko nun. Ganado akong mag ipon para makarami. Hanggang ngayon bumibili parin ako ng mga libro at tinutuloy ang pangarap natin. Marami tayong pangarap. Alam kong bata pa tayo pero naplano na natin yun. Tatlo o dalawang anak lang. Kesyo may lalaki o wala basta tatlo o dalawa lang. Ayaw mo kasing malosyang agad. Pumayag naman ako syempre. Pero sa isip ko nun, kahit kasing laki ka ng gasul yayakapin parin kita. Hindi hadlang sakin yun para mahalin ka.
Yung pagsasama kasi nating dalawa masyado ng madaming hadlang. Yung mga kaibigan natin ayaw sa atin. Yung pamilya natin ayaw sa atin. Mabuti na lang at gusto natinang isa’t isa.
Sumindi muna ako ng sigarilyo. Kumain ng kwek-kwek. Tumawid ulit pabalik ng SM. Haay SM. Kay raming tao. Pero damang dama ko ang pag-iisa. Inalala ko yung mga panahong pumupunta tayo sa SM. Sa Manila, San Lazaro, Lipa, Mega mall, Sta.Mesa. Pero ang pinaka paborito ko ay yung nasa SM North tayo. Naligaw ako dun nung nanliligaw pa lang ako sayo. Ikaw ang nag pakilala sakin sa mga mall. Sa mga mall na maraming tao. Nung mga panahong magkasama tayo nun pakiramdam ko O.P satin lahat ng tao sa mall. Kung baga sa pelikula naka gray scale lang sila. Naka Slow motion. Nasa atin yung focus. Colored.
Makulay yung tatlong taon nating pagsasama. May away. Tampo. Selos. Kinaganda nun walang nanloko sa isa’t isa. Oo sige. Niloko kita. Sabi ko hindi kita mahal. Kasi mahal na mahal kita. Syempre kung may away nagbabati din. Kung may tampo, sinusuyo. Nung nagselos ako dati sa kaibigan mo, hinawakan mo lang ako sa kamay ko nakampante na ko. Pakiramdam ko nun kahit anong mangyari hindi ka bibitaw.
Ngayon bumitaw ka na. Sabi mo napagod ka. Saan ka ba napagod? Sa pag iikot natin sa mall? Sa mga away? Tampuhan? Hindi ko maintindihan. Kaya muli binalikan ko ang lahat. Mula SM North. Annex sa SM north, pupunta sa foodcourt. Babalik sa annex at titingin ng cellphone. Kakain. Tatawa. Maghahawak kamay. Kikiligin ako. Matutuwa ka at yayakapin mo ko para lalo akong kiligin. Lalo naman akong kiligin. Pag katapos nun pupunta ng Trinoma. Pupunta sa landmark. Tapos pag napagtripan pupunta sa wildlife.
Mga ilang linggo din tayo sa wild life. Madaming seryosong bagay ang napag usapan natin dun. Tungkol sa politika, relihiyon at iba pa. Na madalas ko lang mabanggit kapag lasing ako. Pero nung kausap kita nasabi ko lahat ng yun. Nung mga panahong yun lasing ako sa pag-ibig. Sa saya.
Madami tayong napuntahan na lugar. Binalikan ko lahat sa aking alaala. Hindi ko pa kasi kayang balikan yun sa ngayon. Masyadong masaya ang mga lugar na yun para sa akin at hindi ako bagay dun dahil puno ako ng kalungkutan. Katulad ngayon ni hindi ako makasakay ng bus kasi naaalala kita.
Lagi kitang naaalala. Pagkagising ko pa nga lang naaalala na kita. Tineteks kita agad. Ganun din bago ako matulog. Parang ikaw ang araw at buwan ng aking buhay. Sayo nagsisimula ang bawat araw ko at sayo din nagtatapos. Paano nga ba tayo napunta sa ganito? Masaya naman tayo. Nag aaway pero masaya parin pagkatapos. Dahil ba napanood mo yung 500 days of summer kaya nagkaganito tayo? Hindi naman siguro.
Isang buwan na tag-araw at isang buwan na tag-init. Inisip ko. Ngayon alam ko na ang sagot. Hindi naman tinakda. Nasa tamang oras at panahon naman tayo nung nagkita. Hindi ko rin naman masabing hindi tayo nagmahalan ng tunay nung panahong magkasama tayo. Napunta tayo sa ganito dahil kailangan.
Kailangan nino? Ko? Ikaw? Siguro nga ganun. Shit. Pero ganun nga siguro.
Sa susunod na maglalakad ako. Iisipin ko kung bakit kailangan natin to.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento