Dahan-dahang bumalik ang mga alaala. Parang patak ng ulan. Sa una'y marahan, tapos ayan na. Bumuhos ng matindi. Ganito ang nangyari kanina habang ako'y nag-iisa. Matagal na din kitang hindi naisip. Tadtad ako ng trabaho. Pagod, puyat. Halos magkasakit ako. Parang naulanan.
Naalala kitang bigla. Ang lakas kasi ng ulan. Napatingin ako sa bukas na bintana ng silid-aralan na aking pinagtuturuan. Malayo ang tingin. Tanaw ko sa isip ko ang lugar nyo, parang matibay na pader, Sandigan.
Kapag ganitong tag-ulan ko damang dama ang pag-ibig mo. 'Sir wala kayong payong? Baka ho mabasa kayo'. Gusto ko sanang sabihin na 'De, ok lang ako' kaso hindi. Namiss ko yung mga ganong pag-aalala. Yung mga mensahe mo sa cellphone ko, na katulad mo ay nawala. Yung mga mensahe at chat natin sa facebook na katulad ng patak ng ulan, hindi nabibilang ay tuluyang nawala. Parang pagtila ng ulan dahil sumikat na ang araw. Pero hindi ganun ang tema. Tumigil ang ulan pero madilim parin ang langit. Parang may bagyong paparating.
Naglakad ako papunta sa susunod na classroom na pagtuturuan ko. Walang payong. Basa ng ulan. Damang-dama ko ang bawat patak ng ulan sa aking katawan. Nanunuot. Malamig. Ako lang ang naglalakad sa ulan. Damang-dama ko ang pag-iisa.
Nakarating ako sa susunod na classroom. Sana ay kasing lapit mo lang din ito. Para kahit umuulan at wala akong payong ay mapupuntahan kita. Magkikita tayo at yayakapin mo ako katulad ng lagi mong ginagawa. Mapapawi ang lamig. Mawawala ang lungkot. Kaso malayo ka. Malayong malayo talaga.
Gustong gusto ko talagang pumupunta sa inyo kapag umuulan. Wala kasi akong payong. Tiyak kong magtatagal ako sa inyo kapag ganun. Alam ko kasing hindi mo ko papaalisin, ayaw mong mabasa ako ng ulan. Kaya sasabihin mo na mamaya na ko umuwi. Pagtila na lang ng ulan. Magkukwentuhan tayo, magkukulitan, magtatawanan.
Pagkatapos nun, titila na ang ulan. Mawawala na rin ang saya. Uuwi na ko. Titingin sa labas, at sa langit hihiling,
Bukas, sana umulan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento