Ala una beinte-singko nung pumasok ka sa isip ko. Hindi ko alam kung pano, wala namang nag udyok. Basta para kang magnanakaw na pumasok sa isang bahay. Tahimik at hindi napansin ng may-ari.
Ala una-trenta ng mahimasmasan ako. Natanggal ang pagkatulala ko. 'ser natahimik ka ata' sabi ng estudyante ko. Nasa gitna pa pala ako ng klase hindi ko namalayan. Yung puso't isip ko kasi napadpad sa highway ng Commonwealth na madalas nating daanan. Nagtuloy sa Circle na ating pinagtatambayan. Napadpad sa Sm North kung saan tayo madalas mag date. Napasama sa madaming tao sa MRT. Bumaba ng Guadalupe. At doon tuluyang naligaw.
Hindi pa kasi ako nakakarating sa Guadalupe. Kaya siguro doon mo naisip na magtrabaho para hindi kita makita kahit na sa gunita ko lamang. Hindi ko maiisip na mula Sm North ay pupunta ka ng Trinoma at makikipagsiksikan sa maraming tao sa MRT. Hindi ko makikitang napapaligiran ka ng maraming tao. Hindi ko alam kung maingay, masaya o anong pakiramdam. Dahil hindi pa ko nakapunta dun.
Natapos ang oras ng klase ko pero hindi parin ako tapos sa kakaisip sayo. Lagi kitang iniisip. Inaalala. Kahit masakit at wala na akong napapala. Parang dito sa trabaho ko. Mahirap. mapupuyat. mapapagod. Sasahod ng maliit, Gagastos ng malaki para naman kahit saglit makalimutan ka. Hindi ka kasi maalis sa isip ko kahit anong gawin ko. Kumain, magdota, pumasok sa trabaho, mag-gala. Laging nandito ka-- sa puso't isipan. Maliban na lang kapag nag-iinom ako. Dun lang yata ako nakakatakas sa alaala mo.
Kapag masikip na ang dibdib ko sa kakayosi, kapag lasing na ko sa kakainom, kapag pakiramdam kong nauupos na kong parang sigarilyo at kapag para na kong bote ng empilights na wala ng laman, doon ka pa lang mawawala sa isip ko.
Putang inang paglimot to napakahirap, ang gastos pa--nakakamatay. Ang masama nun saglit lang. Maya-maya o bukas maaalala nanaman kita. Pag kagising, bago maligo, bago pumasok sa trabaho, bago umuwi, bago matulog. Lalo tuwing gabi. Kung kailan tulog ang lahat. Tahimik. Saka ka darating at papasok sa isip ko ng walang sabi-sabi. Parang isang magnanakaw. Kukunin lahat ng makukuha... tapos aalis din..walang ititira...kahit na konting kasiyahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento